Larong Kalye

17 1 1
                                    

BENTE-UNO

"Taya! Taya ka!! Aha! Taya!" nakakatuwang marinig ang mga salitang iyon na galing sa iyong bibig habang naglalaro ng 'bente-uno'. Kahit alam kong mapapagod ako sa kakahabol sayo ay basta makasama lang kita, ayos na ko.

Minsan nga pag ako ang taya, kahit lima o anim o pito man ang mga kalaro ay ikaw pa rin ang gusto kong tayain. Ikaw ang gustong habulin. Para pag nataya na kita, sasamahan mo rin ako.

PATINTERO

Naiinis ako tuwing nagiging kakampi kita. Nawawala ang kasiyahan dahil magkakalayo tayo dahil sa mga linyang dapat sundin. Nawawala ang inspirasyon ko sa paglaro dahil malayo ka sakin.

Sa ibang araw ay nagiging magkalaban tayo sa patintero. Sumasaya ako dahil sa wakas ay nandidito nanaman ang tayaan, kaso iniiwasan mo naman ako tuwing lalapitan kita.

LANGIT-LUPA

"Langit-lupa, impyerno. Im-im-impyerno. Saksak puso, tulo ang dugo. Patay, buhay. Umalis ka na sa pwesto mo!" Nagtitilian ang lahat pag itinuturo ang iba at hindi ako. Ako nanaman ang taya. Langit ka, lupa ako. Totoo 'yun. Yun lagi ang resulta tuwing aalamin kung sino ang taya.

Tatakbo ako nang mabilis upang mahabol ang iba para tayain sila at makasama ka dyan sa langit. Alam kong napakasama nun pero gusto kitang maabot ngunit hindi kita maabot dahil malayo ka sakin dahil langit ka at lupa ako.

STEPFOOT

Hindi ko gusto ang larong ito. Sinasabihan man nila ako ng 'bano' dahil unang tapak palang ay talo na 'ko, wala parin akong pakialam kung ano man ang sabihin nila. Handa akong magsakripisyo. Handa akong magpatalo. Ayokong tapakan ang paa mo. Ayokong saktan ka. Ngunit ako parin ang talo dahil pinayagan ko ang ibang saktan ka, at hindi kita naalagaan.

TAGU-TAGUAN

Ito. Ito ang paborito mo.

"Isa, dalawa, tatlo," ako nanaman ang taya. Lagi naman pero ayos lang dahil gusto kong malaman kung saan ka nagtatago. Gusto kitang mahanap nang may pagtitiis.

"Apat, lima, anim, pito, siyam, sampu! GAME?"

Siyempre, hindi mawawala ang uto-utong hindi nagiisip sa ating magkakaibigan.

"Game!" Sigaw ng isa, kaya nahanap ko agad ang lugar niya.

Makalipas ang ilang minuto ay nahanap ko na rin ang iba. Ikaw nalang ang nawawala. Bakit ayaw mo parin lumabas kung hindi naman ikaw ang matataya?

Hinanap kita sa kung saan saan mang sulok ng mundo. Tinanong ko ang mga tao kung nakita ba nila ang babaeng may kulay abong mga matang may nais na iparating, mapupulang labing kapag ngumiti ay kaya kang tunawin, at babaeng matagal mo nang hinihintay. Ngunit ang kanilang sagot ay "patay na siya, 'wag ka nang umasa pa."

Ayoko maniwala sa kung ano mang sinasabi nila. Kahit isipin pa nilang isa akong baliw o kailangan ko nang magpakonsulta sa duktor.

Kahit turing mo s'akin ay isa lamang na kalaro' o hindi kaya'y 'kaibigan dun sa kalye', ok lang, basta ba'y nakikita kitang masaya.

Kaya kung nasaan ka man ay sana, bumalik ka na. Di pa kita natataya. Kung isang laro man tong ginagawa natin ay sana... sana malaman mo na, seryoso ako sa larong ito hindi dahil ayoko maging talunan o gusto kong manalo, kundi gusto ko lang na makita at makasama ka muli.

Larong KalyeDonde viven las historias. Descúbrelo ahora