"Grabe, kuya! Wala namang murahan!" Reklamo ko. Sobrang lutong ng mura eh. Kung nakakain lang 'yan, wasak ngipin ko sa lutong. "Ano nga? Saan niyo nga tinago ang mga armas?"

Hindi ko inaasahan ay dumura si kuya sa sahig dahilan para mapangiwi ko. "Wala kayong makukuha sa akin, mga hangal!"

"Yuck! Ang baboy!" Bulalas ko nang tignan ko ang laway niyang nangingintab at bumubula pa sa sahig. "Haay, walang mannersim. Saan ka ba nag-aral? Linisin mo 'yan mamaya!"

"Mannerism? Ha! At ako pa ang tinanong mo kung saan nag-aral? Ikaw, saan mo napulot 'yang utak mo?" Balik kantiyaw niya sa akin na ikinatigil ko. Nakakaasar eh. Parang pinaparating niya na ang engot ko.

"Hoy! 'Wag mo akong tinatanong tungkol sa utak ko ah! Mapapahiya ka sa talino ko, sige ka," pagmamayabang ko sa kanya habang nilalabanan niya ng nakakaasar na tingin ang titig ko. "Tsaka para sa kaalaman mo, 'yang utak ko, hindi napulot 'yan! Ano 'yan, in birth. Nandiyan na talaga 'yan nang ipinanganak ako. Ikaw ba kuya, napulot mo lang 'yang sa'yo? O baka transplant lang 'yan?"

Bumunghalit ng nakakaasar na tawa ang kaharap ko dahilan para magsalubong ang kilay ko. May kakaiba talaga sa tawa niya na nakakapangasar lang. Dagdag mo pa 'yung binayuot niyang mukha. Nakakainsulto. "Isa ka ngang bobo! Paano ka nakarating sa posisyon mo, huh!?"

"Hoy! Makabobo ka ah!" Bulyaw ko sa kanya sabay tayo at duro sa mukha niya na tinawanan niya lang ulit.

Habang umaalingawngaw ang halakhak niya sa silid ay unti-unti akong bumalik sa katinuan. Pinakalma ko ang sarili ko. Lintek, mukhang nadala ata ako sa kabagutan, pagod at antok ko. Bumalik sa akin ang plano ko. Nais ko sanang asarin si kuya hanggang sa umamin na lang, ngunit parang ako pa ang mas naaasar. 'Yung itsura kasi niya talaga eh, hindi ko maatim.

Muli akong umupo habang binabato niya pa rin ako ng nakakaasar na ngisi. Nagsimula akong mag-isip ng panibagong paraan para mapaamin siya. Sa sitwasyon ngayon, hindi uubra ang pang-aasar. Ako ang naaasar sa mukha niya eh. Isang paraan na lang ang naiisip ko para umamin siya. Hindi ko akalaing gagawin ko 'to. Minsan lang 'to mangyari.

"Ano na? Sumusuko ka na ba?" Muli niyang pangangantiyaw sa akin.

Asar man ay sinuklian ko lang siya ng ngiti. Hindi dapat ako magpadala sa itsura niyang bwiset. Baka makapatay ako nang wala sa oras eh. "Kung ayaw mo talagang sabihin sa amin, ganito na lang, huhulaan kita."

"Ano!?" Hindi makapaniwala niyang bulalas.

Tinaas ko ang kamay ko sabay baling sa tauhan ko. "Patanggal ng posas niya. Maghuhulaan kami."

"S-sir?" Nagdadalawang isip nitong tugon. Tinanguhan ko lang siya upang iparating na magiging ayos lang ang lahat. Bakas man ang pagdududa ay ginawa niya na lang ang inutos ko.

Umuyam ang kaharap ko na tila hindi makapaniwala sa ginawa ko. "Seryoso ka sa ginagawa mo? Hindi ka ba natatakot sa kaya kong gawin sa oras na pakawalan mo 'ko?"

Nanatili ang ngiti ko sa aking labi habang magkakrus ang mga braso ko nang sagutin ko siya. "Hindi na ako magugulat kung susubukan mong tumakas." Tinanggal na ng tauhan ko ang posas at agad kong namataan ang kakaibang ngisi sa lalakeng kausap ko. Akmang tatayo na ang lalake nang kumislap ang katiting na kuryente malapit sa akin. "Ngunit 'yun ay kung kaya mo."

Ang ngising suot niya kanina ay unti-unting nawaglit. Kitang-kita ko sa mukha niya ang takot habang nakikita ang panaka-nakang kislap ng kuryente mula sa akin. Nahagip ko rin ang paggalaw ng lalamunan niya. Doo'y nakumpirma kong nakakaramdam na nga siya ng takot.

Hindi na nagsalita o umimik pa ang kaharap ko. Ako naman ay binabato pa rin siya ng ngiti. "Ano? Game? Huhulaan kita!" Nilahad ko ang kamay ko sa ibabaw ng mesa at natunghayan ko ang bahagya niyang pag-iwas dito. "Akin na ang kamay mo."

Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]Where stories live. Discover now