Nagseryoso ng mukha ang binata. "Ang huwag ka lamang mapunta sa mga kamay ni Heigro ay malaking tulong na iyon sa amin. Kung ayaw mong sumali sa sigalot namin, ayos lang basta't huwag lang mapunta kay Heigro ang mga kapangyarihan mo." Bumalik ito sa ginagawa at dagling nanahimik.

Nilingon ni Amerie ang kasama at agad niyang nadama ang pananamlay nito. Batid niyang nasaktan ito sa ipinaramdam niyang kawalan ng interes na tumulong sa mga Gadians. Medyo bumigat din ang dibdib niya dahil sa seryosong reaksiyon ng binata. Bagamat may lihim na intensiyon ang paglapit nito sa kanya ngunit maliban dito ay wala na siyang ibang nakitang masama sa pagkatao ng lalaki. Si Hector ang unang Gadian na nakilala niya kaya kasabay ng desisyon sa pagsama sa lugar nito ay ang pagtanggap na dapat niya na itong ituring bilang totoong kaibigan.

Nangalumbaba siya at ngumiti habang pinagmamasdan ang binata sa pag-iimpake. "Yung kapangyarihan mo, kaninong bathala nagmula?" maaliwalas na tono niya upang bawasan ang kaseryosohan ng kasama.

Kunot-noong tumingin sa kanya ang kausap. " Sigurado kang kailangan ko pang sagutin yan?" Itinuro ulit nito ang ulo. " Hindi mo pa ba nakukuha lahat ng impormasyon mula dito?" ngisi nito.

"Hindi. Marunong naman ako magbigay ng limitasyon sa kapangyarihan ko."

Sinungaling.

Hindi ako nagsisinungaling! Mabilis na sagot niya sa isipan matapos marinig ang iniisip ng binata.

Kita mo na narinig mo agad ang laman ng utak ko.

Huwag na nga lang! Simangot niya sabay alis ng tingin sa kasama. Nanahimik na lamang siya ng ilang sandali habang muling nalilito ang dibdib kung aalis o mananatili sa poder ni Bradley.

"Nagmula ako sa lahi ni Poseidon, Athena at Hermes." Biglang salita ni Hector matapos dumaan ang ilang minutong katahimikan. "Pinakamalakas kong kapangyarihan ang kakayahang mag-utos sa anumang anyong tubig na namana ko sa bathalang Posiedon."

May bahid ng pagtatampong  tiningnan niya muna ang lalaki bago ito sagutin. Dapat niya na ring sanayin ang sarili sa pagiging sarkastiko, suplado at maangas ng kausap. Kelan niya ba ito nakausap ng walang yabang sa katawan?

"Ang tatay mo ang pinuno ng Gadians. Siguro ang angkan niyo ang pinakamakapangyarihan," komento niya.

Tinawanan siya ng lalaki. "Hindi mo niyo ba pinag-aralan ang Greek Mythology sa klase?"

"Pinag-aralan!" mabilis na sagot niya.

"Kung ganun dapat alam mong ang angkan ni Zeus ang pinakamakapangyarihan," pambabara ng binata.

"Malay ko ba kung habang nagpapalit ng henerasyon ay nagkakaroon ng pagbabago sa mga namamanang kakayahan!"depensa niya. "Tsaka si Athena... ano... anak ni Zeus yun ah! Kaya galing ka rin sa lahi ni Zeus."

"May sariling mga abilidad si Athena. At ang mga kapangyarihan niya lang na yun ang tanging naipapasa niya sa kanyang lahi," paliwanag ni Hector.

"Kung ganun nasan na ang lahing taglay ang kapangyarihan ni Zeus?"

"Naputol na. Ang dating pinunong si Calibun ang kaisa-isang Gadian na nagtataglay ng ilan sa mga kapangyarihan ni Zeus ngunit namatay siya nang hindi man lamang nagkaanak."

"Ah..." tango ni Amerie. "Ano-ano ba ang mga kapangyarihan ni Zeus?"

Salubong ang mga kilay na binuhat ni Hector ang military backpack at nakukulitang ngumisi sa dalaga. "Tara na! Pagdating sa Laguerto isa-isa mong pasukin ang isip ng bawat Gadian kung gusto mong maintindihan ang kasaysayan ng aming angkan... o di kaya dumaan muna tayo ng aklatan at ibibili kita ng libro tungkol sa mga bathala," sabay naglakad siya papalabas ng bahay.

Shadow LadyWhere stories live. Discover now