Napalingon naman agad ako kay Josh na hanggang ngayong ay nakatutok pa rin sa cellphone niya.

Matapos ang isang oras ay nakarating din kami sa Music21. May reservation ang Papa ni Claire kaya naman dinala na agad kami roon ng isang staff. Maluwag 'yung room na ibinigay sa amin. Kanya-kanyang upo agad lahat. Sa may dulo ako naupo at umupo naman agad sa tabi ko si Josh. Nakita ko namang naupo sa kabilang dulo si Xander kung saan umupo sa tabi niya si Gen. Ewan ko ba pero parang uminit bigla ang ulo ko. Naiinis ako kay Gen sa pag-upo sa tabi ni Xander. Naiinis ako kay Xander dahil pumayag siya. At mas naiinis ako sa sarili ko dahil naiinis ako sa hindi ko malaman na kadahilanan! Ugh! Ang gulo ko!

Nagpaalam pa sa amin ang Papa ni Claire at sinabihan kaming babalikan na lang ng bandang alas-dos ng madaling araw. Alas syete pa lang ngayon. Natutuwa ako sa Papa ni Claire. Ang cool niya lang. Pero kunsabagay, nasa hustong gulang naman na kaming lahat. Ang pinakabata sa amin ay si Josh na eighteen na rin naman. Napatingin pa ulit ako sa Papa ni Claire. Hay, sana ganyan din ang Papa ko kaso... ayun sumakabilang bahay na. 'Ni hindi na nagpapakita.

May mga alak na inihain sa amin. Ang huling inom ko pa ay nung iniwan ako ng walang-hiyang ex ko. Naaalala ko pa nun kung gaano kasama sa pakiramdam kaya ipinangako ko sa sarili kong hinding-hindi na ako iinom kahit na ano pang mangyari. Kumuha na lang ako ng iced tea at kumain. Hindi ako titikim ng alak na 'yan.

Mabilis lang na dumaan ang mga oras. Kadalasan ay si Josh ang kumakanta dahil siya naman 'yung magaling. Pati si Gen pa nga pala, pang Vosa 'yung boses niya. Ang sarap sa tenga. Tipong Sitti ba? 'yung ganun! Ugh! Nainggit tuloy ako, bakit 'yung sa kanya pang Vosa tapos 'yung sakin pang kosa? Err, sige ako na korni.

Napalingon ako kay Josh nang bigla niya ibagsak ang ulo niya sa balikat ko. Noon ako napatingin sa mesa sa harap namin. Hala! Hindi ko napansin na marami na pala siyang nainom! At sa hitsura niyang 'to, lasing na lasing na siya. Namumungay na 'yung mga mata niya saka pulang-pula na 'yung mukha niya.

"Ayos lang 'yan?" tanong ni Andi sa akin.

"Uhm, medyo? Sobrang lasing na ata e," sagot ko.

"Akina't ma-molestya!" excited pa 'yung boses ni Andi nang sabihin niya 'yun. Tinignan ko siya nang masama saka inayos ang ulo ni Josh sa sandalan. "Ay, ang damot naman ng ale! Oo na po, hindi ko na momolestyahin yang jowaers mo."

Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Andi at kumuha na lang ako ng tubig para ipainom kay Josh. Ininom niya naman agad 'yun (awa ng Diyos) at mukhang nahimasmasan ng konti. Hindi na ulit siya kumuha ng alak pero maya-maya, mukhang nakatulog sa pagkakasandal sa sofa.

Saktong alas-dos nang sunduin kami ng Papa ni Claire. Puro lasing ang kasama namin. Except sakin, kay Claire, Love at Xander. Pati si Andi at Gen e bagsak na kaya hirap tuloy kaming ilabas sila ng karaoke bar. Naka-alalay ako kay Josh papalabas. Though medyo okay na siya ay halatang nahihilo pa.

Mabilis lang ang biyahe pabalik. Dating pwesto kami sa sasakyan. Nakasandal pa rin sa akin si Josh at dahil medyo mabigat siya, napapahilig ako ng kaunti kay Xander. Mukha namang okay lang sa kanya kaya hinayaan ko na lang din.

Sa may kanto lang kami ibinaba ni Josh. Nakakalakad naman na raw kasi siya kaya okay lang na iwan na kami. Nag-aalala pa rin ang Papa ni Claire pero napilitan na ring hayaan na kami. Nagulat na lang ako nang magsalita si Xander.

"Ihahatid ko na lang po sila," ani Xander saka bumaba ng sasakyan.

"Teka, hijo. Paano ka?"

"'Wag po kayong mag-alala, hindi naman po ako uminom. Saka madali lang naman po akong makakasakay pauwi."

Si Xander na mismo ang umalalay kay Josh nang maka-alis ang van. Ilang street din ang daraanan namin bago makarating sa apartment kaya thankful na rin akong narito si Xander. Kahit kasi sinabi ni Josh na okay na siya ay nahilo lang siya ulit pagkatayo. Kaya kung ako siguro ang umaalalay sa kanya ay pagewang-gewang kami ngayon. Nakikita ko kasi kung gaano kahigpit ang pag-alalay ni Xander sa kanya.

My Poker-Faced GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon