13-Kasiyahan

19.2K 746 152
                                    

Magkaakbay na umuwi sila Tammy kasama ang tinuturing niyang mga bagong kaibigan. Di nila alintana ang mga galos at pasa na nakuha nila mula sa pakikipag-harap sa grupo ng mga Kastilang estudyante na pinangungunahan ni Aron Sarrael. Napalitan ang kanilang takot ng tapang at tibay ng loob matapos ang lahat ng pangyayari. Wala silang pinagsisisihan pagkatapos. Siguro naman ay titigilan na sila ng grupong iyon.

Nang makatuntong na sila sa loob ng dormitorio, masasayang hiyawan at palakpakan ang sumalubong sa kanila.

"Sa wakas, nanlaban din kayo sa grupo nila Sarrael!" Sigaw ng isang binata. Nagsilapitan ang grupo sa apat na magigiting na estudyante, kasama na si Tammy, na naka-bihis lalaki pa rin at naka-salakot. Inakbayan sila habang nagsisigawan ng "Indios Bravos!"

"Paano niyo nagawa iyon?" Tanong ng isa pang kapwa estudyante.

"Tinulungan kami ng matapang na binibini na ito!" Nakangiting inakbayan ni Dario si Tammy.

"Si Señorita pala ay matapang! Hindi umaatras sa bakbakan!" Giliw na wika ni Juan.

"Dahil diyan, dapat tayong magdiwang! Tamang-tama, wala ang Senyora Simang!" Suhestiyon ng isang binata.

"Ano sa tingin mo, Emilio?" Lingon ni Manuel sa kanya.

"Tayo'y magbigay na ng kanya-kanyang ambag para makabili man lang ng isang bilaong pansit!" Ngumiti si Emilio.

"Anong narinig ko na pancit?" Sumipot si Tetay na galing sa kusina.

"Tayo ay may munting salu-salo na magaganap ngayong gabi dahil natalo namin ang grupo ng mga Kastilang Bangus!" Masayang wika ni Dario. "May maiaambag ka bang halaga ng salapi, Binibining Tetay?"

Dumukot si Tetay ng nga barya mula sa bulsa niya. "Ito na, basta kasama ako sa kainan!"

Nagsidukot na rin ng mga barya ang lahat ng tao sa dormitorio para makabili ng pancit pang-hapunan.

---

Sila Dario at Juan ang nagpasyang bumili ng pancit sa kalapit na panciteria. Bumalik sila sa dormitorio at nagsimula na ang masayang hapunan ng grupo. Nagkwentuhan sila tungkol sa mga pangyayari.

"Kaya ayon, bugbog na si Aron, saka naman dumating ang ina niya at pinahiya siya sa kanyang mga kaibigan!" Natawa si Dario.

"Baka nakatali pa rin siya sa dulo ng saya ng kanyang ina!" Tawa ni Juan.

"Nagpapasalamat ako kay Binibining Tami." Tinignan ni Manuel si Tammy na nakaupo sa harap niya sa lamesa. Tipid na ngumiti ang dalaga sa kanya at sinabing, "Wala iyon! Mabuti nakatikim siya sa akin ng gulpi de gulat!" Tinaas ni Tammy ang kanyang kamao sa ere, at nagsitawanan ang lahat.

"Huwag mong kalimutan na maging kilos mayumi bukas. Tapos na ang pagiging lalaki mo ngayong araw," pabirong paalala sa kanya ni Dario.

"Masusunod po ginoo," sagot ni Tammy.

"Mas bagay sa iyo maging lalaki," biro ni Emilio sa kanya.

"Huwag naman, dahil di na siya maliligawan ni Manuel!" Pinalo ni Dario ang balikat ni Emilio sabay hiyawan ng mga nasa hapag-kainan.

"Ilyong, may sugat ka sa labi." Lumapit si Tetay sa kanya mula sa kabilang bahagi ng lamesa para matiginan ang nasabing sugat.

"Binibini, huwag mo ako basta hawakan sa labi!" Nilayo ni Emilio ang ulo niya at halatang namumula siya sa ginawa ni Tetay.

"Gamutin niyo iyan pagkatapos kumain," seryoso niyang paalala. Bigla na lang tumayo si Tetay at umalis sa hapag.

"Hala, mukhang nagtatampo ang Binibini sa iyo!" Pang-aasar ng isa nilang kasama kay Emilio.

The SenoritaWhere stories live. Discover now