PHASE 3: Within Eve

12 4 0
                                    

- The Story of VERA -
( Rank 3 - 82.15 )


TAONG 2050, tatlumpu’t dalawang taon matapos maganap ang ‘The Big One’, ang napakalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ng mundo. Gumuho ang mga kabundukan. Nahati ang bawat lansangan. Sabay-sabay sumabog ang mga bulkan. Marami ang namatay. Nagkaroon ng matinding taggutom. Nag-away-away ang lahat. Nagpatayan.

Naglipana ang mga kakaibang nilalang. Tila dahil sa lakas ng lindol, nawasak din ang malaking pader na naghihiwalay sa mundo ng mga tao at ng mga engkanto. Ang mga kinatatakutang kababalaghan noon, ordinaryong pangyayari na lang. Karamihan sa mga mabubuting engkanto ay katulad ng mga natitirang tao na bihag at sunud-sunuran sa mga dalaketnon, sa pamumuno ni Ruvino. Ang ila’y sapilitang pinakain ng itim na kanin upang sumailalim sa kanilang kapangyarihan at maging alipin.

Sakim at walang puso si Ruvino. Kung gaano siya kakisig, ganoon naman siya kasama. Nag-aanyo siyang isang malaking itim na ibon tuwing nagmamatyag sa paligid. Isang halimaw naman tuwing nagagalit. Dahil sa takot, walang sino man ang nangangahas lumaban.

Samantala, sa hindi kalayuan ay may mga matang nagmamasid. Nagbabalatkayong bihag at minsan nama’y isang dalaketnon. Palipat-lipat ng destinasyon. Naghihintay ng pagkakataon.

“Ina!” munting tinig na umagaw sa pansin ni Vera. Marahang kinakalabit ng maliliit na daliri ni Jiro ang kanyang hita.

“Ano ba Jiro?” singhal niya sabay tapik sa kamay ng bata para maalis ito.

Maluha-luhang itinuro ng bata ang paubos nang laman ng isang botelya na natapon. Mabilis itong nalapitan ni Vera ngunit hindi na niya naisalba ang tubig mula sa mahiwagang talon na patago pa niyang kinukuha. Hinahaluan niya ito nang dinikdik na buto ng isang misteryosong prutas na tumubo roon. Ayon kasi sa kaibigan niyang lambana na si Ruru, ang kombinasyon ng dalawa ay mabisang ihalo sa inumin ng sino mang dalaketnon. Isang mabisang pampatulog. Malimit niya itong gawin at patagong inihahalo sa inumin ni Ruvino tuwing maghahapunan ito. Iyon ang nagliligtas sa kanya sa posibleng pagsasamantala nito sa kanyang kahinaan. Ilang beses na itong nagawa sa kanya ni Ruvino at ayaw niya nang masundan pa.

“Hindi! Hindi p'wede ‘to! Pa’no na ‘to?” umiiyak niyang naibulalas. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Binabayo ng kaba ang kanyang dibdib.

“Hindi ko po sinasadya,” wika ng kanyang pitong taong gulang na anak.

Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Hinigit niya nang malakas ang braso ng bata. Tatlong malalakas na hampas sa puwetan ang inabot nito dahilan ng pag-alingawngaw nang iyak ng bata sa buong silid.

“Nakakainis ka talagang bata ka! Ang likot mo kasi!” sigaw sa kanya ni Vera. “Tumahimik ka! Bwisit ka talaga sa buhay ko!” kasunod ng magkakambal na sampal.

“Tama na po,” pagmamakaawa nito hanggang sa may biglang humawak sa kamay ni Vera na sana’y muling sasampal sa walang kalaban-labang bata.

“Bakit sinasaktan mo na naman ang bata?” awat ng kanyang ina. Mabilis niyang naagaw si Jiro kay Vera. “Kapag nalaman ito ni Ruvino, malilintikan ka,” nag-aalala niyang nasabi.

“Hindi ako katulad mo na kayang sikmurain ang lahat!” singhal ni Vera sa kanyang ina habang itinatago ang botelya sa loob ng kanyang damit.

“Hindi ko rin ‘to ginusto. Anak mo pa rin siya,” malungkot niyang tugon.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bakit? Kailan ka lang ba nagpakaina sa ‘kin? ‘Di ba’t hirap na hirap ka ring tanggapin ako noon?” sumbat ni Vera sa ina.

“Patawarin mo ako,” akmang yayakapin niya si Vera pero naitulak siya nito nang malakas.
Napaupo ang matanda sa lupa. Kaagad naman itong nilapitan at niyakap nang umiiyak na bata. Tila wala nang mapagsidlan ang hinanakit at galit sa dibdib ni Vera.

RECUERDO: An Unforgettable JourneyWhere stories live. Discover now