Warla ng mga Lingo

172 8 8
                                    

"Ka-aura-han ng jaraw!"

"Taglay ay liwanji!"

"Ako si Mudra Simoun!"

"Ako si Madame Clara!"

"Kami ang-"

"Chupah Twins!"

Sumulpot na ang dalawa nating bida gamit ang mahika ng kanilang lengguwahe. Tumahimik bigla ang mga banyaga.

Lumabas na kasi ang kanilang pakay. Ang Chupah Twins!

"Lintek kayong mga banyagang lahi! Tikman ninyo at lasapin ang kapangyarihan ng lengguwaheng may mahiwagang mahika ng Pilipinas! Lupigin ang kasakiman sa lupang sa ati'y lumuwa! Mabuhay ang Chupa Twins!" Pinangunahan ni Heneral Luna ang lupong mga mandirigmang manunulat.

Gamit ang mga sandatang panulat, sinugod nila ang mga banyagang may kakaibang lengguwaheng panlaban. Nais nilang makita na lumuluhang lumuhod ang liping lumihis ng landas.

"Jombagin ang mga chakabels na itetch! Gora lang sa pag-push mga bhe!" sigaw ni Mudra Simoun.

"Too much is never enough! Attack!" sumenyas na rin ng pakikidigma ang sandatahang Ingles.

Nagkalansingan ang mga nagtatamang mga panulat. Bawat wasiwas ay dumadanak ang dugo sa tigang na lupa. Bawat lengguwahe ay sumira sa lupain at dangal ng mga dakilang duwag.

Si Mudra Simoun, nakikipaglaban sa mga kawal ng sandatahang Ingles. Ipinaglalaban ang lengguwaheng umusbong kasabay ng pagsibol ng bahagharing watawat na iwinagayway ng kanilang kasarian. Nakikipagdigma para sa patuloy pa na pagyabong ng lengguwaheng sinasamba. Nakikibaka laban sa mga banyagang lahing inggit sa yumayabong na wika ng Pilipinas.

"Gengo o hitotsu dake de wa tarinai!" umugong na rin ang ingay ng mga banyagang Hapones.

Simbolo ang sulong naglalagablab ang apoy. Sumugod ang mga ito at sinalubong ang lupon ni Madame Clara.

"Aura-han 'yang mga 'yan, mga juding! Jusko, ma-Aga Mulach tayo niyang mato-Tom Jones! Hagardo Versoza na rin aketch!" Iwinasiwas ni Madame Clara ang kanyang panulat.

Mga dinambahang daga ang ating mga bayani. Sandata ma'y patuloy na umuusig, sadyang mga puso'y unti-unting pumanaw sa dalang lason ng mga dayuhang lalang ng inggit at kasakiman.

Mga hambog na pusong makabaya'y pumalahaw. Wikang Pambansa'y hindi isusuko kailanman. Sigalot na tinatamasa'y senyales lang ng muling tagumpay.

"Itaas ang mga panulat! Isigaw ang mga sinumpaang salita! Sapagkat ngayon...sa sandaling ang may sapi ng demonyo'y muling dumaing...dumasal na sa mga santong sinasamba, 'pagkat doon sa langit-kuno kayo'y dadalhin na! Kayong mga dayuhan! Ang sobra-sobra ay hinding-hindi na magiging sapat pa!" Nagsigawan ang mga sundalo ng Inang Bayan. Sabay-sabay na ikinalampag ang mga panulat sa mapula't malansang lupa.

Tinawag nito ang pansin ng mga banyagang Español, "A buen entendedor, pocas palabras bastan!"

Apat na wika ang nagdigma gamit ang mga hinasang panulat. Sa silong ng bughaw na langit at ng araw na sumilay sa pagtilamsik ng mga dugong alay para sa lupang uhaw sa digmaan.

"Keribels natin itetch mga bhe! I-push ang ating mga powers! Magsu-super saiyan na aketch at nang ma-jombag na natin 'yang mga baklushi! Clara, halina't ipag-combine ang ating mga dyoga!" ani Mudra Simoun.

Isinulong na rin ni Heneral Luna ang kanyang panulat, matapos ay bumulong ng mga salita, "Dinggin yaring dalangin, ako'y papatay hindi para sa paghihiganti, ako'y papaslang bilang pagsisi."

Nagpang-abot ang apat na lahing may iba't ibang wika. Bawat salita ay tumatagos sa laman at bawat wasiwas ng panulat ay nag-iiwan ng sariwang sugat na sa pagkatao ng isa't isa'y umuukit ng pilat. Kasing pait ng ampalaya ang bawat luha ng mga mandirigmang lumilisan; pumapanaw.

Sa gitna ng karahasang sumambulat sa bawat lahi. Salawahan na sakim ang sumuway sa sumpaang mga salita lamang ang dapat na gamitin. Sa pakikidigma na ang sandata'y mga panulat at ang mga pangungusap ay nakasusugat sa marupok na mga puso ng mga nilalang.

"Why is it that your language is more powerful than us? We are superior, you should surrender your freedom to us!" Ito ang umpisa ng tunay na digmaan. Nanunuot sa bawat isa ang dugo ng isang inggit at takot sa kasalukuyan.

Sinipat ni Mudra Simoun ang kambal na si Madame Clara. Nagsanib ang kanilang panulat at umusbong ang mayabong na wika ng mga bakla. Nagsanib puwersa ang Chupa twins at ang kampon ni Heneral Luna. Iwawaksi at lilipulin ang mga banyagang dayuhan na nagtangkang lupigin ang wika sa Pilipinas.

Patawad sa Inang Bayan. Patawad sa lupang sinilangan. Patawad sa mga Sugo ng Silangan. Panulat at sariling wika ang magtatagumpay sa digmaan.

Sa isang kumpas ng pinagsanib na puwersa ng panulat ng Wikang Filipino at Wika ng mga Bakla. Isinuka ng Inang Bayan ang mga dayuhan na yumapak sa kanyang lupa. Alang-alang sa kanyang mga lalang. Alang-alang sa pag-ibig ng kanyang mga mamamayan.

Unang iwinaksi ang mga hambog na dayuhang Ingles. Tinadtad ng mga salitang salamin ng kanilang inggit at kabalintunaan. HINDI LAMANG INGLES ANG MAKAPANGYARIHAN!

Sumunod ay ang paglaho ng mga dayuhang Hapones. Kasabay ng mga impluwensiyang naipasa sa mga tao. Mga salitang babaon sa kasaysayan ng mundo. MAKATATAYO RIN ANG BANSANG PILIPINAS GAMIT ANG SARILING WIKA NITO! GAYA NINYO!

At huli, ang marahas na dayuhang Español. Ibinugaw gamit ang mga salitang tatarak sa kanilang puso. TIKMAN NINYO ANG MGA SALITANG INANGKIN NAMIN MULA SA INYO!

Nalinis ang kalupaan. Nagsigawan ang mga Pilipino dahil sa tagumpay. Naipaglaban ang sariling wika mula sa mga banyaga.

"Mabuhay si Simoun at Clara! Mabuhay si Heneral Luna! Mabuhay ang ating wika! Ipagdiwang ang tagumpay ng masa!"

"Puuuusshhh!"

"Keribels nga! Putukan na itetch! Chubibo na ituu!"

Ngunit sa bawat pagtatapos ng isang digmaan, naisisilang ang isang bagong simula. Panibagong mga salita. Bagong wikang magpapayabong pa sa wikang pambansa.

"F@n5L0 t5Yow! Bhoxz Ibarra!"

Magpapayabong nga ba?

-WAKAS-

Kuwentutan: Mga Kuwentong Di Mo MalilimutanWhere stories live. Discover now