Chapter Fifteen

Depuis le début
                                    

Tumingin si Yngrid sa pinsan. Sumunod ito na bumaba pagkatapos ng propesor, sinundan niya ito.

Halos katulad ng basement na unang nakita ni Yngrid nang magising siya, ang ayos ng basement ng propesor. Mas malaki lang ito nang kaunti at mas maliwanag. Halata na hindi ito napabayaan. Nagkalat ang mga charts sa pader. Maraming dokumentong nakapatong sa isang parihabang lamesa. May tatlong computer sets na may tig-tatlong screens. Mayroon ding mga malalaking makina na nakadikit sa isang bahagi ng pader.

"Kasama ako ng mga magulang mo sa pagbuo sa iyo noon, Yngrid. Pero sumuko ako," pahayag ng propesor. "Hindi ako naniniwala na kaya ng siyensiya ngayon na makalikha ng isang katulad mo. Pero heto ka, nakatayo at nagsasalita. Para kang isang buhay na tao."

"Professor, pwede ninyo na bang sagutin ngayon ang mga tanong ko?" tanong ni Andrew.

"Sa abot ng aking makakaya hijo, pipilitin kong sagutin ang lahat ng katanungan mo." Lumapit siya sa isang pintuan na yari sa metal. May pinindot itong password bago bumukas ang pinto. "Pasok tayo sa loob."

Isang malawak na silid ang bumati sa kanila nang makapasok sila sa loob. Pinaupo sila ng propesor sa itim na sofa.

"Welcome, Professor," narinig nila ang malumanay na boses ng isang babae.

Hinanap nina Andrew at Yngrid ang pinagmulan ng boses ngunit wala silang nakitang ibang kasama.

"Si Olivia, ang asawa ko. Namatay siya twenty years ago," sabi ng propesor. "Ginugol ko ang lahat ng oras ko para muli siyang buhayin sa loob ng isang super computer. Olivia, turn on the TV."

Sa isang iglap ay bumukas ang telebisyon sa harap nila.

"Olivia, three glasses of water please."

Makalipas ang ilang minuto, isang robot na hugis parihaba na may gulong na katulad sa tangke ang lumapit sa kanila. Bumukas ang tila pintuan nitong dibdib at mula roon ay kinuha ng propesor ang tatlong baso ng tubig.

"Thank you, Olivia."

"You are welcome, Professor."

"That's Henry VII. Assistant ni Olivia."

"Professor, please," tila ba nawawalan ng pasensya na sabi ni Andrew.

"Sorry, nadala ako," hinging paumanhin niya. "Matagal na rin kasi nang may dinala akong bisita rito. Alam mo naman na gustong gusto nating ipinagmamalaki ang mga naging projects natin. This is my legacy. Katulad ni Yngrid na legacy ng mga magulang niya. Pero hindi namin ito kayang ilabas at ipagmalaki sa publiko. Masyadong maraming mata ang nakamatyag. Lalo na sa mga magulang mo, hija. Kilala silang dalawa sa mundo ng science. Nangunguna sa mga scientists na nagco-conduct ng mga advance experiments. Pero ayon nga sa kasabihan, the higher you fly, the harder you fall."

"Hindi ko maintindihan, isa po ba sa mga kasamahan nila ang salarin? Isa sa mga scientists?"

"Worse hijo," sagot ng propesor. Uminom ito saglit ng tubig saka nagpatuloy. "Ano ang alam mo tungkol sa JD Project?"

Umiling si Andrew. "Hindi po yan nabanggit sa akin nina Tito."

"Nagtatrabaho kami sa iisang kompanya. Kasama nila ako sa mga research at experiments. Ang JD Project ay isang lihim na sektor ng pamahalaan. Maraming buhay ang nawala mapanatili lamang ang lihim na ito. Pinamamahalaan ito ni Vladimir Rosales."

Nahapit ni Andrew ang hininga. "V-Vladimir Rosales. Siya ang..."

Tumango ang propesor. "Ang secretary ng Department of National Defense ng bansang ito."

"Bakit? Ano ang kinalaman niya—ano ang kailangan niya?! Bakit niya ginawa ang lahat ng ito sa pamilya namin?!"

"Dahil kailangan nila si Yngrid!" sagot ng propesor. "Naiisip mo ba kung anong kapangyarihan ang makakamit ng bansang ito kung makakagawa sila ng napakaraming katulad ni Yngrid? Isang indestructible android! Gumagalaw, sumusunod sa utos nang walang pag-aalinlangan. Wala nang kailangan pang mamatay na sundalo. Mangunguna ang bansang ito sa labanan! Makokontrol ng militar ang mga rebelde! Pero ito rin ang magdadala ng gyera sa pagitan ng mga bansa. Magiging target ang Pilipinas at marami sa atin ang mamamatay!"

Sandaling nabalot ng katahimikan ang silid. Lahat ng sinabi ng propesor ay pinoproseso ng isip ni Andrew. Tahimik naman na nakikinig lang si Yngrid.

"Ito ang kapalit ng pagkabuhay ni Yngrid. Isang impyerno sa ibabaw ng lupa."




***AN

I am deeply sorry for not updating for almost two years!

I do love you guys, so please don't hate me. Hahaha! 

Thank you for waiting! v(^__^v")

Project: YngridOù les histoires vivent. Découvrez maintenant