Prologo

68 1 2
                                    

Mula sa kaninang napakaingay at pagkasaya-sayang perya, nabalutan na ito ngayon ng katahimikan. Wala na ang mga taong nagkakagulo kanina sa mga rides at palabas. Nakapatay na lahat ng ride engines, maging ang mga ilaw. Pati ang mga nagtitinda at staffs ng karnabal ay umalis na rin. Tanging isang katiting na liwanag lang ang mamamataan sa nasabing lugar, mula ito sa flashlight ng isang lalaki na kabilang sa mga nagpapakatakbo ng mga palaro sa loob.

Paalis na sana siya nang mapansin niyang may batang babaeng nakaupo sa gilid ng tarangkahan ng perya. Yakap-yakap nito ang dalang elepanteng stuffed toy at medyo nanginginig. Malamig ang simoy ng hangin, naka-jacket din ang lalaki kaya inisip nitong baka nilalamig lang din ang bata.

Tinapat ng lalaki ang hawak niyang flashlight sa mukha ng batang babae. Napaharap sa kaniya ito at napansin niyang hindi naman ito madungis, hindi ito mukhang palaboy. Napakainosente ng mukha nito.

"Ineng, ano pang ginagawa mo rito? Umuwi ka na, napakadilim na at maiiwan ka na lang na nag-iisa rito."

"Pasensiya na, manong. Hindi po kasi ako puwedeng umalis sa lugar na 'to."

Hindi malaman ng lalaki kung bakit nang biglang kumurba ang labi ng bata para bumuo ng ngiti, nanginig ang buo niyang katawan.

"B-Bakit?"

Lalong lumapad ang ngiti ng bata. Tumayo siya at humagikgik. Nagulantang ang katinuan ng lalaki nang bigla itong humugot ng kutsilyo at dinalaan ang talim nito. "Hindi pa ako maaaring umalis hangga't hindi ko pa nasasaksak ang kutsilyong ito sa dibdib mo... pababa sa iyong tiyan!"

"Putang ina!"

Nagmamadaling kumaripas sa pagtakbo ang lalaki. Tinanaw lang siya ng bata habang tawa nang tawa, hanggang sa hindi na niya namataan pa ang liwanag na nanggagaling sa flashlight nito. Napakadilim ng paligid at tanging ang mga bulong lang ng hangin ang maririnig.

Muling umupo ang bata at niyakap ang sarili. Binalibag na niya sa malayo ang napulot na laruang kutsilyo na gawa lamang sa kahoy. Bagamat natuwa siya dahil tagumpay ang pananakot niya sa lalaki, hindi pa rin maalis ang kaniyang pagkabalisa.

"Na'saan na kaya si ate?" nanlulumong tanong ng bata sa sarili.

Bago magtapos ang Setyembre, itinatayong muli ang perya at isa sa mga palagiang pumupunta rito sina Mari at ang kaniyang ate. Ngunit nang gabing iyon, kinailangan sa trabaho ang kaniyang kapatid. Dahil mahilig sa mga palaro at palabas, nagpumilit si Mari na pumunta sa karnabal kahit pa nag-iisa lamang siya. Wala namang nagawa ang kaniyang ate at hindi nito natiis ang kaniyang bunso, ngunit nag-iwan siya ng isang bilin dito.

"Mari, huwag na huwag kang aalis sa perya hangga't wala ako. Ipangako mo."

Paulit-ulit sumisirko-sirko sa kaniyang isipan ang mga katagang iyon. Ni minsan ay hindi pa niya sinuway ang kaniyang ate. Alam niya na lahat ng utos nito ay para lang sa kabutihan niya.

Wala naman siyang pagdududa na babalik ito dahil lubos ang kaniyang pagtitiwala sa nakatatanda niyang kapatid. Ito na lang ang mayroon siya simula nang ma-aksidente ang kanilang mga magulang sa factory na pinagta-trabahuhan ng mga ito. Buong-buo ang pagmamahal ng ate niya sa kaniya at talagang iginagapang nito ang kaniyang pag-aaral. Araw at gabi ang binubuno nito, masustentuhan lang ang mga pangangailangan nila pero hindi ito nagkulang sa pagpaparamdam sa kaniya ng nag-uumapaw na pagmamahal, kalinga at pag-aalaga.

"A-Ate?!"

Napatayo ang bata sa gulat nang makarinig ng mga magkakasunod ngunit mahihinang yabag.

"Ate, ikaw ba 'yan?"

Walang maaninag masyado si Mari sa kaniyang harapan dahil napakadilim. Hindi siya matatakutin na bata kaya nanatili siyang kalmado, bagamat hindi na maganda ang kaniyang kutob.

Sa Karnabal ng KarmaOn viuen les histories. Descobreix ara