12-Ang Paghaharap

Start from the beginning
                                    

Mga manang na nagsisimba. Isang manong na nagtitinda ng prutas na pasan ang magkabilang mga bilao na nasa dalawang dulo ng isang mahabang kahoy. Isang dalagang naglalakad kasama ang kanyang ina. Parang walang pinagkaiba sa modernong panahon. Parehong mga suliranin lang din ang kinakaharap, pero ito ay panahon ng Kastila, at alam ni Tammy ay mas mahirap maging Pilipino dahil sa diskriminasyon at hindi pantay na oportunidad.

Nang matapos na siyang makapag-muni-muni ay naisip ni Tammy na puntahan ang labas ng Intramuros. Doon magkikita sila Manuel at ang mga Kastilang estudyante. Ayaw niyang mahuli, kaya binilisan na niya ang lakad.

Labas ng Intramuros. May malaking tipak ng bato. Doon daw maghaharap.

Nakarating si Tammy sa lugar ng tagpuan. Nagtago muna siya sa gilid ng isang pader. Wala pa sila Manuel o ang mga kalaban nila, kaya naupo muna siya sa gilid at naghintay. Di niya namamalayang naka-idlip na pala siya, at nagising na lamang nang marinig ang mga boses na nagtatalo.

"Muy bien, amigos. Mabuti at nakarating kayo sa tagpuan. Mas maaga pa sa inaakala."

Hindi pamilyar ang boses kay Tammy. Sumilip siya at nakita na nakaharap ang mga likod nila Manuel sa kanya. Nang makita niya ang mga kalaban ay napanganga siya. Ang gugwapo nila, pero bakas sa kanila na sila ay may mga di-kagandahang pag-uugali.

"Tumutupad lang kami sa usapan, Senyor Sarrael," mahinahong sagot ni Dario. "Indios man kami, ngunit sinusunod namin ang tamang oras."

"Buti naman at tanggap niyo ang pagiging mas mababa ninyo kaysa sa amin!" Ngumisi ang Kastilang binata sa harapan, at humagalpak sa tawa ang kanyang mga kasama.

"Mababa man ang turing ninyo sa amin dahil sa kulay ng aming balat at estado, ngunit hindi maikakaila na mas masahol pa sa amin ang inyong mga pag-uugali."

Si Emilio ang nagsabi ng mga katagang iyon. Nakita ni Tammy na naglakad siya sa harapan, at nakipagtinginan kay Sarrael.

"Ikaw ba iyong ginagamit ang dulo ng saya ng iyong ina bilang pansintas sa sapatos?" Malisyosong tanong ni Senyor Sarrael.

"Ako nga," kalmadong sagot ni Emilio na puno ng kumpyansa sa sarili.

"Sikat ka sa buong Letran dahil di ka rin nagpapagupit ng buhok!"

Natawa ang mga kasama ni Sarrael.

"Kay ganda mo siguro kung ika'y naging babae!" Lumapit si Aron at tinignan ng diretso si Emilio sa mga mata.

"Oo nga, kaya ka siguro lumapit sa akin ngayon! Ikaw ba'y nababacla?" Di mapigilan ni Emilio na ngumisi.

Nagalit si Sarrael sa narinig. Kukunin na niya sana ang kwelyo ni Emilio ngunit naka-ilag siya. Nawalan ng balanse si Sarrael at nadapa. Sumalampak ang mukha niya sa lupa. Di mapigilan nila Emilio na matawa.

"Alam na natin sagot diyan sa tanong mo, Emilio!" Tawa ni Dario.

"Mierda! Talaga naman---"

Susugod ulit si Sarrael ngunit napigilan siya ni Dario.

"Teka muna amigo, di kami pwedeng makipaglaban na apat lang kami! Anim kayo oh! Di patas iyan!" Buga ni Dario sa mukha ni Sarrael.

Iyon na ang senyales ni Tammy para lumabas sa pinagtataguan.

"Ako ba hinahanap niyo?" Malakas niyang tanong.

Nanahimik ang dalawang grupo ng mga kalalakihan. Matapang na naglakad si Tammy sa harapan at hinarap si Sarrael.

"Kayo ba mga Kastilang Bangus na kinukwento ng aking mga kaibigan?"

The SenoritaWhere stories live. Discover now