Nagmamahal, Ako

9.3K 86 24
                                    


Mahal ko,

Matagal ko ng gustong sabihin sa'yo ang lahat ng nararamdaman ko.

Kahit pa isipin mo na nababaliw lamang ako

O kaya'y walang magawa at ginagawa lamang kitang katuwaan.

Siguro nga... Siguro nga kasi sa'yo naman ako masaya.

Pero ang tanong: sa akin ba, masaya ka?

Maniwala ka sa akin kapag sinabi kong pinilit ko namang pigilan 'to.

Ilang taon ba akong nagsinungaling sa sarili ko mismo na hindi naman 'to pagmamahal?

Pwede naman kasing simpleng paghanga lang 'to sa'yo,

Dahil ikaw ang nariyan kapag kailangan ko ng makakausap at pagsasabihan ng lahat ng problema o kalokohan ko,

Dahil ikaw ang nakatatagal sa pagtataray ko at sa ugali kong pabago-bago.

Pero mahal, nabigo ako sa pagsisinungaling sa sarili ko at alam mo kung bakit?

Kasi mahal kita. Mahal kita higit pa sa iniisip mo.

Mahal kita higit pa sa inakala kong maibibigay ko sa'yo.

Naaalala mo ba no'ng nagkwento ako sa'yo? Na mayroon akong ibang nagugustuhan?

Sinadya ko 'yon para magselos ka at malaman ko kung pareho ba tayo ng nararamdaman,

Kahit alam ko naman na kaibigan lang ang turing mo sa akin at ni minsan hindi ako naging kabilang sa mga babaeng iyong nagustuhan.

Oo, masakit pero sadya nga lang ba na tanga ako? O mas nananaig ang nararamdaman ko para sa'yo?

Naaalala mo ba 'yong ilang beses nating hindi pagkakasundo dahil umamin ako sa'yo?

Nainis pa ako sa'yo dahil ang sabi mo ay alam mo naman pero hindi mo maintindihan na hindi ko hinihiling na mahalin mo rin ako,

Dahil ang gusto ko lang sana ay matanggap mo ako at ang pagmamahal ko sa'yo.

Pero ano'ng ginawa mo? Ano'ng ginawa mo, mahal?

Sinabi mo na hindi tayo para sa isa't isa.

Sinabi mo na ayaw mo akong masaktan kagaya mo,

Dahil hindi ko kakayanin ang sakit ng mga pinagdaanan mo.

Pero mahal, para sa kaalaman mo,

Kinakaya ko ang sinasabi mong sakit kahit sobra na ay kinakaya ko pa rin hanggang ngayon.

Hindi ako manhid para hindi masaktan kahit na ang tagal-tagal na akong nagmamahal sa'yo.

Sana man lang isang araw, makita mo rin ang halaga ko.

Sana man lang kahit isang beses masabi mo na mahal mo rin ako.

Nangako ako na hindi kita iiwan pero hindi ako sigurado kung hanggang kailan ako nakakapit sa'yo.

Dahil sa ating dalawa ay ako lang, ako lang ang nananatiling nakakapit at anumang oras ay maaari kitang mabitawan.

Ako lang naman kasi ang nagmamahal at patuloy na nasasaktan nang dahil sa'yo.

At sana kapag dumating ang araw na magkaroon na ako ng puwang diyan sa puso mo,

Sana... Sana hindi pa huli ang lahat.


Sana ikaw pa ang laman ng puso ko.

Hanggang dito na lamang.

Nagmamahal,

Ako


kyeriella

Para Sa'yo | ✔Where stories live. Discover now