Tiningnan ni Clyde si Kurt na tila inoobserbahan niya ang mukha nito. "Lakas nito maka-criticize. Alam mo bagay kang maging artista kaysa basketball player. May itsura ka, pero hindi nga lang marunong umarte."

"Gusto mong sapok?" Halatang naasar si Kurt sa sinabi ni Clyde.

Pero tila hindi naaapektuhan si Clyde sa pagpapakita ni Kurt sa kaniya ng pagkairita. Nagawa pa ngang ngumisi ni Clyde na siyang ikagulat ko. Ganito na yata talaga sila ka-close rito.

Tumagal nang ilang segundo ang titigan nila nang putulin ito ni Martin. "Kent, gising ka na pala?" Nasa kusina si Martin, nagluluto siya ng agahan.

Lahat sila ay napatingin tuloy sa akin. Pakiramdam ko ay para akong isang spy na nagmamasid lang sa kanila at bigla na lang nahuli sa ginagawa ko. Napangiti na lang ako at saka naglakad palabas ng kuwarto.

"Good morning," bati ko sa kanila.

Dumiretso ako sa sala at umupo ako malapit kay Clyde. Napansin ko na naputol na yung usapan nila ni Kurt kanina lang dahil naglabas siya ng isang libro mula sa tabi niya. Nabasa ko kung ano ang title nito at nalaman ko na isa pala iyong katha ni Bob Ong. Ang Paboritong Aklat Ni Hudas.

"Mukhang puyat ka a?" napatingin ako kay Reinald, nasa dining table siya habang may sinusulat siya sa librong nakapatong sa mesa. Makapal ito at nakita ko ang ilang mga drawing na nakalagay doon.

Napakamot tuloy ako ng ulo. "Oo nga e, hindi ko pa rin kasi makalimutan yung nangyari kagabi. Napuyat ako kakaisip kung sino yung taong 'yon."

"Masanay ka na lang, Kent." Usal ni Kurt. Bahagya siyang umurong paharap para muling damputin ang remote control sa ilalim ng center table at nang makuha niya iyon ay saka niya binuhay ang telebisyon.

Nakita kong nakahinga si Kurt nang maluwag nang makita niyang hindi na entertainment news ang nasa balita.

"Pero hindi ibig sabihin na masanay ka ay hahayaan mo na lang na mangyari 'yon," sabi ni Reinald, pinaglalaruan niya naman ngayon sa kaniyang kanang kamay ang isang lapis na bagong tasa pa.

Tumingin si Kurt sa kaniya at napakibit-balikat siya. "Ano pa nga bang magagawa natin? Gaya nga ng sabi ko, wala tayong magagawa dahil kahit na ang management ng dormitoryo na 'to e wala ring maisip na solusyon tungkol sa magna na 'yon." Bumuntong-hininga siya na tila nawalan na siya ng pag-asa.

"Bakit ba kasi hindi nila mahuli?" tanong ko sa kaniya.

"Ilang beses na kaming humingi ng tulong sa kanila, pero puro na lang 'paki-lock na lang ang pinto nang maayos' ang sagot nila. Parang nagka-kawaling-tenga–"

"Nagte-tengang-kawali, Kurt. Basic na basic." Pagsabat ni Clyde habang abala siya sa binabasa niyang libro.

Mabuti na lang hindi naasar si Kurt. Napakibit-balikat na lang siya at napailing na lang. "Ah, basta 'yon na 'yon. Hindi nila tayo pinapakinggan."

"Pinakikinggan naman nila tayo guys. Pero hindi lang talaga nila alam kung paano mahuli yung magnanakaw na 'yon. Kahit nga tayo, hindi tayo makaisip ng paraan kung paano natin siya mahuhuli e." sabi ni Martin, sunod na narinig ko sa kusina ang kumukulong mantika habang kasalukuyang nagpiprito si Martin.

"Problema sa inyo hilig ninyong kumontra. Pero basta, ako, wala akong magagawa tungkol sa taong 'yon. Bahala siya hanggang sa mapagod siya, sinasayang lang niya ang oras niya. Pero kapag talaga natiyempuhan ko siya? Siguradong matitikman niya 'tong kamao ko." Ikinuyom ni Kurt ang kamay niya.

"Masarap ba 'yan? Patikim nga," sabi pa ni Clyde, habang nakangisi.

"Lapit ka rito."

"Ano ako? Uto?"

DormisteryoWhere stories live. Discover now