"Aalis ka na naman?" wika ng babae nang matapos ang paghihirap sa pag-akyat. Bakas sa mukha ang inis sa pang-aasar sa kanya ng mga bata.

"Oo. Babalik din ako bukas. Huwag kang magpagala-gala sa gabi at lalong huwag mo akong hihintayin dahil lang nababagot ka," paalala niya.

Unti-unting ngumiti si Amerie. "Hindi na kita hihintayin dahil may bago na akong kaibigan."

"Sino?"

"Si Krishna."

Natawa si Hector. "Sinabi mo rin yan nung isang gabi. Itigil mo na yang pagsisinungaling mo."

"Hindi ako nagsisinungaling. Totoong nag-uusap na kami!"

"Talaga? Hindi ako naniniwala."

"Totoo sabi! Gusto mo patunayan ko halika puntahan natin!" Hinila ni Amerie ang braso ng binata at pinuntahan si Krishna. Hinintay muna nila ang sandaling hindi ito masyadong seryoso sa pagtuturo.

"KRISHNAAA!" masayang tawag ni Amerie nang may kasamang kaway.

Lumingon ang dalaga. Nagulat si Hector nang ngumiti nga ito at gumanti rin ng kaway. Pagkatapos ay sa kanya naman ito ngumiti. Ngumiti rin siya at atubiling kumaway.

"Uy ano yan?!" tukso ni Amerie.

"Bakit binabasa mo na naman ba ang isip ko?" agad na palag ng binata.

"Hindi. Nahuli ko lang kayong nangingitian. Uyyy!"

"Tumigil ka na Amerie. Yang kabaduyan mo huwag mong bitbitin dito sa Celentru."

"Di ba babaero ka? Ba't natotorpe ka kay Krishna? Kung gusto mo ako na lang ang magsasalita para sayo. May ipapasabi ka ba?"

Napakagat ng labi si Hector. Pinipigilang ngumiti. Nais niya sanang ipakiusap kay Amerie na iparating sa kanya kung sakaling may sabihin tungkol sa kanya si Krishna. Subalit napagtantong sa pagkatsismosa ni Amerie tiyak na kusa na itong gagawin ng babae.

Kunway naiinis na hinila niya paalis ang kasama. " Halika na. Nang-iistorbo ka ng mga nagsasanay. Saka ikaw imbes na kung ano-ano ang inaatupag mo paghusayan mo na lang yang pagsasanay mo!"

Sumimangot si Amerie. " Hindi ko naman kasi kailangang magsanay. Kahit magpursigi ako, baka extremus na ang ilan sa mga kasabayan ko, ako delica pa rin. Hindi ako pinanganak para sa ganitong mga bagay."

"Seryosohin mo kasi. Kailangan mong makipagsabayan kung gusto mong makuha ang loob ng mga Gadians. Hindi ka nila pagkakatiwalaan kapag wala silang makitang dedikasyon na handa kang ipagtanggol ang aming lahi. Hindi mo kailangan maging magaling, kailangan mo lang magpakita ng determinasyon."

Tumahimik ang dalaga. Saan siya kukuha ng determinasyon eh sa simula't sapul ay wala siyang balak makisali sa alitan ng Gadian at Refurmos? Higit sa lahat batid niyang hindi rin siya magtatagal sa mundo ng mga Gadians dahil hindi siya tunay na kauri.

"Aalis na ako. Bumalik ka na sa pag-eensayo," ika ni Hector.

"Mag-iingat ka," paalam niya.

Seryosong bumalik siya sa kanyang grupo. Naabutan niyang mag-isang nakaupo sa damuhan si Rosendal, ang batang babaeng madalas mang-asar sa kanya. Tahimik ito at bakas ang pagod sa mukha. Bigla siyang nakaramdam ng awa sapagkat sa murang edad, imbes na paglalaro pa ang inaatupag ay kinakailangan na nitong magsanay at mamulat sa daigdig ng galit at alitan.

Marahang tinabihan niya ito. " Ba't mukha kang malungkot? Naalala mo ba ang mga magulang mo?"

Tumango ang bata.

Shadow LadyWhere stories live. Discover now