KABANATA 30: MGA BINALIKAN

Start from the beginning
                                    

Naisip niya ang kabuktutan ni Buhawan. Naisip niya si Alangkaw—na sana'y magkasundo-sundo na silang lahat sa Gabun. Naisip niya ang mga ekik at wakwak na nakasagupa niya. Naisip niya ang pagtungo ni Tracy sa Gabun. Naisip din niya ang kanyang ina na nagsakripisyo—na buhay nito ang ipinalit sa kanila. At si Maura, ang kampon ni Buhawan na nagtago ng isa sa mga Ginto ng Buhay.

Nanatiling tahimik sa loob ng classroom si Moymoy. Namalayan niya na pumasok ang kanilang teacher na si Miss Vergara. Ito man ay natigilan nang makita siya sa klase. Tahimik itong nagtungo at umupo sa kanyang mesa. Marahang kinuha ang notebook ng kanyang teacher at nagbigay ng seatwork sa kanila. Tumingin saglit sa kanya at binuksan ang notebook at nagsulat.

Sa malaking bintana, natanaw ni Moymoy si Mang Pekto. Sisipol-sipol ito habang nagma-mop ng sahig ng balkonahe ng eskuwelahan.

Kagabi, nang magpunta siyang muli sa Salikot, si Mang Pekto ang sumalubong sa kanya, nakangiting nakasalubong ito sa kanya nang buksan ang pinto ng library. Bigla siyang niyakap. "Congratulations, Moymoy! Nabawi mo raw ang isa sa mga Ginto ng Buhay!"

Ngumiti lamang si Moymoy at nagsabing, gusto niyang magtungo sa Salikot.

"By all means!" sabi ni Mang Pekto.

Muli na naman niyang nakitang pumapapak ng isang pata ng baboy si Mang Pekto.

"Mang Pekto," sabi ni Moymoy, "puwede po bang magtanong?"

"Ano 'yon, Moymoy? Basta ikaw." Naroon pa rin ang magiliw na mukha ni Mang Pekto.

"Wakwak po ba kayo?"

"Oo."

"Bakit iba kayo sa mga wakwak na nakita ko? Bakit—"

Hindi matuloy ni Moymoy ag sinasabi—hindi siya makaapuhap ng tamang salita para itanong ang gusto niyang itanong kay Mang Pekto tungkol sa mga wakwak na nakasagupa.

"Iba-iba kami. Kahit mga buntawi, iba-iba. Iba-iba ang anyo. Iba-iba ang ugali," patuloy na pinapapak ang pata ng baboy kahit na halos lumobo ang pisngi ni Mang Pekto.

Nang makarating si Moymoy sa Salikot, muli, isang mainit na pagsalubong ang hinandog sa kanya sa pangunguna ni Lola Joy. Nagliparan ang mga aswang, manananggal, at iba pang mga tibaro. Nagkaroon ng sayawan, tugtugan, at naghanda ng maraming pagkain.

Sinalubong siya nina Luigi at Carla.

"Maraming salamat sa inyong dalawa," nakangiting salubong din ni Moymoy sa magkapatid. "Maraming salamat sa tulong ninyo."

"Walang ano man," sabi ni Carla.

"Moymoy," sabi ni Luigi. "Sa susunod sasama na kami sa Gabun a. Gusto kong makita kung gaano ka kagaling!"

"Kung papayagan kayo ng Mommy niyo," sagot ni Moymoy.

"Moymoy, maligayang pagdating."

Isang malumanay na tinig iyon na nanggagaling kay Lea.

"Aling Lea, puwede ko po ba kayong makausap?"

Nagpaunlak si Lea.

"Nalalaman ko na po ang tungkol sa kagaya ninyong kadwa. Sa Gabun, naroon sa tinatawag na Bahay Labwad ang lahat ng mga kadwa. Sabi ng tagabantay doon na si Ingkong Dakal, lahat daw ng mga kadwa ay narito sa Amalao. Binura ang alaala ninyong lahat para hindi malaman ang lahat ng nakalipas ninyo sa Gabun. Totoo ngang may mga kadwa na gaya niyo."

"Ganoon ba? Kung gayon, darating din ang araw na malalaman ko ang lahat—kung sino ako, at kung bakit may kapangyarihan ako na wala ang mga tao."

"Maaari po," sagot ni Moymoy.

MAAGA NG ISANG oras sila dinismiss ni Miss Vergara sa kanilang klase. Nagdahilan ang teacher na masama ang pakiramdam niya. Pag-uwi ni Moymoy habang papalubog ang araw ay nadatnan niya ang kanyang Lolo Turing na naguluto.

"Wow, sarap 'Lo! Sinampalukang manok!"

"Yes, apo," sabi ni Lolo Turing.

Mula sa pintuan, iniluwa nito si Tracy na kagagaling lang sa trabaho.

"Ma!"

"Moymoy, magbibihis lang ako. Kapag natapos sa pagluluto si Lolo Turing, kakain tayo nang sabay-sabay a."

Papasok n asana sa kuwarto si Tracy naang bumaling ito sa dalawa. "Moymoy, ikaw naku samantalahin mo habangh hindi pa lubog ang araw, okay si Lolo."

"Oo nga, Ma!"

Umupo sa may mesa si Moymoy habang masayang pinapanood si Lolo Turing na nagluluto ng sinampalukang manok.

"'Yang Mama mo," sabi ni Lolo Turing habang tinitikman sa sandok ang sabaw ng niluluto, "lagi niya akong iniiwan. Ikaw rin, lagi kayong wala sa bahay. Si Bella naman. 'Yang tiya mo, hindi na nagpakita. Hindi na bumalik mula probinsiya."

"Kumusta naman kayo 'Lo?"

"Okay! Malakas pa ako sa kalabaw. Aba'y pinababantay ako ng Mama mo ke Siyanang kapag umaalis kayo, e malakas pa ako sa kumag na 'yon!"

"Gano'n ba, 'Lo?"

Napatingin si Moymoy sa cell phone ni Tracy na iniwang nakapatong sa mesa. Dinampot niya iyon. Sinubukan niyang mag-selfie.

"Okay pala 'ta," napabulong na sabi nang makita ang kinunan sa sarili.

Ngumiti siya at nag-selfie pa. Iba't ibang mga pose. Hanggang sa mahagip ng cell phone ang labas ng bintana at nakita ang puno ng mangga na may makakapal na dahon. Napahinto si Moymoy at bumaling sa bintana.

Marahan niyang inilapag ang cell phone sa mesa at nagtungo sa labas ng bahay.

Pinagmasdan ni Moymoy ang puno ng mangga, mula itaas hanggang sa katawan nito. Napapaisip siya. Marahan siyang lumapit sa puno. Hinawakan niya ang katawan niyon. Akmang papasok na siya nang—

"Moymoy!"

Tinawag siya ni Tracy na kasalukuyang nakadungaw sa bintana.

"Sandali Ma! Babalik po ako kaagad..!"

Bigla, paghawak ni Moymoy sa puno ay hinayaan niya ang paghigop nito sa kanya.

Sa pinakamataas na burol ng Gabun; sa puno ng mangga na kamukha rin ng punong pinasukan ni Moymoy siya lumabas. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng Gabun—ang Malasimbo, ang kinaroronan ng Dalumdum at ang iba pang mga isla. Napasulyap sa kinaroronan ng Sibol at pagkatapos ay muling ibinalik ang paningin sa komunidad ng mga tibaro.

"Pinapangako ko, babawiin ko ang sumpa. Babawiin ko..."

Wala sa isip niyang sinabi ang mga salitang iyon. Lumabas sa kanyang bibig ang mga iyon nang hindi niya namalayan.

Inilinga niyang muli ang tingin sa paligid at pagkatapos ay tumalikod at muling pumasok sa puno.

WAKAS

�&�@���

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now