"Mica! Punta kayo mamaya sa party ko ha?" Hindi ko namalayang nasa harap ko na pala si Gen.

"Uhm..." Napatingin ako kay Xander na katabi ko. Hindi ko naman kasi alam kung okay lang sa kanya. Syempre kasi, kung pupunta ako, dapat kasama ko si Xander.

Nagkibit lang ng balikat si Xander at parang ako na lang ang pinagdedesisyon. Tinignan ko si Gen na naghihintay ng sagot ko. Nakakahiya namang tanggihan siya ay wala naman kaming gagawin mamaya. Saka siya na rin mismo ang lumapit sa amin para mag-inarte pa kami.

"Okay, sige. Pupunta kami," sabi ko.

Lumiwanag agad ang mukha niya at hinawakan pa ang mga kamay ko.

"Aasahan ko kayo ha!" aniya.


~*~


Hindi ganun karami ang bisita ni Gen. Halos kami-kami lang ng classmates namin at 'yung iba mukhang kamag-anak niya o kaibigan niya ng high school.

Sinalubong niya kami sa gate at pinapasok.

"Buti nakapunta kayo. Halikayo rito." Dinala niya kami sa isang bakanteng mesa at doon pinaupo. "Ikukuha ko kayo ng makakain. Feel at home!"

Luminga ako sa paligid pagkaalis ni Gen. Hindi kalakihan ang bahay niya. Halos siksikan na nga kami rito ng iba pang mga bisita niya. Pero ayos lang, malinis naman 'yung paligid nila.

"Xander?"

Sabay kaming napalingon ni Xander sa mga kalalakihan na nasa likod namin.

"Si Xander nga 'yan! O, kamusta pre? Mukhang asensado na tayo a? Ang ganda ng girlfriend o!" sabi nung isa.

Tinignan lang sila ni Xander saka tumango para i-acknowledge na nakilala niya 'yung mga nasa likod. Hindi naman na nagsalita pa ulit ang mga 'yun at mukhang natakot pa ata kay Xander. Nang tignan ko kasi sila mukha silang pinatahimik ng masungit na teacher e.

Mayamaya ay bumalik si Gen na may bitbit na tray na may lamang dalawang pinggan ng pagkain at dalawang baso ng juice.

"Kain kayo ng mabuti. Kung kulang pa, kuha lang kayo sa loob," aniya saka umalis at inasikaso 'yung ibang bisita.

Kumakain na kami nang biglang matigilan si Xander. Sinundan ko agad 'yung tingin niya at doon, nakatayo ang babae sa wallpaper ng laptop niya dati. Si Shan.

Bigla akong kinabahan sa nakikita ko kay Xander. Apektado pa rin ba siya kay Shan? Mahal niya pa rin ba 'yun kaya ganyan at natigilan na lang siya? Tinitigan ko si Xander na hanggang ngayon ay hindi inaalis ang tingin sa babae. Hanggang sa marinig ko na lang na may magsalita sa gilid namin.

"Xan!" sabi ng babae.

"Shan," si Xander.

Okay. Medyo out of place ata ako? In fairness ha, parang wala namang pinagkaba 'yung tinawag nila sa isa't-isa.

"Kamusta ka na? Ang tagal din nating hindi nagkita a? Two, three years? Ang laki ng pinagbago mo! Lalo kang gumwapo!" tuloy-tuloy na sabi ng babae.

Sandaling hindi nagsalita si Xander saka tumango. "Salamat. Ikaw rin, mukhang maayos ka naman," aniya.

Uhm, hello? Mica here! Hello po? I rolled my eyes. Kumusta naman na parang invisible ako rito? Nakakaramdam na ako ng inis kaya kinuha ko 'yung baso ng juice at tuloy-tuloy na nilagok 'yun hanggang sa hindi ko natantya at parang may naiipit na ewan sa lalamunan ko.

Mabilis namang kumilos si Xander at kinuha 'yung basong hawak ko saka hinaplos ang likod ko.

"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong niya.

Hindi ako sumagot at hinimas himas lang ang lalamunan ko. Pakiramdam ko kasi ay may juice pa dun na ayaw matanggal. Lumunok ako ng lumumok ng laway para sana sumama 'yun pero ganun pa rin.

"Sandali lang, kukuha ako ng tubig," ani Xander kasabay ng pagtayo.

Naiwang nakaupo lang ako roon habang sa harap ko naman ay nakatayo si Shan na pinagmamasdan lang ako.

Mabilis lang na nakabalik si Xander dala ang tubig. Siya na rin mismo ang nagpainom sa akin. Matapos 'yun, medyo masakit pa rin 'yung lalamunan ko pero at least maayos na kahit paano.

"Okay ka na?" tanong ni Xander.

Tumango lang ako.

Mukha namang nakahinga siya ng maluwang saka bumaling kay Shan na nasa harap pa rin namin hanggang ngayon.

"Oo nga pala. Mica, this is Shan, an old friend. Shan, si Mica, girlfriend ko."

Mukhang nagulat si Shan sa sinabi ni Xander. Bakit, akala niya ba never makaka-get over sa kanya si Xander? Hindi na magkaka-girlfriend ng iba ganun? Tss. 'di hamak namang mas maganda ako sa kanya 'no.

"Oo, mas maganda ka sa kanya," biglang bulong sa akin ni Xander.

Shit! Nasabi ko ba 'yun ng malakas? Napatingin ako kay Shan na ngayon ay kunot pa rin ang noo. Mukha namang wala siya narinig.

"Uhm, osige. Papasok na ako sa loob para mabati ko na si Gen. Nice seeing you, Xan. And nice meeting you Mica!" ani Shan saka tumalikod na.

"Anong sinabi mo?" tanong ko agad kay Xander nang makalayo si Shan.

"Sabi ko mas maganda ka sa kanya. Alam kong 'yun ang iniisip mo kanina sa pagkakatingin mo pa lang kay Shan," ani Xander.

"E? Bakit paano ba ako makatingin?"

"Basta. Tama naman ako 'di ba?"

Ngumuso ako saka tumango.

"Di ba ex mo 'yun?" 'di ko napigilang itanong.

"Yeah."

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis na hindi man lang nagkaila si Xander e. Pero mas pinili kong matuwa na lang. Past naman na ang babeng 'yun. Ako ang present saka ang future!

"Tama, ikaw ang present at ang future," si Xander ulit.

Nanlaki ang mga mata ko at napatingin kay Xander. Seriously? Ganun ka-intense ang pagbabasa niya sa utak ko? Grabe na ha!

"Hindi ko na nabasa sa isip mo 'yun, nasabi mo ng malakas," aniya saka pasimpleng humalik sa gilid ng labi ko.

My Poker-Faced GuyWhere stories live. Discover now