Chapter 2

76 3 2
                                    

Then.

Masayang-masaya si Billy habang siya ay naglalakad pauwi. Bawat taong madaanan niya kahit hindi niya naman kilala, nginingitian niya. Ganun siya kaligaya dahil sa wakas! Pagkatapos ng ilang linggong 'di pag-uwi ay makakabalik na rin siya, makakasama niya ulit ang kaisa-isa niyang kapatid na talaga namang nami-miss niya na.

Nawalay kasi siya ng medyo matagal dito dahil sa kanyang trabaho; isa  siya sa mga pinagkakatiwalaang bodyguard ng isang sikat na businessman sa Pilipinas. At nung saglit itong nagbakasyon sa Cebu, napasama siya rito. Kaya naman naiwanan niya ang kapatid niyang si Bea ng mag-isa.

Bilang Kuya, nahirapan din siyang gawin iyon lalo pa't wala silang ibang kamag-anak na magbabantay-bantay dito. Kaya naman araw-araw niya itong tinatatawagan sa cellphone para lang kumustahin ito't malaman kung ano na ba ang kalagayan nito.

Ang kaso, nag-aalala na rin siya sapagkat kagabi pa ang huling pag-uusap nilang dalawa. Sa maging tono pa ng boses nito ay naramdaman niya ang matinding kalungkutan ng kanyang kapatid. Hindi niya alam ang dahilan gayong wala itong nababanggit na kahit ano sa kanya.

Ngayong magkikita na ulit sila, mas magkakaroon siya ng pagkakataon na malaman ang totoong kalagayan nito.

Marami siyang dalang pasalubong kaya sigurado siyang matutuwa 'yun!

Pagkabukas niya ng gate, dali dali siyang pumasok at ang pinto naman ang binuksan.

"Bea? Andito na 'ko." Masayang wika niya pa habang ang mga dala ay ilinalagay sa mesa.

Halos matapos na lang siya sa kanyang ginagawa subalit wala pa ring nagpapakita sa kanya para salubungin siya na siyang laging nangyayari kapag dumadating siya galing sa trabaho.

Maghahating-gabi na kaya inakala niya na tulog na ito. Dumiretso na siya sa kwarto nito para makumpirma ang iniisip niya, pero pagkabukas niya sa pinto ay nakapatay ang ilaw. Nang binuhay niya ito ay bigla siyang nagulat sa kanyang nakita.

Nakahiga si Bea sa kama habang ang kaliwang braso ay halos bumagsak na sa sahig kasabay ng walang humpay na pagdaloy ng dugo mula sa pulso nito.

Balisa man ay agad na lumapit si Billy sa kapatid at pinulsuhan ito, subalit kahit ano pang pagkapa ang gawin niya ay wala naman siyang ibang maramdaman na pagtibok sa katawan nito.

Sinambunutan ni Billy ang sarili niyang mga buhok at napaluhod na lang sa sahig habang ang isip ay hindi pa rin makapaniwala sa nasasaksihan niya sa mga oras na ito.

Nakatitig siya sa kanyang kapatid habang tulala. Hindi niya alam kung ano na ang sunod na gagawin kasabay ng kawalan niya ng ideya kung ano ba talaga ang totoong sinapit nito nung mga panahong wala siya.

Nanghina bigla ang buo niyang katawan at pagkatao, subalit pinilit niyang yakapin ang malamig nang pigura nito.

"B-Bea......" Bigkas niya at ang mga tubig sa kanyang mukha'y nagsimula nang pumatak.

"Joke lang 'to 'di ba? Oo, malapit mo na akong mapaniwala kaya pwede ka ng dumilat." Saad niya pa rito habang hindi pa nagsisink-in sa kanya ang lahat. May pagkapilya ang kapatid niya, kaya naman isa lang ito sa prank na madalis nitong gawin sa tuwing siya ay uuwi.

Hindi ito pwedeng mawala ng ganun-ganun na lang, magkausap pa sila kagabi eh. Kung hindi man ito biro, baka naman tulog lang talaga ito at namamalikmata lang siya sa nagkalat na dugong nakikita niya.

"G-gising na..... A-andito na si Kuya..." Ang maputla nang mukha nito ay sinubukan niya pang tapikin. Nagbabakasakali siyang didilat muli ang mga mata nito.

PURPOSE (Billy-Coleen A.U)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon