KABANATA 24: ISA SA MGA GINTO NG BUHAY

Start from the beginning
                                    

Saglit niyang nakalimutan ang takot nang makita ang nagniningning na Ginto ng Buhay. Nang maisip niyang nasa peligro ang ginto, bigla niyang tiningnan ang bintana at sinuguradong sarado ang mga rehas nito. Sumandal siya sa pader at parang bigla niyang naramdaman ngayon ang matinding pagod. Nagpadausdos siya roon sa dingding habang tanaw niya ang buwan na natatakpan ng mga ulap hanggang sa tuluyan nang dumilim. Sa kanyang harapan ay naroon si Bruno—ang kanyang pinagkakatiwalaang tagabantay ng ginto na ipinagkaloob sa kanya ni Buhawan.

"Wala ba tayong kawala?" tanong ni Bruno kay Maura. "Ano mang oras ba darating si Moymoy?"

Tumango si Maura.

Bigla'y narinig ni Maura ang pagaspas ng mga pakpak. Napatayo siya. Sa labas ng simbahan, nakita niya ang maraming mga ibon na nagliliparan. Dumapo sa malaking bintana ang isang ekik. May takot ang mukha.

"May paparating?" tanong ni Amorsa ekik.

Patuloy na nanlalalki ang mga mata ng ekik at umatungal.

"Sabihin mo sa mga kasama mong ekik, huwag nila akong iiwan. May labanang mangyayari."

Tumango ang ekik at lumipad palayo.

Pagkaalis ng ekik ay naghari ang katahimikan. Tiningnan niya ang paligid ng simboryo. Tiningnan niyang muli ang Ginto ng Buhay na lulutang-lutang. Pagkatapos ay natuon ang pansin niya sa isang maliit na ibon na dumapo sa bintana. Sumiyap iyon saglit at dahan-dahan ang ibon ay nag-iba ng anyo. Si Moymoy.

"Huminahon po kayo," sabi ni Moymoy nang makitang balisa si Maura.

"Anong huminahon?" sabad ni Bruno. "Kukunin mo ang ginto, bakit kailangang huminahon?"

Napakunot-noo si Moymoy nang makita si Bruno.

"Gusto mo 'kong makilala?" tanong ni Bruno.

Tumango si Moymoy.

Unti-unti, ang boses ni Bruno ay lumalim. "Huwag mo kong ismolin..."

Dahan-dahan nag-iba ng anyo si Bruno—ang tunay niyang anyo. Isang napakalaking damugong.

"Si Bruno," pagpapakilala ni Maura. "Si Bruno ang tagabantay ng Ginto ng Buhay. Isa siyang damugong."

Sa laki ni Bruno, hindi nagkasya ang katawan niya sa buong palapag kaya ang ibang parte ng katawan nito ay nakalabas sa isang bintana, nakapalupot sa buong tore. Nanatili ang ulo nito sa loob na nakaharap kay Moymoy.

"Hindi po ako nagpunta rito para makipag-away o makipaglaban sa inyo," paliwanag ni Moymoy. "Sana, ibigay niyo na sa akin ang ginto. Isosoli ko sa mga Apo. Sila ang talagang nagmamay-ari niyan."

"Hindi puwede," mariing sabi ni Maura.

Bigla'y dumapo ang isa pang ibon sa sahig at lumitaw ang tunay nitong anyo. Si Alangkaw.

"Bakit hindi puwede?" tanong ni Alangkaw.

Hindi makaapuhap ng sasabihin si Maura. Bigla'y sinunggaban niya ang Ginto ng Buhay at sumakay sa likuran ni Bruno.

Ibinuka ni Bruno ang dalawang pakpak at lumabas.

Bumaling si Maura kina Moymoy at Alangkaw. "Labanan na kung labanan! Hindi ko ito kayang ibigay!" Sa kanyang kamay ay mahigpit niyang hawak ang Ginto ng Buhay.

Akmag palipad na nang tuluyan siMaura habang sakay ni Bruno nang bumaling na muli kina Moymoy at Alangkaw. "Binabalaan ko kayo, marami akong alagad! Mga ekik at wakwak! Darating ang mga 'yon, kahit na anong oras!"

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now