BAGONG UMAGA

100 7 1
                                    

     "IKAW, Binibining Hillary Acosta, ay hinahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong pagpatay sa mag-asawang Elena at Armando Perez. Ang hatol na ito ay napagtibay ngayong ikaapat na araw ng Marso taong dalawang libo at labing-anim."

      Isang malakas na tunog mula sa malyete ng hukom ang pumailanlang sa apat na sulok ng silid na iyon matapos nitong sabihin ang hatol sa nasasakdal. Sinundan iyon ng pag-iyak ng nga kamag-anak ng matandang dalaga na si Hillary Acosta ngunit ni hindi man lang kakikitaan ng anumang emosyon ang matanda sa hatol sa kanya.

        Sa isang bahagi ng silid ay tahimik na inililigpit ni Anthony ang mga dokumentong naglalaman ng mga ebidensiya ng kaso. Matapos ligpitin ay isinuksok niya ang mga iyon sa kanyang itim na portpolyo. Pagkatapos ay binitbit niya iyon saka tahimik na nilisan ang lugar at tinungo ang kinaroroonan ng kanyang kotse.

      Mula sa korte ay dumiretso siya sa tindahan ng mga bulaklak at bumili ng tatlong bungkos ng puting rosas. Pagkatapos, tumuloy siya sa lugar kung saan nakahimlay ang tatlong mahahalagang tao sa kanyang buhay.

     Habang binabagtas niya ang daan patungo sa sementeryo, isa-isang bumalik sa kanyang isipan ang mga alaala ng kanyang nakaraan. Bago siya maging si Anthony Ruiz P. Mendoza, isang tanyag na abogado sa buong bansa, siya muna ang dating payat, mabaho at madungis na si Tunying Kalsura.

     Katulad ng maraming tao, nabibilang siya sa mga kapuspalad na ipinanganak sa mahirap na pamilya. Ang kanyang ama at ina ay parehong laking-lansangan na basta na lamang iniwan ng sariling mga mga magulang at hinayaang magpalabuy-laboy sa kalsada.

    Pilay ang kanyang ama. Naputol ang kaliwang paa nito nang aksidenteng sagasaan ng trak na nawalan ng preno. Ngunit sa kabila ng kapansanan nito, ni minsan ay hindi nito nalimutan ang pagiging mabuti at responsableng asawa't ama sa kanila. Mapayat at sakitin naman ang kanyang ina ngunit may gandang hindi pangkaraniwan. Dito niya namana ang matangos niyang ilong at malalantik niyang pilik-mata.

    Pangangalkal ng basura ang buhay na kinagisnan niya. Ang pagbebenta ng papel, bote, plastik at kung suwertehin, bakal na araw-araw nilang kinakalkal at pinupulot sa tambakan ng basura ang kanilang ikinabubuhay. Ngunit gayunpaman, kahit na hampaslupa kung sila ay ituring ay nangingibabaw pa rin ang hindi matawarang kasiyahan at pagmamahalan sa loob ng pinagtagpi-tagping sako at yero na tinatawag nilang tahanan.

     Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral hindi dahil sa ayaw niya at ayaw ng kanyang mga magulang ngunit sa kadahilanang wala silang pera. Hindi kasi sapat ang kinikita ng magulang niya sa pagbebenta ng basura para sa pang-araw-araw na nilang gastusin. Minsan pa nga, pati pambili ng kanin at ulam ay kinakapos sila. Marami rin kasi ang mga taong naninirahan sa gilid ng tambakan, mga taong katulad nilang isang kahig, isang tuka na ang tingin sa basura ng iba ay kayamanan. May mga pagkakataon pa nga na ninanakaw ang munti nilang 'yaman at ari-arian'. Maririnig na lamang niya ang himutok at hinaing ng ina na kung minsang sumobra, maririnig pa niya ang pagbitiw nito ng mga sumpa.

    Sa mga panahong nangyayari iyon, kakandungin siya ng ama at ipapaliwanag kung bakit ang pag-aasawa ay masama.

   "Ang pagbebenta ng basura ay marangal na gawain at hindi dapat ikahiya," payo nito. "Kahit na tayo ay naghihirap, hindi ito sapat na dahilan upang ating lamangan at lansihin ang ating kapwa. Ang pagnanakaw sa pinaghirapan ng iba ay maituturing na isang napakalaking kasalanan sa mata ng Lumikha. Huwag mo silang tularan, anak. Hindi baleng magdildil tayo ng asin basta't alam nating galing ito sa sariling pawis natin."

      Isinapuso niya at itinatak sa isipan ang payo ng ama. Kaya naman sa edad na lima ay malaki na ang naitutulong niya sa pamilya nila.

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang matanaw na niya ang pampublikong libingan. Ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa tabi ng mga nilulumot na kahoy na nagsisilbing bakod ng libingang iyon. Lumangitngit ang kinakalawang na dahon ng tarangkahan nang ito'y kanyang itulak. Inihakbang niya ang mga paa papasok habang dala-dala ang mga biniling bulaklak.

BAGONG UMAGA (Short Story)Where stories live. Discover now