࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Kung may maipagpapasalamat akong bagay sa aking parusa, ito ay kasama ko pa rin ang aking lingkod na si Ria. Pagkarating ko sa silid matapos ang pagkikita namin ni Alexis ay agad niya akong pinaliguan at binihisan ng gintong bestida. Tinrabaho niya ang aking mukha-pinagmumukha akong isang tunay na prinsesa ng Khragnas.

Prinsesa? isip ko. Isa akong alay.

Tsokolateng buhok na may pagka-blonde at kulay tansong mga mata-mukha pa rin akong ordinaryo. Noon pa man ay wala namang kaakit-akit sa akin. Talaga bang magiging maganda akong regalo sa bagong Hari ng Anja?

Nang matapos ang huling tirintas na elegante sa aking buhok, nagtama ang aming mata sa salamin. Huminga siya nang malalim. "Binibini, kung narito lamang ang dukesang Avis, alam kong gagawin niya ang lahat upang hindi ito matuloy."

Si Dukesang Avis ang tumayong pangalawa kong ina pagkatapos mamatay ng aking inang konsorte sampung taon ang nakakaraan sa kanyang higaan. Ngunit ngayon ay wala siya sa Khragnas dahil sa personal na rason. Kung ano iyon ay walang nakakaalam.

Wala siya ngayong pinaka-kailangan ko siya. Pinigilan kong maiyak. "Siguro nga."

Naglagay ng kamay si Ria sa aking balikat. "Ngumiti na kayo, Binibini. Baka naman tsismis lang ang naririnig niyo tungkol sa ginoong pakakasalan niyo." Nanlamig ako. "Baka naman hindi siya kasing-sama ng iniisip nating lahat."

Kaius.

Si Ginoong Kaius ng Morgana, ang pumatay kay Haring Exequiel. Noon pa man ay kilala na ang kanyang pangalan bilang katangi-tanging indibidwal.

Nagwagi siya sa mga pretihiyosong mga kompetisyon sa buong emperyo-tinalo pati ang pinakamabagsik sa labanan at ang pinakamatalino sa palaisipan. Tinatayang isang libo ang napatay niya sa ekspedisyon ng Anja sa malayong mga bansa sa kabilang panig ng mundo; mag-isa. Ang binatang tinawag na 'Ahas' dahil sa paggapang niya mula sa mababang ranggo ng militar tungo sa kinatatakutang posisyon gamit ng kanyang bagsik.

"Ginawa ng Emperador ang Banal na Tipan upang maiwasan ang coup d'état at asasinasyon sa mga namumunong monarkiya sa tatlong kaharian," usal ko. "Bago mo pa man mapatay ang isang tagapamuno, kikitilin na mismo ng sumpa ang iyong buhay kaya paano. . ."

Paano nagawa ni Kaius ang imposible?

"Naroon ako, Ria." Tila nagmamakaawa ang mga mata ko. "Noong sumumpa siya kay Haring Exequiel kasama ng kuya niyang si Cian. Hindi ko maintindihan. . ."

Paano ko pipilitin ang sarili kong lunukin ang takot? Takot-hindi ba iyon ang dahilan kaya't walang dalaga ang nais maging Reyna ng Anja?

Wala. Ni isang babae-kahit ang pinakamagagaling na binibini ng palasyo o ang mga prinsesa kong kapatid-hindi sila nagpaunlak sa paghahanap ng mapapangasawa ni Kaius. Naiintindihan ko sila; kung kaya niyang kitilin ang kanyang sinumpaan, pano pa kaya ang kanyang pakakasalan?

At ako-ako ang alay nila.

Ako ang inatasan sa tungkuling ito. Ang sakripisyong kambing sa lobong gutom. Ang babaeng susunugin upang ialay sa mga diyos. Ang dugo ko para sa kaligtasan nilang lahat.

Anja I: KhragnaWhere stories live. Discover now