Matapos no'n ay sumilip naman ako sa banyo nila at natuwa ako dahil malinis ito. Yari sa tiles ang sahig maging ang pader. Napansin ko rin ang mabangong amoy na nagmumula sa isang air freshener na ipinatong nila sa maliit na bintana sa itaas na bahagi ng pader sa gawing kaliwa, amoy lemon ang samyo nito. Tinanong ko si Reinald kung saan sila naliligo at ang sagot niya ay may public bathroom sila sa labas kung saan naliligo ang mga dormer dito pero kung gusto nilang nakahiwalay, may banyo pa rin naman sila rito sa loob.

May dalawang medium-sized room ang unit 16. Yung isa ay ginawa nilang recreation room habang yung isa naman ang ginawa nilang silid-tulugan. Doon nila inilagay ang dalawang double-decker na kama kung saan sila natutulog. Nakita ko rin ang sinasabi nilang mga personal na kabinet na pagmamay-ari nila, may mga pangalan ang bawat isa rito at masasabi kong maayos nila itong inasikaso.

Ang salas naman ang siyang may pinakamalaking espasyo rito sa unit 16. Kumasya rito ang living room set, may sofa, may bilugang center table sa gitna na yari pa sa transparent glass. Makikita naman sa harapan ang isang flat screen television kung saan laging nanunuod si Kurt ng basketball sa isang sports channel. Bukod dito, may shelf naman ng mga libro si Clyde sa isang sulok kung saan niya itinatabi nang maayos ang mga paborito niyang koleksiyon ng mga nobela at textbooks.

Doon ko nakita na iba-iba talaga ang hilig nila rito.

Sa loob ng unit 16 ay may kaniya-kaniyang puwesto ang bawat isa. Si Martin na mahilig magluto ang siyang laging nasa kusina, si Clyde naman sa salas habang nagbabasa ng mga paboritong libro niya, si Kurt naman sa veranda habang tumatakbo sa treadmill at kadalasang nagwo-workout, at si Reinald naman ang laging nasa recreational room kung saan lagi siyang nagdo-drawing ng kung ano-anong bagay na pumasok sa isipan niya.

Ginabi na nga rin ako bago ako tuluyang nakatulog, masyado rin kasi akong naging abala para asikasuhin ang mga gamit ko. Yung mga school supplies ko, at maging ang mga damit ko ay isinalansan ko pa sa kabinet na nasa salas.

Tinawagan ko pa si mama para sabihin sa kaniya na nakahanap na ako ng isang maayos na dormitoryo. Sinabi ko na sa Dormisteryo ako nakatira at sabi niya ay dito raw talaga ako nababagay. Sinabihan niya rin ako na mag-ingat ako palagi at mag-aral nang mabuti. Matapos no'n ay naputol na ang tawag.

Doon ko na tuluyang napagdesisyunang matulog na lamang.

~~~

Nagising na lang akong bigla nang may naramdaman akong pagkauhaw. Hindi kasi ako uminom ng tubig bago ako matulog kagabi, ganito palagi ang nangyayari sa akin sa tuwing nakukulangan ako ng tubig sa katawan.

Natutulog na silang apat nang mahimbing sa dalawang magkatapat na double-deck na kama habang ako naman ay nakahiga sa isang simpleng kutson na nakalatag sa gitna nito.

Mula rito, kitang-kita ko kung gaano kahimbing ang tulog nila, si Kurt ay nakadapa sa upper bunker habang nakalaylay ang kaliwang kamay sa gilid, sa ibaba naman niya ay si Reinald na nakatalikod sa akin habang nakabaluktot. Sina Clyde at Martin naman ay natutulog ng tahimik sa kanilang mga higaan.

Bumangon ako upang magtungo sa kusina para uminom ng malamig na tubig. Habang naglalakad ako ay may napansin ako na nakakalat sa sahig, madilim pa kaya binuhay ko muna ang ilaw.

Ang bagay na nakita ko ay mga damit lang pala na nagkalat sa sahig—teka, akin 'tong mga damit na 'to ah!

Agad akong nagtungo sa kabinet ko. Tama ako! May nangialam nga ng mga gamit ko! Sino naman kaya ang gagawa nito? At ang masama, wala na ang ilan sa mga brief ko! Oh come on! Hindi naman kaya nabiktima ako ng sinasabi nilang 'brief thief'?

"Guys!" sigaw ko na agad na pumukaw sa atensiyon nilang lahat.

Lumabas sila ng kuwarto at nadatnan nila akong nakaluhod sa sahig habang nakatingin sa mga gamit kong tila hinalungkat ng kung sinuman, dahan-dahan ko pang pinulot ang ilan sa mga damit na malapit sa akin.

DormisteryoWhere stories live. Discover now