KABANATA 17: DAMDAMIN NG ISANG INA

1.5K 80 0
                                    



NAPABALIKWAS sa pagkakahiga si Liliw. Dagli siyang tumayo at binuksan ang pinto. Nilinga ang tingin. Gaya ng dati, ang mahabang pasilyo ng palasyo ang tumambad sa kanya—ang tahimik nitong anyo. Sa mga sandaling ito, muli ay may nararamdaman siyang kakaiba—may kirot sa kanyang dibdib na nararamdaman.

Marahang naglakad si Liliw sa mahabang pasilyong iyon.

"Bakit Liliw? Nagising ka sa ganitong oras ng gabi?"

Napalingon siya sa pinanggagalingan ng boses.

"Amihan?"

"Bakit, Liliw?"

"Nasa peligro ang mga anak ko."

"Si Moymoy? Si Alangkaw?"

Tumango si Liliw.

"Ganyan ba ang nararamdaman ng isang ina sa mga anak?"

Tumingin nang diretso si Liliw. Tumango. "Oo, matagal ko nang napatunayan 'yan sa sarili ko."

"Kapag tinulungan mo sila at nagpakita ka kahit na sino sa mga anak mo, nalalaman mo kung ano ang mangyayari—mamamatay sila."

"Alam ko, pero ako—alam mo bang handa kong ibigay ang buhay ko sa kanila?"

"Liliw?"

"Oo, ganoon ang isang ina. Nang isilang ko sila, nasa bingit ako ng kamatayan. Habag iniluluwal ko sila, iniisip ko na kahit mamatay ako, mabuhay lang ang sanggol na iniluluwal ko, maligaya na 'ko," malumanay na sabi ni Liliw.

Sumagot si Amihan. "Patay na si Buhawan, paano silang nasa peligro."

"Buhay ang birtud ni Buhawan, Amihan, baka nakakalimutan mo. Ano mang sandali puwede siyang mabuhay."

"Kanino? Kay Wayan? Hindi gagawin iyon ni Wayan."

"May kabutihan at ang kasamaan. Kapag nanaig ang kasamaan, puwedeng mangyari ang kinatatakutan ko."

"Pero naniniwala ka ba na si Moymoy ang babawi ng sumpa? Na siya ang magiging tagapagtanggol. Na siya ang hihiranging mandirigma ng mga tibaro?"

Tiningnan nang diretso ni Liliw si Amihan at ngumiti.

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon