Suntok sa Ilong

35 0 0
                                    

Noong ako ay nasa Prep, nagkaroon ako ng isang matalik na kaibigang nangagalang Mary, payat at maputi ang kanyang balat, habang nang mga panahon na 'yon naman ako ay kayumanggi at may katabaan. Conscious na ako sa hitsura ko at di ko malaman kung bakit sa murang isipan ay nagagawa ko nang ikumpara ang aking sarili sa iba. Si Mary laging may mga bagong gamit sa eskuwelahan, lagi siyang may bagong pambura (yung hugis-manok), laging may dalang tsokolate, at laging may dalang laruan. Hindi kami sinanay ng aking Mama sa luho, kung meron man kaming gustong bilhin sa Mall, isang malakas na 'hindi' lang ni Mama ay sumusunod na kaming dalawang magkapatid.

Balik tayo kay Mary. Madalas kaming magkatabi sa lahat ng aktibidades sa aming classroom. Magaling siya sa matematika at ako naman ay magaling sa pagbasa, na kahit limang taong gulang pa lang ay diretsong diretso na akong magbasa. Palaging nai-impress ang mga guro sa amin, at walang araw na hindi ako umuuwi na may tatak na "Very Good" sa likod ng aking kamay. Buong pagmamalaki ko pang pinapakita sa aking mga magulang ang dalawa kong kamay na parehong may tatak. Hindi pa uso ang cellphone dati, kaya wala naman talaga akong pruweba, pero sa aking alaala ay tuwang-tuwa sa akin si Mama. Pagkatapos ng kulitan at kwentuhan ay uutusan naman niya akong maghugas ng kamay. Kukuha siya ng Safeguard at labakara at kikiskisin ang dalawa kong mga kamay. Ngayon, na-realize ko na may pagka-OC si Mama.

"Jena, ano yang sugat sa ilong mo?" tanong sa akin ni Mama isang araw pag-uwi ko galing eskwela. Hindi ko alam na may sugat pala ako, pagkahawak ko sa aking ilong ay nakaramdam ako ng sakit. Aray, may sugat nga! "Saan mo nakuha yan?" nakakunot na ang kanyang mga kilay.

"Hindi ko po alam, e."

"Baka naman inaaway ka sa eskuwelahan mo?" Umiling lang ako, wala naman akong makakaaway dahil wala naman akong masyadong kaibigan. Si Mary lang ang kaibigan ko.

"Ate, siguro si Mary ang may gawa niyan." sabat ni Yaya Ising na siyang naghahatid sundo sa akin sa school. "Nakikita ko lagi na kinukurot siya, e. Sinaway ko nga isang beses."

"Totoo ba 'yon?" tanong ni Mama na nanlilisik ang mga mata. Tumango lang ako kasi totoo naman. "Sa susunod pag kinurot ka ulit, tanungin mo siya kung gusto niya ng suntok."

"Tapos po, paano pag sinabi niyang oo?" tanong ng mura kong isipan.

"E di, suntukin mo! Maliwanag ba? Lumaban ka Jena, hindi ka dapat nagpapaapi." Tila isang batas ang sinabing iyon ng aking ina. Bilang bata ay tumatak agad sa isipan ko ang mga katagang, sa susunod na asarin ako o inisahan ako ni Mary ay tatanungin ko muna siya kung gusto niya ng suntok, at pag um-oo siya, susunggaban ko siya agad-agad. Tama! Inulit ulit ko pa 'yon sa aking isipan pagkatapos kong magdasal ng "Our Father" bago matulog.

Ilang araw ang lumipas ay tuluyan ko na ring nakalimutan ang sinabi sa akin ni Mama. Pero isang araw, nagkaroon kami ng art activity sa school dahilan para bilhan ako ni Papa ng isang set ng pangkulay–isang kahon ng krayola na may labing anim na kulay. At dahil bago ay matulis pa ang mga dulo, kaya ang ganda nitong pagmasdan! Palihim akong ngumiti nang makita ni Mary na may bago akong mga krayola, alam kong naiinggit siya dahil pudpod na ang mga pangkulay niya. Nagsimula na akong magkulay nang walang anu-ano'y binali ni Mary ang mga pangkulay ko isa-isa. Sumiklab ang aking damdamin at binali ko rin ang mga pudpod niyang krayola, ngunit wala itong epekto sa kanya. Tumawa lang siya na parang baliw. Mukhang kailangan ko nang gamitin ang aking sandata.

"G-gusto mo ba ng suntok?" pautal-utal kong tanong.

"Oo, kaya mo ba? Sige nga!" Aba hinahamon niya talaga ako, tila wala na itong atrasan. Hindi na ako nagdalawang isip pa at sinuntok ko ang kanyang ilong. Natumba siya sa kanyang inuupuan. Nakita kong dumugo ang ilong niya. Napanganga ako. Di ko na malaman ang gagawin, nataranta ako. Bigla akong nagtaas ng kamay at tinawag ang aming adviser na si Ms. Mel.

"Diyos ko, what happened here Jena?"

"Sinuntok ko po siya..." Pabulong kong sagot.

"W-whattt?!" Di na nagpatumpik-tumpik pa si Ms. Mel, dali-dali silang lumabas ng pinto patungo sa clinic. Naiwan akong hiyang-hiya sa ginawa ko kaya naman ay tahimik na lang akong nakamasid sa paligid. Maya-maya lamang ay may dumating na teacher at nagbantay sa amin.

"Ms. Mel will be back soon, I will be here with you temporarily." sabi ni Ms. Tsing. "Tapos na ba kayo sa drawings nyo?" Dahil sa nangyari, hindi na ako nakapagpasa ng artwork, niligpit ko na lang dahan-dahan ang mga putol-putol kong crayons.

Pag-uwi ko nang tanghali ay tila normal lang ang lahat. Kumain ako ng tanghalian at saka nagbihis. Tumungo ako sa sala habang hawak ang aking manika. Alam kong sinabi na ni Ms. Mel kay Yaya Ising ang nangyari, at alam ko ring nakarating na ito kay Mama, pero bakit wala syang bayolenteng reaksyon?

Alas dos na ng hapon nang tumunog ang telepono, na syang sinagot ni Mama. "Hello?" Bakit kaya ang sungit sumagot ni Mama ng phone? "Uh hm, uh huh, yes, ako nga. Sandali lang, wala akong alam sa nangyari. Kung gusto mo kausapin mo si Ising, yung yaya. Mas alam nya ang nangyari." Pinasa ni Mama kay Yaya Ising ang telepono, sabay bulong, "Nanay ni Mary, ikaw na ang kumausap. Ine-English ako eh." Walang choice si Yaya Ising kung hindi kunin ang telepono at kausapin ang Ina ni Mary. Ilang minuto rin silang nagusap at ang tanging narinig ko lang kay Yaya ay paghingi niya ng tawad. Sa wakas ay binaba niya rin ang telepono. "Anong sabi?" tanong ni Mama.

"Grabe daw ang kamay mo Jena, pumutok daw ang ilong ni Mary." sabi ni Yaya.

"Eh sabi ni Mama suntukin ko daw pag inaway ako ulit diba? Tinanong ko muna siya, ang sabi niya oo."

"Jena, hindi mo dapat sinusunod lahat ng sinasabi ko sayo. Ano ka ba namang bata ka! Mali ang manakit ng kapwa!" Ito ang tanging nasabi ng aking Ina bago ako pumasok ng kwarto. Nalito na naman ako, hindi ba dapat sundin ang mga magulang? Ang gulo talaga ni Mama, napakamot na lang ako ng aking ulo. Maya maya lang ay dumungaw ang kanyang mukha sa pinto. "Pero proud ako sayo, a. Naipagtatanggol mo sarili mo."***

============================

Ang kuwentong ito ay nailathala sa librong, "Titser, May I Go Out", mga kuwentong klasrum na mabibili sa Pandayan Bookstore. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 14, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bedsheet at Iba Pang Maikling KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon