Short Story #3: Lita at Shane

635 6 1
                                    

Napupuno na talaga ako! Kitang-kita ko.. mula sa pinagtatayuan kong pundasyon ang isang babae na itinataboy ng mga kasama niyang may angking tangkad kumpara sa kanya. Ang isa sa kanila ay babae rin na kahawig pa niya ang mukha pero kita sa imahe na mas matanda ito. May kasama itong naka-akbay na lalaki. Magkakapareha ang mga nakapalibot sa kanya na tinutulak-tulak pa siya palayo. Inagaw niya kasi mula sa kanyang kahawig ang bandana nito, patawa-tawa pa siya habang iniilag ang hawak para hindi mabawi ng kinuhaan. Ngunit, talo siya ng kasama nitong lalaki at nabawi kaagad ulit sa kanya ito. Kahit itinuturo siya ng papalayo ay hindi siya umaalis kaya ang mga kasama na lang niya ang nag-kaisang iwanan siya sa isang tabi.

Gamit ang aking mga bintana na gawa sa kabibe ay namamataan ko ang babaeng ito na nag-iisa na. Isa siyang dalagang mahaba ang buhok na napaka-tuwid, ang kulay ay parang pang-banyaga. Balingkinitan ang katawan na kitang-kita sa kanyang kakaunting saplot na halos ang maselang bahagi na lang talaga ng katawan niya ang natirang natatago. Gusto ko siyang makilala, maging nobya. Ngunit, kailangan ko munang malaman ang kanyang pagkatao. Kapag nagkaganoon, masisigurado ko kung magkakatugma nga ang aming personalidad. Pagkatapos, pwede na kaming mag-sama. Magmamahal ulit ako.. pagkatapos ng limangpung taon.

LIMANGPUNG TAON NA ANG NAKAKALIPAS..

Sa isang silid-tulugan dito sa loob ko, kung saan ako ay nasa katauhan pa ng isang taong buhay, ng ako ay humihinga pa bilang si Lita, bumubuhos ang tila walang katapusan kong luha. Ang luhang ito ay ang epekto sa akin ng pagkabigo sa pag-ibig. Hindi ako iniirog ng babaeng pinakamamahal ko. Hindi niya ako kayang mahalin dahil sa pareho raw kami ng kasarian. Ang babae raw ay para sa lalaki, at ang lalaki ay para sa babae. Naniniwala ako noon sa reinkarnasyon, kung saan ang tao ay mabubuhay na magmuli pagkatapos mamatay. Ito ay sa katauhan naman ng ibang pagkatao. Nagsabit ako ng lubid sa kisame, itinapat ang aking mukha rito, pagkahiling ko na ‘sana ay maging lalaki na ako pagka-panganak ko ulit sa susunod na henerasyon’ ay isinabit ko na ang ulo ko sa tali. Lumambitin dito ang buo kong katawan. Natapos ang aking buhay, pero hindi ang aking kaluluwa. Ang kaluluwang may pagnanais pang makamit, pag-ibig na pinakahihintay. Naghanap ako ng masasapian. Dito ako sa sarili kong bahay napasapi. Kaya ang bahay ko ay naging ako.

Ako ay napapalibutan ng mga puno. Nakatirik ako sa tabing dagat. Tuwing mag-iinit na ang aking ulo na gawa sa yero, marami na akong nakikitang mga tao. Mayroon ding iba’t ibang lahi. Tuwing sasapit ang dilim sa panahong ito, dadagundong na ang aking dingding sa musikang may pinaghalu-halong tunog kaya naman ang mga anay sa loob ko ay bumibilis sa pag-kagat sa akin, ang mga agiw ay bumibitaw sa pagkakakapit sa akin. Kagaya ng kasalukuyan..

KASALUKUYAN..

Nararamdaman kong kailangan niya ako kahit hindi ko marinig mula sa sarili niyang bibig. Pareho kami ng sitwasyon. Parehong nag-iisa. Parehong malungkot. Nararamdaman ko ang kaya niyang maramdaman dahil babae rin ako kagaya niya. Kaya masasabi kong lubusan nga kaming magkatulad. Magkatulad at patas.

Ibinukas ko ang aking mga ilaw na nagbigay ng lubusang liwanag sa aking mga kabibeng mata. Kumikinang-kinang. Sumisigaw ang sinag. Pansinin mo ako! Nandito ako! Tutulungan kita.. Halika.. Maglakad ka patungo sa akin.. Nakikita ko na naaabot ng aking liwanag ang kalahating bahagi ng kanyang pisngi. Nagsimula siyang maglakad. Sa wakas! Tumugon siya sa aking senyales. Ngunit, nakita kong papalayo siya sa akin, at papalapit naman sa kaninang mga kasama. May dala siyang malaking pinggan na punung-puno ng pagkain. Dumampot siya ng isa at ini-alok sa kumekendeng na kahawig niyang babae. Nakatalikod ito sa kanya. Bigla itong humarap at nabunggo ang kaniyang dala-dala. Natapon ang pagkain sa katawan nito. Naghurumintado! Itinulak siya nito! Napadapa siya sa sahig. Nagbubukahan ang bibig ng mga kasamahan nito sa harapan niya na may kasama pang panduduro. Walang sumusubok na umalalay sa kanya kaya tumayo na lang siya mag-isa. Pinagtutulak naman siya ng mga ito. Pinagtatabuyan ng palayo sa kanila. Lumakad siya papalayo sa kanila, at papalapit naman sa akin. Nagsisipa siya sa puting buhangin sa kanyang paanan.

Dinagdagan ko pa ang aking ilaw. Bukas na ang lahat, maging sa ibaba at sa itaas. Nasilayan ulit ang kanyang mukha. Ngayon, naman ay ang kabuuan na. Tumapat sa kanyang mata ang sinag. Tinakpan niya ang kanyang mukha. Dito ko nabatid sa sarili na nasagap ko na nga ang atensyon niya. Tumingin siya sa kinatitirikan ko. Sigurado na ako ngayon dahil nakita kong naglalakad na siya papunta sa mga puno na nasa paligid ko. Hinahawi niya ang mga dahon. Sinusundan ang aking gabay. Ang bawat daanan niyang lupa ay nilalatagan ko ng aking ilaw para ihatid siya sa akin. Nasa harap na siya ng aking pintuan. Binuksan ko ang daan. Pumasok siya at isinara ko ulit ito.

“Tao po? Me’ tao po ba rito?”

Nakakatuwa ang tinig ng kanyang boses.. maliit pero malamig at malambing na boses. Nakita ko na rin ng malapitan ang kanyang mga matang mapupungay pala, pati ang kanyang matangos na ilong. Pinahanginan ko ang aking loob, nagsayawan ang mga malinis na kurtina sa aking kabibeng mga mata. Pinatugtog ko ang plaka na may tunog ng isang orchestra, nilakasan ko ito para matabunan ng sadya ang magulong musika sa labas.

Halika.. ‘Wag kang matakot aking prinsesa..

Mula sa kanyang likuran ay ipinalutang at ibinalabal ko ang isang malinis na puting kumot sa kanyang katawan. Palingun-lingon siya sa kawalan kung saan mga gamit na luma lang ang nakapaligid sa kanya na puro nangingintab sa linis. Wala ring makikitang agiw sa kisame.

“Na’san ka? Ba’t hindi kita makita?”

Sa may hagdan ko ay nagpalabas ako ng isang alitaptap. Bumaba ito patungo sa kanya, hanggang malapit na malapit na sa kanyang mukha. Bigla ko itong pinalipad pabalik ng hagdan.

Halika.. Sumunod ka..

Umakyat siya pataas. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa telang puti na nakabalabal sa kanya.

“Sino ka ba? Magpakilala ka naman. Ako nga pala si Shane. Anong pangalan mo?”

Inihatid ko siya sa aking silid-tulugan. Isinara ko ang pintuan. Marami akong inilagay na naka-basket na mga pulang rosas sa katre, sa sahig, sa lamesa.. sa buong paligid. Tumigil ang aking alitaptap sa harapan niya. Unti-unting lumaki ang liwanag nito. Kasabay din nito ang paglakas ng musika ng orchestra. Hanggang tuluyan na itong lumaki at naging anyong tao.. babae.. nakabistidang puti.. mahaba ang buhok.. ang espiritu ko. Nakita kong namungay ang kanyang mga mata at nasilayan ko ang maganda niyang ngiti. Bigla akong naglaho na parang usok na namumuyo pa sa pag-ikot bago mawala.

“Na’san ka na?”

Nagpakita ulit ako ng sobrang lapit sa kanya.. mukha sa mukha. Nawala muli. Nagpakita muli. Paikut-ikot ako sa kanya. Palingun-lingon naman siya para habulin ang aking kaluluwa. Tumigil ako sa kanyang harapan.. mukha sa mukha muli. Hinalikan ko siya sa labi. Nakangiti ang kanyang mga matang natatakpan na ng kanyang mahahabang pilik, at bumaon ang dalawang biloy sa kanyang magkabilang pisngi. Nawala ako muli.

Bumukas ang pinto. Nawala ang musika. Tumigil ang ihip ng hangin na nagpapasayaw din sa kanyang buhok. Ano kayang gagawin niya?

Umupo siya sa katre. Dumampot ng isang rosas at sabay inamoy ito. Nakita kong seryoso ang kanyang mukha. Nakatapat siya sa harapan ng aparador na may salamin. Lumapit siya rito habang hawak pa rin ang bulaklak. Inilalapit niya ito ng dahan-dahan sa salamin. Matagal siyang nakapwesto ng ganito, wala namang nangyayaring kaka-iba. Hinawakan niya ang salamin.

Mainit na ang ulunan kong yero. Wala na ang ingay ng musikang magulo at mga tao. Ibinaling ko ang aking tingin sa aking looban. Natagpuan ko si Shane, natutulog sa aking katre. Nakatingin sa kanya ang kahawig niya. Binulabog siya at hinihila palabas. Nilalabanan niya ang pwersa nito pero nabigo siya. Nalaglag ang puting tela sa lapag. Dala-dala pa rin niya ang rosas na hawak niya kagabi pa. Nakita ko sa aking labas ang kanilang sakayan. Nandoon ang mga nangtataboy sa kanya, pati ang lalaking naka-akbay sa kahawig niya ay nag-hagis sa kanya ng balabal. Umakyat ang magkahawig sa loob ng sakayan. Muli, naiwan ako mag-isa. Napatingin ako sa mga rosas, ang naiwang ala-ala ni Shane. Pero.. bigla akong napa-isip. Dala niya ang isang bahagi ko, ang isang rosas. Hawak niya iyon kagabi habang nakaharap sa salamin. Bumuka ang kanyang bibig pero hindi ko pinansin ang kanyang sinabi. Ano nga bang sinabi niya? Kailangan ko iyong maalala. Napapikit pa nga siya habang nagsasalita noon.

“Sana pagkatapos ng gabing ito, makasama pa rin kita dahil alam kong kailangan mo ‘ko. ‘Wag kang mag-alala. Tutulungan kita.”

Nagkorteng alitaptap muli ako. Pumunta ako sa labas ng bahay o katawan ko. Ang taas ng araw. Lumipad ako patungo sa daanang patag. Hinabol ang sakayan nina Shane.

WAKAS.

BIFEMALE: SHORT STORIESWhere stories live. Discover now