BAGONG UMAGA

76 8 0
                                    

"Matutulungan niyo po ba kami Attorney?"

Hindi siya kumibo. Lihim siyang napaismid sa narinig mula rito. Tinitigan niya ang mga mata nitong nagsusumamo at humihingi ng tulong.

'Tulong!', galit na naisip niya. Narito sa kanyang harapan ang taong nanakit sa kapatid niya. Para itong maamong tupa na humihingi ng tulong upang makamtan ang hustisya ngunit nasaan ang katarungan ilang taon na ang nakakaraan nang para itong mabangis na leong nanakit sa kapatid niya at humamak sa pagkatao nila? Nasaan? Ang mga taong tulad nitong walang puso ay hindi siya tutulungan.

"Sige po. Gagawin ko ang aking makakaya", sa wakas ay nasabi niya dahil kailanman ay hindi siya magiging katulad nila.

"Maraming salamat po!", ginagap nito ang kamay niya at muntik nang lumuhod sa harapan niya nang pigilan niya.

Kinuha niya mula rito ang mga dokumentong naglalaman ng ilang sinumpaang pahayag mula sa anak nito.

Nang makaalis na si Mrs. Agustin, pinagmasdan niyang mabuti ang larawan ng anak nito. Sumilay sa kanyang labi ang isang mapait na ngiti. Kung sana'y buhay pa ang kanyang kapatid, siguro'y binata na rin ito kagaya ng lalaki sa larawang hawak-hawak.

Nangunot ang kanyang noo nang mapagtanto kung ano ang propesyon nito. Isa itong nars. Nagdilim ang kanyang paningin nang maalala ang isang pangyayaring muntik ng sumira sa buhay niya.

Namumulot sila ng basura ni Biboy isang araw nang bigla itong sumigaw. Agad niyang dinaluhan ang kapatid at nakita niyang dumudugo ang paa nito kung saan may nakatusok na kinakalawang na pako.

Hinugasan niya ang sugat nito at nilagyan ng benda ngunit ang sugat ni Biboy ay namaga. Dahil hindi siya nakapag-aral, hindi niya nalamang si Biboy ay may tetano na pala.

Nikagnat ang kanyang kapatid kinagabihan. Akala niya'y mawawala rin agad iyon kagaya ng dating nangyayari ngunit pagkalipas ng ilang araw ay hindi pa rin nawawala ang sinat ng kapatid niya. Doon siya nagsimulang kabahan.

Nagpasya siyang dalhin ang kapatid sa pagamutan. Halos hindi na ito gumagalaw at tanging ungol lamang ang kayang gawin.

Nag-aalala na siya.

'Hindi. Hindi puwedeng mamatay si Biboy' sabi niya sa kanyang sarili.

Inilipat sa may kalayuang lugar ang Public Health Unit nila kaya sa isang pribadong ospital niya dinala ang kapatid. Ipinahiga niya ito sa kariton saka buong lakas na itinulak patungo sa ospital.

Nang makarating sila doon, pinangko niya ang kapatid saka pumasok sa ospital ngunit bago sila makapasok ay hinarang sila ng guwardiya at pinapirma muna siya sa talaan ng mga taong papasok.

Nang makapasok, nakita niya ang isang nars na nakaupo sa lugar kung saan sila tumatanggap ng mga taong may sakit.

"Nars, nars, tulungan niyo po kami!", hinihingal na hingi niya ng tulong.

Pero ni hindi man lang sila tiningnan ng nars. Nakayuko ito habang ngumunguya ng bubblegum.

"Name?", tanong nito.

Sinabi niya ang kanyang pangalan pero hindi doon natatapos ang pagtatanong ng nars. Imbis na asikasuhin agad sila ay kung anu-ano pang tanong ang ibinato sa kanya ngunit matiyaga naman niyang sinagot lahat.

Iniangat ng nars ang ulo nito saka sila pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa.

"May pambayad ba kayo?", taas-kilay nitong tanong sa kanya.

"Wala pa po pero gagawa po ako ng paraan. Pakiusap, ayaw ko pong mawala ang kapatid ko", sambit niya.

Tinitigan siya ng masama ng nars.

BAGONG UMAGA (Short Story)Where stories live. Discover now