Pasko noong maipanganak ako.
Natatandaan ko pa, pasko noon sa aming baryo at selebrasyon din ng kaarawan ko nang may bagyong sumalanta. Kahit ilang taon na ang lumipas ay malinaw pa rin sa mga alaala ko ang malalakas na hangin na siyang nagpabagsak sa mga puno, at ang walang tigil na pagbuhos ng ulan na siyang humagupit sa daan-daang kubo.
Isang litratong punit ang hawak-hawak ko na siyang nakapagpapaalala sa akin ng mga pangyayaring 'yon. Bata pa ako noon. Bata pa ako sa litratong ito. Kalahati lamang ng mukha ko sa litrato ang nakikita ko sapagkat ang kalahati ay napunit.
Hindi pa ako ganoon kamuwang sa mundo nang mawalay ako sa pamilya ko lalo na sa ina ko. Wala akong ibang maalala kung 'di ang mga nagsasayawang puno, mga natatanggal na kahoy ng mga kubo at ang pinakamasakit ay ang mga nag-iiyakan naming kapit-bahay.
Inilibot ko ang mga mata ko sa parke na walang masyadong tao hanggang sa naagaw ng isang Christmas Tree ang atensyon ko. Ipinasok ko ang litrato sa aking pitaka. Napapikit ako nang umihip ang malamig na simoy ng hangin. Iba ang saya na nararamdaman ko ngayong gabi dahil bukod sa pasko ay dalawang oras na lamang ay muli na namang isisilang ang prinsipe ng kalangitan; si Hesus, at muli na naman akong tatanda dahil parehas kami ng kaarawan.
Si Hesus na ang sinasabing tagapagligtas at naniniwala ako doon. Lubos-lubos ang pasasalamat ko sa ating Panginoon sapagkat buhay pa rin ako. Nang mawalay kasi ako sa pamilya ko ay hindi ko alam ang gagawin ko ng mga panahon na 'yon. Sa pagkakaalam ko ay may nakatagpo sa akin sa simbahan at inampon ako. Hanggang sa lumaki ako at naging matagumpay sa buhay.
Sinubukan ng mga umampon sa akin na hanapin ang pamilya ko ngunit nabigo sila. Sa natatandaan ko ay binalikan namin ang baryo ngunit wala rin kaming napala. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil nagawa nila akong alagaan, pinag-aral at inaruga na parang kadugo nila. Hindi ako nakaramdam ng kahit anumang 'di pagkagusto nila na ampunin ko. Simula noon ay naniwala na ako sa Diyos at kay Hesus. Naging matibay ang pananampalataya ko at hindi pa rin nawawala ang dasal ko na balang araw ay makikita ko muli ang pamilya ko.
Lumapit ako sa Christmas Tree na nakaagaw ng atensyon ko. Pinagmasdan ko 'yon mula sa berde nitong pangangatawan hanggang sa mga makukulay nitong palamuti. Sinamahan pa nga ito ng matitingkad na mga ilaw ng Christmas Lights. Napangiti ako hanggang sa naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko sa bulsa. Kinuha ko 'yon at isang mensahe agad ang bumungad sa akin.
Pinapauwi na ako ni Mommy. Nakahanda na raw ang Noche Buena at ako na lang ang hinihintay. Magtitipa na sana ako ng ire-reply ko nang may kumalabit sa likod ko at paglingon ko ay isang babaeng matanda.
"Pasensya na sa istorbo, hija. Makikiraan lang. Sisilong ako sa ilalim ng punong 'yan," aniya. Pinagmasdan ko siya. Maputi na ang buhok nito. May grasa ang dalawang binti, puno ng putik ang dalawang paa, madumi ang kanyang pananamit at may dala-dala itong itim na sako.
Tumango naman ako at pinadaan siya. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa maupo siya sa ilalim ng Christmas Tree. Nakaramdam naman ako ng kakaibang sakit sa puso ko. Ayaw ko pa naman sa lahat ay ang nakakakita ng mga matatandang katulad niya. Para nitong ginugutay ang puso ko. Iba rin ang himig ng boses niya. Namamaos 'yon at parang nanghihina.
Nang dahil sa naramdaman ko ay napagdesisyunan kong lumapit sa kanya at umupo sa tabi niya.
"Lola, saan po kayo umuuwi?" tanong ko. Napatingin siya sa akin at nagulat ako nang ngumiti pa ito. Bakas sa kanyang nanininingkit na mga mata ang lungkot.
"Kahit saan, hija," sagot niya. Pinanood ko siyang may dinudukot sa sako. Nang mailabas niya 'yon ay isang malaking tinapay. "Pasko na, hija. Bakit nandito ka pa?" tanong niya sabay alok ng tinapay. "Tinapay, hija. Kumain ka na ba?"
Napailing-iling agad ako hindi dahil sa hindi pa ako kumakain, kung 'di dahil ay ayaw kong mabawasan ang kakainin niya. "Hindi na po, Lola," sagot ko at ngumiti ako.
Ngumiti rin ito. Pumilas ito ng kapiraso sa tinapay saka ito isinubo. "Bakit napalapit ka rito, hija?" aniya.
Sa tanong niyang 'yon ay pumasok ang mga katanungan sa isip ko. Naglakas-loob naman ako para gawin 'yon. "May mga itatanong lang po ako," sabi ko. "Tagasaan po ulit kayo? Bakit kayo naparito? Nasaan po ang pamilya niyo?"
Tumawa ang babaeng matanda sa malumanay na himig. "Dahil dito ako dinala ng Panginoon, hija. Dito niya dinala ang mga paa ko dahil baka sakaling makita ko ang hinahanap ko."
Napakagat ako sa labi ko. Nakaramdam ako ng bigat sa puso ko. "Ano po ba ang hinahanap niyo?" tanong kong muli.
Ngumiti ulit ang matanda sabay kagat sa tinapay. Dahan-dahan niyang ninguya ito bago sumagot. "Ang kayamanan ko," sagot niya sa namamaos na boses.
"Kayamanan niyo po?" tanong ko na may bahid ng pagtataka.
Sa pagkakataong ito ay isang pilit na ngiti ang ipinakita ng matanda. Nag-iwas ito ng tingin. Sa halip ay tumingin na lamang sa kalangitan na punong-puno ng bituin. Muli akong napakagat sa labi nang may nakita akong nangingintab na tubig sa gilid ng kanyang dalawang naniningkit na mata.
"Iyong kayamanan ko na nawala ko, na ibinigay sa akin ng Diyos noong pasko." Nabasag ang boses nito nang banggitin niya ang salitang 'pasko.'
Hindi ko alam kung anong mayroon sa mga salitang 'yon at basta na lamang nanlabo ang aking mga mata kasabay ang pag-init nito, senyales na ako'y naluluha na. Mas lalo lamang akong naluha nang nakita kong unti-unti, dahan-dahang napaiyak ang matanda kasabay ng kanyang pagyuko. Nanginig ang dalawang braso nito. Umihip ang malakas na hangin. Muli kong naalala ang salitang pasko. Inilapat ko ang isa kong palad sa likod ng matanda at hinagod ito bilang pakikisimpatya sa bigat ng dinadala niya.
"May maitutulong po ba ako? Gusto niyo po ay hanapin natin ang kayamanan niyo?" alok ko.
Napaangat ng tingin ang matanda. "Talaga, hija?"
Tumango ako bilang kasagutan.
Mula sa kapighatian ay nabalutan kaming dalawa ng pag-asa. May muli siyang kinalkal sa kanyang itim na sako. Inilabas niya ang isang sira-sirang pitaka. Binuksan niya 'yon at may inilabas na kapirasong papel. Ibinigay niya sa akin 'yon at dahan-dahan ko namang tinanggap.
"Ano po ito?" tanong ko. "Papel?"
Ngumiti siya at sinabing, "Hindi 'yan isang papel. Maaari mong buklatin, hija."
Dahan-dahan ko itong binuksan kaya unti-unti ko ring napagtanto ang nilalaman. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ito agad pumasok sa isip ko. Sa halip ay nataranta ako sa pagkuha ng pitaka ko at inilabas ko mula roon ang kapiraso—ang kahati. Napatingin ako sa matanda. Tila nadatnan ko siyang naguguluhan sa ginagawa ko.
Ipinagdugtong ko ang dalawang punit na litrato pagkatapos ay tumingin ako nang diretso sa mga mata ng matanda.
"Ako po ito," sabi ko at bahagyang naguguluhan pa. "Ako po ang batang nasa litrato."
YOU ARE READING
Christmas Tree
Short StoryTotoo nga kayang nagdadala ang pasko ng pag-asa't ligaya?
