26-Pagbabalik

15.6K 666 86
                                    

Content warning: S-word in one of the scenes

Diyos ko.

Diyos ko po, nasaan na po Kayo? Bakit hinayaan Niyo itong mangyari?

Ito lang ang nasa isip ni Tammy habang nakikita ang nasusunog na bahay sa malayo.

Ito ang tahanan ng Pamilya Carreon, kung saan nandoon ang bagong kasal kay Sebastian Carreon na si Almira de Izquierdo.

Hindi nagkakamali si Tammy na si Julian ang may kagagawan ng pagsabog. Malamang ito ay dahil sa lamparang nakita niya sa bahay nito kamakailan. Siguradong ito ang nasa loob ng kanyang basket nang palihim itong pumasok sa bahay nila Sebastian.

Aligaga at nagtatakbuhan ang mga tao sa paligid. Mayroong mga Guardia Civil na may mga dalang balde ng tubig. Ang iba naman ay nagpupunta sa lugar ng nasusunog na bahay para maki-usyoso.

"Por favor, huwag na nating puntahan ang lugar para rin sa inyong kapakanan. Wala rin pong magagawa ang pakikiusyoso ninyo," paalala ng Guardia Civil sa grupo ng mga kababaihan na nagtatanong tungkol sa pangyayari.

"Santisima." Napa-krus na lamang si Aling Simang habang malayo ang tingin.

"May mga namatay po ba?" Tanong ni Emilio sa isang napadaan na lalaki.

"Sa pagkakarinig ko, marami raw po, kasama na rin ang pamilya nila Señor Carreon at Señorita De Izquierdo," sagot ng lalaki. Naglakad na rin ito at iniwan ang tatlo, na pawang nakapako pa rin sa kanilang mga pwesto.

"Nasaan ka Diyos ko?" Bulong ni Tammy. Dumaloy na ang kanyang mga luha at nakaramdam din ng panghihina.

"Senyora, ilayo na natin si Binibining Tami dito," pahayag ni Emilio. Inakbayan niya si Tammy na ngayon ay mukha nang nahihilo dahil sa tindi ng sama ng loob.

"Hija, kaya mo pa bang lumakad?" Mukhang nag-aalala na si Aling Simang.

Tumango na lang si Tammy. Si Aling Simang ang umakbay sa kanya at inilayo na siya sa lugar ng pangyayari.

Nagpasiya na si Ilyong na tumawag ng kalesa. Buti na lang ay may tumigil sa harapan nila, at agad silang sumakay doon. Nagpasabi si Senyora Simang na dalhin sila sa dormitorio.

Habang nasa byahe, nag-komento ang kutsero ng kalesa.

"Sus ginoo! Kakahatid ko lang ng bisita sa kasalan ng mga De Izquierdo! Buti nakaalis na ako nang mangyari ang pagsabog! Siguradong walang naiwang buhay doon sa loob! Sino kayang may kagagawan nito? Baka malaki ang galit niya kina Don Alberto o kay Senyor Sebastian! Alam niyo ba na si Senyor Sebastian ay nagbibigay ng pera sa mga Guardia Civil, kaya nagagawa niya ang kahit anong nais? May pinapatay na iyan dati! Tahimik lang kayo, kuro-kuro lang ito sa aming mga kutsero."

Tahimik lang na nakikinig sila Senyora Simang at Emilio.

"Tama ako... Siya iyon... Siya talaga iyon..." Bulong ni Tammy.

Nawalan na lang siya ng malay at napasandal ang ulo kay Senyora Simang.

"Tami! Tami! Naku, nawalan na nga siya ng malay!"

---

Nagising si Tammy na nakahiga sa kwarto ni Senyora Simang. Inikot niya ang paningin sa kwarto at nakita sa tabi niya ang Senyora.

"Ah... Ano pong nangyari?" Nanghihina pa rin siya.

"Hinimatay ka sa kalesa, hija," kwento sa kanya ng matanda. "Gusto mo bang kumain?"

The SenoritaWhere stories live. Discover now