HuMAYO

62 4 0
                                    



HuMAYO

ni Aymadrimer

"Mayo na?"

Binuklat ulit ni Flordeliza gamit ang kaniyang payat na kamay na may nakakabit na swero ang nakaraang pahina ng kalendaryo. Pulos pulang ekis na marka ang mga araw ng Abril. Tama siya. Tapos na ang Abril at ngayon na ang buwan na kaniyang pinakahihintay.

"Mama! Makakaalis na rin po ako rito! Mayo na po, Mama!" Sabik na iwinagayway ng bata ang kalendaryo upang makita ito ni Linda. Kahit na mababanaag sa kaniya ang hirap at pagkalamya, pansin pa rin ang ngiti nitong minsan lang makita.

"P-Paano mo..." Hindi maituloy ni Linda ang sasabihin dahil sa gulat. Napatingin na lamang siya sa kalendaryo at sa magandang ngiti ng kaniyang anak.

"Paano ko po nalaman? Narinig ko po kasing sabi ng doktor noong nakaraang dalawang buwan, na sa Mayo po ako aalis. Bakit po, Mama? Ililihim mo ba iyon sa akin? Bakit po?" malungkot na tinig ng anak habang ibinababa ang kamay kasabay ang paghugos ng kaniyang saya.

"Hindi, Anak! Hindi sa gan'on." Napatakbo ang ina sa kama nito ata agad na umupo roon. Hinawakan niya ang payat na kamay nito at dinampian ng halik. "Huwag ka nang malungkot. Inilihim ko lang naman para ngayong Mayo ko na mismo sasabihin sa 'yo. Sorpresa ko sana na uuwi na tayo, kaso alam mo na pala, Anak. Kaya ngumiti ka na ulit, Flor! Gagaling ka na. Uuwi na tayo ngayong Mayo!"

Bumalik ulit ang sigla sa payat na mukha ni Flordeliza. Binalik niya ulit ang tingin sa kalendaryong may nakalagay na Mayo.

"Mama, anong araw tayo uuwi?"

Napahinto si Linda.

"Anak..." Tinitigan niya ang maliit na mata ng kaniyang anak. Napakaganda nito. Mapupungay ang mga mata. Ngunit sa kabila nito, narito ang alaala ng matinding hirap na sinapit ng anak. Makikita rito ang ilang taong pamamalagi ni Flor sa ospital. Ang hapdi ng mga karayom na tumutusok sa kaniyang katawan, ang iba-ibang uri ng gamot na mistulang kendi na lang ng mga ordinaryong bata , ang mga pag-aray at ang palahaw niya na dumudurog sa puso ng ina, ay ilan lamang sa mga karanasan nila sa loob ng maliit na silid na iyon. Napakahirap. Napakasakit.

"Hindi ko alam kung anong araw tayo uuwi pero malapit na 'yon, Anak. Ngayong Mayo, siguradong uuwi na tayo. Hindi ka na uli tutusukan ng kung ano-ano. Hindi ka na iiyak ulit dahil sa sakit mo. Gagaling ka na. Uuwi na tayo at magpapakasaya. Iyong lugar ng Papa mo? Maganda r'on! Doon tayo pupunta. Kakain tayo r'on ng paborito mong tsokolate at sorbetes. Iyong litson? Matitikman mo na rin 'yon. Kakain ka ng marami. Tapos, makikipaglaro ka sa mga kalaro mo. Maghahabulan kayo, magtataya-tayaan. Doon kayo sa taas ng bundok. Mula r'on, matatanaw mo ang lahat, Anak. Makikita mo rin ang iba-ibang uri ng mga bulaklak. Napakapresko pa ng hangin kahit na maaraw. Malilim kasi dahil sa mga puno. Anak, napakaganda r'on!"

Bumabalisbis ang luha ni Linda habang binabanggit ang mga ito. Nakangiti siya. Tunay ito dahil alam niyang matatapos na rin ang paghihirap ng kaniyang anak. Malapit na.

"Mama, mababango ba 'yong mga bulaklak doon? Mayroon po bang..."

"Mirasol? Iyong paborito mong bulaklak na dilaw? Kung 'yon, marami. Ubod ng ganda," nakangiting sagot ng ina.

"Talaga po? E, maaraw po ba tuwing Mayo?"

"Maaraw, Anak. Pero gaya nga ng sabi ko sa 'yo, maraming matatayog at malalagong puno sa lugar ng iyong ama. Puwede kang sumilong para hindi ka masyadong mainitan. Napakarami ring mga ibon na lumilipad, Anak. Alam kong gusto mo 'yong mga ibon. Marami ring pananim. May mga prutas at gulay. Kaya nga, tiyak na tataba ka, Anak!" pagpapaliwanag ng ina.

"Pero po, Mama, hindi po ako marunong maglaro. Mahina ako. Siguradong madadapa lang ako. Baka himatayin pa nga." Napayuko si Flor dahil sa ideyang hindi niya kasinglakas ang mga kaedad niya. Siguradong pagtatawanan lang siya ng mga bata.

Pinisil ulit ng ina ang kamay ng anak. Tumingin muli ito. Nginitian siya ni Linda.

"'Di ba nga, gagaling ka na? Hindi ka na magiging mahina ulit. Lalakas ka na. Makikipagtakbuhan ka. Siguradong mahahabol mo 'yong mga bata. Kaya mo 'yon, anak! Maniwala ka!"

Napaluha si Flor. Umaapaw ang kagalakan niya dahil sa mga binanggit ng kaniyang nanay. Dahan-dahan siyang yinakap nito at hinalikan sa pisngi. Ito ang isa sa pinakamasayang araw sa buhay niya, at alam niyang madadagdagan pa ito kung naroon na siya sa lugar na sinasabi ng kaniyang mama.

"Mama, gustong-gusto ko nang umuwi kila Papa. Ang ganda ng lugar, parang..." Hindi maituloy ni Flor ang kasunod. Ano nga ba ang tawag d'on?

"Paraiso, Anak. Paraiso."

Lumipas ang mga araw at dumating na rin ang tagpong pinakahihintay ni Flordeliza. Tinanggal na ang mga bagay na nakadikit at nakatusok sa katawan nito. Nakahanda na rin ang mga gamit ni Flor para sa pag-uwi. Gumanda siya lalo dahil sa suot-suot niyang puting bestida na may mga bulaklak na nakaburda.

Nanatili muna si Flor sa bahay ng kaniyang ina. Matapos ang isang linggo'y naghanda ulit sila upang tumungo na sa lugar na pinakahihintay ng bata. Ang paraisong tahanan ng kaniyang ama.

Sinamahan siya ng kaniyang ina at ilang mga kapamilya.

Gamit ang malaking espiker na nakalagay sa taas ng sasakyan na sinasakyan ni Flor, pinapatugtog doon ang awit ni Basil Valdez na Hindi Kita Malilimutan. Marami ang naiyak dahil sa awit, lalong-lalo na si Linda habang hawak-hawak ang kalendaryo ng anak. Sa unang pahina nito ay Mayo. Dalawang buwan bago ito ay nalaman niya na may taning na si Flor. Na aalis na sila sa ospital, at iiwan na siya ng kaniyang anak.

Huminto ang sasakyan at naging hudyat na ito na naroon na sila lugar na tinutukoy ni Linda. Malawak nga ito nguit mabibilang lang ang mga puno. Napakainit at wala namang mga batang naglalaro. Hindi naman paraiso ang lugar na ito. Isa itong malaking kabaliktaran sa kuwento ng ina ni Flor. Isa itong napakalaking kasinungalingan. Hindi ito ang paraiso.

Iyan ang nakikita ng lahat.

Ngunit tama si Linda. Napakaganda nga ng paraiso na ikinuwento niya. Sigurado r'on si Flor, sapagkat naroon na siya ngayon, kasama ang kaniyang ama at ang Diyos.

Iyon ang lugar na pinakaaasam ni Flordeliza ngayong Mayo, ang tinatawag niyang paraiso.

~*~

Entry po ito sa contest na gawa ng Inspiring Team of Writers. Maari n'yo rin itong basahin doon. Like at share n'yo na rin. Thanks!

Link: https://www.facebook.com/Inspiringwriters/posts/1362557050531618


#ITWContest

#LetFlowersBloom

#KarakathaHuMAYO

KarakathaWhere stories live. Discover now