Pag-asa Para sa Puso ni Tessie

79 0 0
                                    

 "Uy, ano ba? Paano ka makakauwi niyan? Ang dami mo ng nainom ah, alas kwatro na, hindi ka ba uuwi?" saway ni Tina sa kaibigan at katrabaho niyang si Stacey. Sila na lamang ang natitira sa bar na iyon, umalis na ang iba nilang katrabaho na tulad nila ay waitress din. Kahit ang manager nilang si Mr Chan ay hindi na nagpaabot ng hatinggabi dahil Martes at wala naman masyadong tao. Sa dami ng nainom ni Stacey ay hindi pa rin nito nararandaman na nagiinit na ang katawan niya dahil sa dami ng nainom, kahit summer kasi ay patay ang aircon, tanging ang malamig na bote ng beer na lamang na nahahawakan niya ang tanging nagpapalamig sa kanya. Grabe pa naman ang tag init sa Hong Kong, sobrang maalinsangan ang panahon, ni walang dumadaang hanging bukod sa ihinihinga mo. Tila ang masarap na simoy ng hangin ay hinaharang ng naglalakihang gusali na konti na lang ay abot na ang langit. Parehong nakasuot ng unipormeng pang waitress sina Stacey at Tina, maikling palda at puting polo shirt, nakasuot din sila kanina ng apron na ngayon ay nakasampay na lang sa kanya kanyang upuan. Si Tina na mahaba ang buhok at balinkinitan ang katawan, ay apat na taon nang nagtratrabaho sa Hurricane Bar, ito ang una niyang trabaho sa tanang buhay niya. Naka ilang buwan lang siya sa Unibersidad ng Hong Kong, masyado kasi itong mahal at hindi na siya kayang sustentuhan ng kanyang mga magulang. Panganay pa man din siya sa apat na magkakapatid. Ang dalawang babae at isang bunsong lalake na mas nakababata sa kanya at kasalukuyang naninirahan sa Cavite ay pinagpapatuloy ang pagaaral sa Pilipinas. Mula nang nakapag trabaho siya dito ay hindi na niya nagawa pang bumalik sa pagaaral kahit pa iyon ang pinangako niya sa sarili niya sa oras na makaipon siya. Sa halip ay ginamit niya ang perang kinikita para makatulong sa mga kapatid pang nagaaral. Ang kanyang Ama kasi na Instik ay nagkaroon ng sandamukal na utang kung kaya naman siya na lang ang inaasahan ng pamilya. Ang Ina niya naman ay naghahanap buhay din dito sa Hong Kong, umeextra sa mga shop na nagbebenta ng Philippine products. Si Stacey naman na mestiza ang mukha, medyo brown ang buhok, pumipilantik ang mata ay higit na nakakakuha ng atensyon sa mga customers at kahit kay Mr Chan na may dalawa ng asawa. Siya naman ay anim na taon ng nagtra trabaho dito at kahit anong gawin ni Mr Chan ay hindi siya bumibigay dito. Kahit ano pang ialok nito sa kanya ay nananatili siyang nagtra trabaho lamang para kumita. Hindi tulad ni Tina, sa sarili lang napupunta ang kinikita niya. Nae- enjoy niya ang buhay dalaga, nag iba lang ang sitwasyon niya mula nang makilala niya si Gerry.

"Okay lang ako Stacey, huwag kang magalala. Kailangan ko na kasing iinom ito eh. Nakakapagod na mabuhay, alam mo yun?" Napabuntong hininga siya. Napansin ni Tina na nagba- baybreyt ang cellphone ni Stacey na nasa lamesa lamang kasama ang mga bote ng beer.

"Hindi mo ba sasagutin yan? Kanina ko pa yan napapansin ah." Kinuha ni Stacey ang cellphone at saka ibinato sa di kalayuan. Sikat na modelo pa man din ng cellphone iyon pero hindi siya nanghinayang na gawin ito. Maya maya lang ay unti unting nababalot ang Hurricane bar ng hagulhol na gawa ni Stacey. Awa ang narandaman ni Tina sa kaibigan, pero wala siyang magawa kung hindi aluhin ito. Hindi na nagtanong si Tina at sa halip ay hinintay na lamang niya na maiiyak ni Stacey ang dapat iiyak. At hindi din nagtagal ay nagsimula na itong mag kwento.

"Ang sakit sakit na Tina, bakit pa kasi si Gerry ang minahal ko eh? Ang dami dami namang lalakeng nagkakandarapa sa akin? Alam mo yun?" Tumango lang si Tina. "Hindi ko akalaing aabot ang lahat sa ganito."

Nakilala ni Stacey si Gerry sa isang bar kung saan sila nag kita ng kanyang mga kaibigan. Day off niya noon, dalawang taon na ang nakakalipas, nakipagkilala sa kanya si Gerry na noon ay nilapitan siya. Nagpunta kasi sa banyo ang dalawa niyang kaibigan na sina Meg at Dana kung kaya ay magisa siyang nakaupo habang pinapanood ang mga tao. Nakapantalon ito at naka dilaw na polo shirt habang ang buhok naman nito ay naka gell. Tulad ni Stacey ay maputi ito at may hitsura. Hindi gaanong singkit ang mata at tila ba palaging nakangiti ang mga labi. Nag 'hi' pa lang ito sa kanya ay alam niyang mahuhulog siya sa lalakeng ito. "Alam mo kanina pa kita pinagmamasdan sa di kalayuan?"

Bedsheet at Iba Pang Maikling KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon