Estudyanteng Arkitekto (dedication to all BSU Arki Students)

2.3K 13 7
                                    

Kapag nakakita ka ng mga estudyanteng mabibilis ang lakad, mapupungay ang mga mata at ang eyebags ay kitang kita, may dalang mahabang T-square, may hawak ng nakabilot na malaking papel na kulay puti, bitbit ang mga makakapal na folders, naka-backpack na nakausli ang dulo ng triangle,  nakaunipome na may nakasabit na maroon ID lace sa leeg, di ka nagkakamali, sila ang mga estudyanteng arkitekto. At ano ba ang mayroon sa kabila ng kanilang mga itsura?

Maraming nag-aaral upang magkaroon ng magandang trabaho at kumita ng malaking salapi. Isa na rito ang mga estudyanteng arkitekto. Sila ang mga kabataang nangangarap at nagsusumikap upang maging isang arkitekto o architect. Gaya ng ibang mga kurso, mahirap at hindi biro ang kailangang pagdaanan habang pinagaaralan ang kurso ng Batsilyer ng Agham sa Arkitektura. Limang taong pag-aaral at pagsusumikap, limang taong saya at hirap, limang taong puro plates ang kaharap. Ang umaga ay para sa pagaaral,at ang gabi naman ay para sa pagguhit. Narito ang ilang senaryo na kinakaharap ng mga estudyanteng arkitekto.

Kailangang matulog ng UMAGA at gumising ng maaga para hindi ma-late sa first subject at minsan kailangang madaliin ang paliligo at i-skip ang breakfast. Minsan kapag sinuswerte at tadhana ng kapalaran, masisiraan ang jeep na sinasakyan o kaya naman nagpapagasolina pa na nagdudulot ng pagka-late. Sa jeep na nakukuhang magreview, habang bumabyahe ay nagkakabisa, kung minsan, kailangang maging konduktor na taga abot ng bayad at sukli, kaya ang pagrereview ay nauudlot. At ang masaklap late ka na nga at walang nareview, nagkataon pa na ang first subject ay sa rooftop ng Roxas Hall, isang kalbaryo ang panikin ang limang palapag na may dalang T-square at Bristol board habang nagmamadali. Darating sa klase ng hinahabol ang hininga at dadatnan ang Prof na kakatapos lang mag-attendance. Aabutin ang test paper na puro enumeration at essay. Sa sumunod na klase, habang nakikinig, pilit binubukas ang pumipikit na mga mata at namumula ang braso sa kakakurot para di makatulog at ng maiwasan ang paghigab. Mamadaliing gawin ang assignments na nakalimutang gawin dahil sa dami ng mga dino-drawing. Ang bakanteng oras ay ginugugol sa library at computer shop upang magresearch at gumawa ng written report at reaction paper. Nililinis ang drawing tools bago magsimula ang design subject, apat hanggang limang oras na pagguhit at pagkukulay ng esquisse. Bago umuwi, dadaan sa hide-out, kung hindi sa Office Depot sa Pandayan ang tungo para bumili ng malaking bristol board at mala ginto na presyo ng drawing materials. Matatapos ang buong araw ng pagod ang katawan at pag-iisip. Hindi pa pala matatapos ang araw, may major plate pa na dapat tapusin, ang gabi ay araw para sa kanila. Ang araw ay bente kwatro oras, at ang gabi ay kapag naidlip ng limang minuto. Buong gabi pagninilayan ang plates, habang nagdodrawing, may background music at katabi ang kukutin para hindi antukin, pinapagana ang isip at katawan at ang tulog ay walang paglagyan. Pagkatapos ipikit ang mga mata, umaga na naman at magsisimula na ulit ang buong araw ng mga estudyanteng arkitekto. Limang araw sa loob ng isang linggo sila ay nasa BSU, at ang dalawang araw na dapat ay magpahinga, sila ay nasa bahay ng kaklase, gumagawa ng group plates. Kung hindi naman, sa Manila sila pakalat-kalat, dun sila nagreresearch. Ang mga estudyanteng ito ay hindi namamahay. Kahit saang bahay kaya nilang makisama dahil laging nakikituloy sa bahay ng may bahay para pagpuyatan ang group plates. At marami pang senaryo ang mayroon sa mga estudyanteng ito.

Kahit mahirap ang kanilang pinagdadaanan upang maabot ang kanilang pangarap, makikita mo pa rin silang nakangiti at masaya dahil hindi pahirap para sa kanila ang kanilang nararanasan. Parte ito upang maging isang matagumpay na Arkitekto, kung kaya’t ang bawat pagkakataon ay di sinasayang. Sa bawat pagpupuyat ay may disenyo at planong nagagawa, sa bawat pagrereview ay may exam na naipapasa, sa bawat pag-aaral ay may natututunan at nauunawaan, at sa bawat pagsisikap ay may naaabot na pangarap. Sa kabila ng kanilang nararanaan, ang importante ay naipapakita nila ang kanilang dedikasyon sa kurso ng Arkitektura.

Estudyanteng Arkitekto (dedication to all BSU Arki Students)Where stories live. Discover now