Natahimik si Maeda. Naalala nito marahil ang mga nangyari. Bakas sa magandang mukha nito ang lungkot at pagkabahala.

“Pinsan, mas marami tayo mas marami rin tayong magtutulungan. Isa pa,” tiningnan sandali ni Ren si Kenji bago ipinagpatuloy ang sasabihin. “Sa ating lahat mukhang sya lang ang may pag-asang makaligtas. Tingnan mo nga ang katawan niya o. Mukhang sanay sa sports.”

Tiningnan nga siya ni Maeda…mula ulo hanggang paa, bago umirap.

“Matangkad nga wala rin namang pakinabang.”

“Maeda!”

“O di ba, kinailangan nyo pa siyang iligtas. Kung hindi dahil sa inyo ni Shizu, patay na siya ngayon.”

“Kaya nga, pinsan. Mas marami, mas malaki ang tiyansang makaligtas tayong lahat. Basta magtutulungan lang tayo,” giit pa rin ni Ren.

“Bahala kayo,” inis na sabi ni Maeda.

“Ayos lang ba sa’yong sumali sa grupo namin, Kenjirou?”

Tumango si Kenji. “Kenji na lang.”

“Ayos,” masayang sabi ni Ren.

“Kenji. Kumain ka muna,” sabi naman ni Shizu na inabutan siya ng isang de lata. Tinanggap niya iyon at sinimulang kainin. Tanghali na rin kasi. Hindi pa siya nagtatanghalian.

“Doon nyo ba ito nakuha sa loob?” tanong niya na ang tinutukoy ay ang grocery sa baba.

“Oo. Kinuha namin kanina bago kami pumanhik dito.”

“Paano kayo nakarating dito? Hula ko, nagkalat sa buong baryo ang mga halimaw na ‘yon,” tanong ni Kenji na sa kinakain nakatuon ang pansin.

“Tama ka. At sabihin na lang nating marami kaming pinagdaanan para manatiling buhay hanggang ngayon.”

Napatingin si Kenji saglit kay Ren. Tumigil ito sandali sa pagkain na parang biglang nawalan ng gana. Pero sandali lang naman iyon. Agad ding ipinagpatuloy ni Ren ang pagkain.

“Ano nga palang nangyari? Bakit ganoon ang hitsura ng mga halimaw sa baba? Ano, miyembro ba sila ng kulto? Mga cannibals?”

Nagtawanan sina Shizu at Ren pero si Ren ang malakas ang tawa. Si Shizu ay parang kiming pinipigilan ang pagtawa.

“Ren! Wag kang masyadong maingay,” saway dito ni Maeda. Nahulaan ni Kenji kung bakit. Narinig kasi niyang lalong nag-ingay sa labas ng gusali ang mga tinatawag niyang halimaw.

“Sorry,” sabi ni Ren bago sinagot ang tanong ni Kenji. “Hindi sila miyembro ng kulto, Kenji. Pero siguro matatawag mo nga silang halimaw dahil wala na silang isip. Kapag nagkaganyan sila, hindi na nila kilala kahit sarili nilang pamilya. Lahat, basta mahuli nila, nagiging biktima nila.”

“Ano ngang nangyari sa kanila? ANO sila?”

“Zombie,” tipid na sagot ni Maeda na sa sariling pagkain nakatingin. Umawang ang bibig ni Kenji.

“A-ano!? Zombie?” gulat na tanong niya. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga kasama. Wala kina Ren at Shizu ang kumontra sa sinabi ni Maeda. “Naloloko na ba kayo?”

“Bahala ka kung ano’ng gusto mong isipin. Basta alam mo na ang totoo.”

“Kung totoo man ang sinasabi nyo…paano ito nangyari?”

“Hindi rin namin alam eh. Basta nakita nalang naming nagtatakbuhan ang mga tao at sumisigaw sa takot. Tapos nakita ko…nakita ko, iyung isang kaibigan ko…kinagat siya sa braso ng isa sa kanila. Tapos ay dumating ang iba pa at kinagat siya sa ibang bahagi ng katawan. Kitang-kita ko nang kainin nila ang laman niya,” sabi ni Shizuka na tuluyan nang nawalan ng gana sa pagkain. Para itong natutulala habang naaalala ang nasaksihan.

“Kailan nangyari iyon?” tanong ni Kenji.

“Kahapon.”

Saglit na nag-isip si Kenji.

“Iyung isang pasaherong nakasabay ko. Nanggaling siya sa bayan. Sigurado ako dahil may mga pinamili siya na siguradong mula sa Kapitolyo. Kung kahapon nagsimula ang lahat, bakit hindi nila alam?”

“Sa hapon lumuluwas ang mga namimili sa Kapitolyo, Kenji, dahil malayo ang biyahe. Hinahabol nila ang huling biyahe at sa Kapitolyo na tumitigil hanggang magbukas ang mga tindahan. Kaya kung galing nga sa Kapitolyo ang pasaherong sinasabi mo, sigurado ako, kahapon ng hapon pa iyon umalis,” sagot ni Ren.

It makes sense. Madalang nga kasi ang biyahe sa lugar na iyon kaya di nga malayong sa hapon lang ang huling biyahe palabas ng bayan, di gaya sa mas maunlad na bahagi ng Cavite na may biyahe hanggang hating-gabi. Kaaalis lang marahil ng huling biyahe nang magsimulang mangyari ang lahat.

“Pero saan nanggaling ang mga…halimaw na iyon?”

“Biters.”

“Ha?”

“Biters,” si Shizu na ang sumagot. “Yan ang bansag ni Ren sa kanila.”

“Para kasing nag-e-exist lang sila para mangagat at kumain ng tao,” paliwanag ni Ren.

“Ano’ng balak nyo?”

“Pupunta kami ng Maynila. Doon baka mas malaki ang pag-asa nating ma-rescue.”

Hindi sumagot si Kenji pero mukhang nag-iisip ito.

 “Kung tapos na kayong kumain, maghanda na tayo para maaga tayong makaalis,” sabi ni Maeda.   

 “Sandali. Dumaan muna tayo sa San Isidro,” sabi ni Kenji.

“Ano!? San Isidro? Palayo sa Maynila ang San Isidro,” inis na bulalas ni Maeda.

“Kailangan kong magpunta sa San Isidro.”

“Well then, magpunta kang mag-isa.”

“Bakit mo ba gustong magpunta sa San Isidro?” tanong ni Ren.

“Doon nakatira ang lolo ko. Siya nga talaga ang sadya ko dito eh. Kaya ako nandito.”

“Baka wala na ang lolo mo sa bahay niya. Siguradong umalis na iyon o nagtago kung saan,” sabi ni Shizu.

“Hindi. Mag-isa lang namumuhay si lolo. Walang tutulong sa kaniya. Kailangan kong siguruhing ligtas siya.”

Bumuntung-hininga si Ren.

“Sige, sasamahan ka namin.”

“Ano!?” gulat sa sabi ni Maeda. Nakakunot ang noo nito.

 “Kailangan natin siyang tulungan, Maeda.”

“It’s just one stop. Makita lang natin si lolo didiretcho na tayo sa Maynila,” sabi ni Kenji.

 “Paano kung hindi natin siya makita?”

“There’s no way na hindi ko siya mahahanap. Alam ni lolo na ngayon ako dadating. Siguradong hihintayin niya ako.”

“Kahit may mga zombie sa paligid, sigurado kang hihintayin ka niya?” sarkastikong tanong ni Maeda.

“Maeda, ano ba? Tama na ‘yan,” saway ni Ren sa pinsan bago nito binalingan si Shizu. “Payag ka bang samahan natin si Kenji?”

Tumango si Shizu.

“O ayan, majority wins. Wala ka nang magagawa,” sabi ni Ren.

“You’re both crazy.”

Among the Dead #Wattys2016Where stories live. Discover now