Chapter 34

44.2K 778 43
                                    

Chapter 34

Hindi ko alam kung ilang oras akong tulog ngunit paggising ko'y puro puti ang nasa paligid ko kaya napagtanto kong nasa hospital pa rin ako. Ramdam ko ang pananakit ng aking katawan gano'n din ang nasa pagitan ng aking mga hita. Nang tuluyan kong maimulat ang aking mga mata'y nakita ko si Mama at Kuya na tila nag-uusap. Natanaw ko rin si James sa may bandang pinto na nakahalukipkip at mukhang malalim ang iniisip. Agad silang lumapit sa akin nang makitang gising na ako.

Bumangon agad ako sa pagkakahiga upang itanong ang iisang bagay. Kahit ramdam ko ang kirot sa bawat paggalaw ko ay ininda ko.

"Ang b-baby ko?" tanong ko kay Mama at Kuya nang lumapit sila sa akin. Si James naman ay nasa aking paanan ngunit hindi ako nag-abalang pansinin siya. "Ma, Kuya... k-kumusta ang baby ko?" nangingilid ang luha ko at umaasang sasabihin nila sa akin na nasa maayos itong lagay.

Hinawakan ni Mama ang magkabilang balikat ko. "Magpahinga ka na muna anak, mas kailangan mo 'yon," garalgal ang boses ni Mama at kita ko rin ang pangingilid ng kaniyang luha.

Umiling-iling ako at tinanggal ang pagkakahawak niya sa akin. "S-Sabihin niyong nasa maayos na kalagayan ang anak ko, Ma. Utang na loob, nagmamakaawa ako sa inyo." Hindi ko na napigilin ang luha ko kaya unti-unti na itong lumandas sa aking pisngi. Binalingan ko ng pansin si James na nakayuko lang. "James..." tawag ko sa kaniya dahilan para mapatingin siya sa akin. "Okay lang ang b-baby 'di ba? Wala namang nangyaring m-masama sa kaniya 'di ba?"

Wala akong pakialam kung gaano ako mukhang miserable sa mga oras na 'to dahil 'yon naman talaga ang totoo. Miserable ang buhay ko ngayon at ayokong mas maging miserable kung malalaman kong pati anak ko ay iniwan ako.

Hindi na ako maghahangad ng kahit ano. Hindi ko na hihilingin na malaman ang lahat, maski na ang masagot ang mga tanong ko sa buhay. Wala na akong pakialam kung maaayos pa ba ang namamagitan sa amin ni James o hindi na, kung ikasal man siya kay Karen ay bahala siya. Basta malaman ko lang na ligtas ang anak ko at hindi niya ako iniwan ay makukuntento na ako ro'n. Hindi ko kaya, e. Hindi ko kakayanin kung mawawala siya. Kaya umaasa akong maririnig mula sa kanila na nasa maayos itong kalagayan, na hindi siya napahamak. Iyon lang ang tangi kong hiling sa mga oras na 'to.

"Why didn't you tell me?" balik na tanong sa akin ni James at kita ko ang pamumula ng kaniyang mga mata dahil sa nagbabadyang luha. "Why did you keep this from me, Dimple? Why?" may diin ang bawat salita at kita ko ang pagkuyom ng kaniyang kamao.

Nag-iwas ako ng tingin at wala akong balak na sagutin ang mga tanong niya. Wala ako sa tamang isip para marinig ang paninisi niya na hindi ko man lang sinabi sa kaniya. Hindi ito ang tamang oras para ro'n. Wala siyang karapatan na kuwestiyunin ako kung bakit hindi ko sinabi sa kaniya dahil unang-una hindi naman talaga kami kasal.

Nilingon ko si Kuya Diether na masama ang tingin kay James na tila anumang oras ay masasapak na niya ito. Sa puntong 'to hindi ko na magagawang ipagtanggol siya sa pamilya ko dahil kitang-kita naman nila kung anong ginawa ni James at nakasisiguro ako na alam na nila ang dahilan kung bakit nangyari sa akin 'to.

"Ma, Kuya..." muling tawag ko sa kanila at punung-puno pa rin ng pag-asa ang puso ko na maririnig ko ang nais kong marinig. "Ayos lang naman siya 'di ba?"

Sunud-sunod ang luhang lumalandas sa aking pisngi, dahil sa pananahimik nila ay may ideya na ako kung ano ang sagot sa tanong ko, ngunit ayaw lang tanggapin ng isip ko. Umaasa kasi ako na maririnig kong... Oo, buhay ang anak ko. Hindi niya ako iniwan dahil gusto pa niyang makita ang buhay kasama ako. Gusto niya akong makasama bilang Mommy niya, pero 'yong pananahimik na ginagawa nila at pag-iwas sa tanong ko tungkol sa anak ko ay nagbibigay ng kirot sa puso ko. Sobra-sobrang kirot ang dulot nito.

The Casanova's Secret WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon