Magpapakawala na sana siya nang isang malakas na pwersa na ibabato sa dibdib ng kaharap, sapat para tumalsik ito ng mga dalawampung metro, subalit bigla siyang natigilan nang marinig ang iniisip nito.

Dahil mahal ko si Hector! At alam ko na inaagaw mo siya sa akin!

Bigla siyang natawa at agad na naglaho ang galit na nararamdaman. Natauhan sa muntik nang pagkawala sa sarili hanggang sa bumalik sa normal ang kulay ng mga mata. "Ahhh.... Siguro nagseselos ka. At iniisip mong aagawin ko sayo ang lalaking mapapangasawa mo!" kunway nagkataon lang na sambit niya.

"Walang lugar ang selos sa aming mga Gadian!" tanggi ng babae.

"Talaga? Kung ganun ano ang kutob na tinutukoy mo para husgahan ako na isang kalaban? Bakit hindi naramdaman yun ni Hector at ng mga Pillis?" tatawa-tawang wika niya. "Wala akong ibang maisip kundi isang malaking selos lang yang kutob na sinasabi mo. Huwag kang mag-alala, hinding-hindi ko aagawin si Hector dahil may iba akong mahal. At si Hector, wala siyang nararamdaman para sa akin, maniwala ka. Siya mismo ang nagkwento sa aking nakatakda na siyang ikasal."

Batid ni Amerie na naapektuhan ang kausap sa sinabi niya sapagkat unti-unti na ring bumalik sa normal ang mga mata nito.

"Isipin mo na ang gusto mong isipin! Pero hindi mo ako mauuto sa mga kasinungalingan mo!" Kunway galit pa ring wika nito.

Humakbang ulit papalapit si Krishna ngunit agad na iminuwestra ni Amerie ang palad. "Hep! Huwag mong itutuloy yang iniisip mo. Kapag ako ang nakapanakit sayo hinding-hindi ka matutuwa lalo!" ngingiti-ngiting babala niya.

Hindi nakinig ang dalagang Gadian. Itinuloy nito ang paghakbang ngunit nang akmang sisipa na ito ay siya namang pagsulpot ni Hector.

"Krishna!"

Natigilan ang dalawang babae. Biglang parehong nanahimik at pomormal ng tayo.

"Anong nangyayari dito? Krishna, sinaktan mo ba si Amerie?"

Nagkatinginan ang dalawang dalaga. Narinig muli ni Amerie ang iniisip ni Krishna. Nagdamdam ulit ito dahil hindi ito ang unang inalala ni Hector.

"Ah hindi tinuturuan lang ako ni Krishna habang hinihintay ka namin," nakangiting paliwanag ni Amerie. Kunot noong napatingin sa kanya ang babaeng Gadian.

"Bakit niyo ako hinihintay?" taka ng lalaki.

"Kasi sabi mo darating ka ngayon," masiglang sagot ni Amerie. 

"Bakit kasama mo si Krishna?" duda ni Hector sabay tingin sa kapwa Gadian.

"Sinamahan niya lang ako. Alam mo mabait na sa akin si Krishna. Kinakausap niya na ako kanina habang wala ka kaya di ako masyadong nabagot, di ba Krishna?" 

Ngumisi si Krishna. Tiningnan nang matatalim si Amerie at pagkuway walang imik na tumalikod. Mabilis na naglakad papalayo sa sariling direksiyon.

"Halika na dapat nagpapahinga ka na sa kubo mo. Bakit ka nagtitiyagang maghintay dito?" aya ni Hector habang hinahabol ng tingin ang dalagang Gadian. Nang mawala sa mga mata si Krishna saka tiningnan si Amerie. "Magsabi ka nang totoo. Sinaktan ka ba ni Krishna? Hindi ako naniniwalang bumait na agad yun sayo. Magugunaw ang buong Celentru bago mangyari yun dahil kung ano ang iginanda ng mukha nun ganun din ang inilamig ng puso nun," sabay inspeksiyon sa braso ng dalaga.

Mabilis na binawi ni Amerie ang kanyang braso. "Wala to, away babae lang to. Nakakailag naman ako sa kanya," walang nagawang pag-amin niya.

"Nakakailag ka sa isang tulad niya?...Teka..." biglang napapaisip na sambit ni Hector. "huwag mong sabihing gumamit ka na naman ng kapangyarihan mo?"

Shadow LadyWhere stories live. Discover now