I

433 11 0
                                    

AGAD na bumangon si Victoria nang mapansin niyang wala sa kanyang tabi si Edmundo.
"Saan naman kaya siya pupunta ng ganito kaaga?" inis niyang sabi nang mapansin niyang mag-aala-singko pa lamang ng madaling araw. Mabilis siyang lumabas sa kanilang kuwarto upang hanapin ito.
Halos mag-iisang buwan na rin silang magkasama ni Edmundo sa kanyang mansyon mula nang hilingin niyang makapiling ito nang lubusan.
"Brenda, nakita mo ba si Ed?" usisa niya sa isang katulong na kanyang nakasalubong nang makababa siya sa hagdan.
"Hindi po, Miss Victoria," sagot nito at nagpatuloy na sa paglilinis doon.
"Hindi man lang siya nagpaalam bago umalis," gigil pa niyang sabi habang mabilis na naglalakad patungo sa kanilang kusina. Naisip niyang magpahanda na lamang ng almusal kaysa mapagod sa paghahanap sa lalaking iyon.
"Good morning po, Miss Victoria," halos magkasabay na bati sa kanya nina Manang Saling at Melody.
Hindi na niya pinansin pa ang mga ito at dumiretso sa refrigerator upang kumuha ng fresh orange juice.
"Napansin n'yo bang umalis si Ed?" usisa pa rin niya sa mga ito nang makainom siya ng juice.
"Hindi---" Hindi na niya pinatapos pa ang sasabihin ni Manang Saling dahil mas lalo lamang siyang nainis kay Edmundo.
Kapag nalaman ko lang na niloloko mo 'ko, magbabago ang laman ng puso ko, giit niya sa kanyang isipan.
Kahit paano unti-unti nang nahuhulog ang kanyang loob kay Edmundo pero mababalewala iyon kapag nalaman niyang niloloko lang siya nito.
Palapit na siya sa kanilang kuwarto nang makasalubong niya ang kanyang asawa. "Kanina pa kita hinahanap," nakangiti pa nitong sabi kaya agad na nagsalubong ang kanyang mga kilay.
"Ako ang dapat magsabi no'n sa 'yo dahil wala ka na nang magising ako," giit niya.
"Sorry." Hindi na niya pinakinggan pa ang sinabi ni Edmundo dahil mabilis siyang pumasok sa kanilang kuwarto at ikinandado ang pinto niyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang halos mapuno ng mga talulot ng pula at puting rosas ang kanilang kama.
"Ano'ng ibig sabihin nito, Ed?" naiiyak niyang tanong nang pagbuksan niya ito ng pinto.
"Sorry," nakangiti pa ring sagot ni Edmundo. Mahigpit pa siyang niyakap nito matapos punasan ang kanyang mga luha, "Gusto sana kitang surpresahin pero---" malungkot pang paliwanag nito habang hinahaplos ang kanyang likod.
"Pero ano?"
"Pero hindi ko---"
Nagulat siya nang biglang kumalas sa kanyang mga bisig si Edmundo. Lumapit ito sa kanilang kama at may isang maliit na bagay na kinuha sa pinakagitna niyon.
"Will you marry me, my Victoria?" Muli siyang napaiyak nang lumuhod ito sa kanyang harapan at binigkas ang mga katagang iyon, habang hawak ang isang maliit na kahong may lamang singsing. "Will you be mine for a lifetime?"
Masyado mang mabilis ang kanilang relasyon, aaminin niyang minahal na niya nang totoo si Edmundo. Simula nang mapagtanto niya iyon ay hindi na siya pumasok pa sa kanyang sikretong santuwaryo. Inalis na niya ang malaking painting sa kanilang kuwarto at tuluyang isinara ang lagusang naroon. Nakapagdesisyon na rin siyang isantabi ang pag-aasam niyang mapabilang ito sa kanyang mga koleksyon.
"I will. I will marry you, Ed," nakangiti niyang sagot kaya sa sobrang kaligayahan ay muling siyang niyakap ni Edmundo at sinamsam ang kanyang mga labi.
I will be yours, for a lifetime.

APRIL 20, 2016 ginanap ang pag-iisang dibdib nina Victoria at Edmundo sa Sta. Clara Cathedral sa Dasmariñas, Cavite. Pareho na silang ulila sa mga magulang kaya ang mga malalapit lamang nilang kaibigan ang nakadalo rito.
Nang araw ring iyon ay napag-alaman nilang apat na buwang buntis na si Victoria kaya mas lalo pang nag-umapaw ang kanilang kaligayahan. Ayon pa sa ultrasound, kambal na lalaki ang kanilang magiging mga anak.
"Mahal, ano'ng gusto mong ipangalan sa ating mga anak?" ani Victoria habang marahang hinahaplos ni Edmundo ang kanyang tiyan.
"Gusto kong ipangalan sa kanila ay Yohann at Yoseff," sagot nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Naglaho ang kanyang ngiti at saglit pa siyang natahimik dahil sa pagkabigla sa sinabi ni Edmundo pero hindi niya iyon ipinahalata rito.
"Gusto ko nang kakaibang pangalan kaya naisip ko na letter Y ang maging simula," paliwanag pa nito.
"Sige, 'yon ang ipapangalan natin sa kanila," aniya at muling ngumiti nang bahagya upang mapanatag ang loob nito. "Ed, puwede mo ba akong ikuha ng mansanas?" malambing pa niyang hiling upang mabago ang kanilang usapan, "Gusto ko, ikaw ang magbalat sa harap ko a."
"Sige, mahal ko. Babalik ako kaagad," sagot nito.
Muli niyang hinaplos nang marahan ang kanyang tiyan nang tuluyang makaalis si Edmundo sa kanilang kuwarto.
"Hanggang kailan mo ba 'ko guguluhin, Yoseff?"
Ito na ba ang kapalit ng ginawa niyang pagpatay rito? Gagambalain ba siya nito hanggang sa masira ang kanilang buhay? Hanggang sa malaman ni Edmundo ang kanyang mga kasalanan?
Nang una niyang makita si Yoseff ay agad niya itong pinagnasaan dahil sa maamo nitong mukha at matipunong pangangatawan. Inakit niya ito hanggang sa magkaroon sila ng relasyon upang magpakasasa siya sa katawan nito. Higit sa lahat, hindi naman niya minahal si Yoseff pero bakit hindi niya ito makalimutan kahit matagal na itong patay?
Bakit nga ba hindi kita makalimutan, Yoseff?
Bigla siyang napapikit nang muli niyang makita sa kanyang isipan ang nakangiting mukha ni Yoseff. Subalit sa isang iglap ay unti-unting nagbago ang mukha nito at naging si Edmundo.
Bakit minsan, ikaw ang nakikita ko kahit na si Ed ang kaharap ko?, naguguluhan niyang tanong sa kanyang sarili.
"Ano'ng iniisip mo, mahal?" Hindi niya napansing nakabalik na pala si Edmundo dahil sa malalim niyang pag-iisip.
"May naalala lang ako," matipid niyang sagot. Hindi na ito nag-usisa pa at agad na naupo sa kanilang kama.
Nang magsimulang magbalat ng mga mansanas si Edmundo ay palihim niyang pinagmasdan ang kabuuan ng mukha nito.
Bakit nga ba kayo magkahawig ni Yoseff? Sana hindi mo na malaman pa ang tungkol sa kanya, lalo na ang mga lihim ko.
Higit sa lahat, sana hindi ako nagkamali sa pagmamahal ko sa 'yo...
"Okay ka lang ba talaga, mahal?" Muli nitong puna sa kanya matapos siyang subuan ng isang hiwa ng mansanas.
Marahan siyang tumango at ngumiti nang bahagya upang mapanatag ang loob nito.

Koleksiyon Series 1: Victoria AvilaWhere stories live. Discover now