Prologue

21.7K 255 16
                                    


A PAGE FROM THE MEMOIRS OF AN OLD, INTERFERING, MEDDLING, MANIPULATIVE, SCHEMING---

ERASE, ERASE...HMM...

A PAGE FROM THE MEMOIRS OF NEMO ASERON, THE MOST LOVING AND CARING GRANDFATHER...

A man of my age has no need to fear death. Sa wakas, dumating na ang ika-walong dekada ko dito sa mundo. At salamat sa Diyos, naggawa ko na halos lahat ng pinangarap kong gawin sa buhay ko.

Subalit kung iniisip ng ilang taong nakakakilala sa akin na handa na akong mamaalam sa mundong ibabaw, nagkakamali sila. Bagamat nangungulila na ako sa aking pinakamamahal na asawang si Salome, titiisin ko na munang hindi kami magkitang muli sa kabilang buhay.

Sapagkat may misyon pa ako sa aking mga nalalabing apo na hanggang ngayon ay nananatiling nag-iisa sa buhay. Sa ngayon, masaya ako na nagtagumpay ang aking mga plano para sa apat kong apong sina Ravin, Simoun, Bastian at Giac. Ngunit mayroon pa akong nalalabing sampung apo na nangagailangan ng aking tulong upang mahanap nila ang kabiyak ng kanilang mga puso.

At para sa ngayon, si Flynn naman ang aking papatnubayan. Ang panganay na anak na ito ng aking pang-limang anak na si Frederic ay manang-mana sa kanyang ama sa kamanhidan. Bakit ko nasabi iyon? Aba'y nang sabihin kong malapit na akong sumunod sa lola niya kaya marapat lang na bigyan naman muna niya ako ng mga apo sa tuhod bago ako yumao, ang isinagot ba naman sa akin ay mabubuting tao lang daw ang maagang kinukuha ni Lord! At malamang daw maunahan pa niya ako sa pakikipag-reunion sa lola niya!

Kung hindi ba naman talaga mana sa ama niyang manhid at walang pakialam sa pangalan ng pamilya! Sa halip mag-asawa na siya at bigyan ako ng mga apo sa tuhod, mas pinipili pa ng batang iyon na aksayahin ang oras niya sa pagsusugal sa sarili niyang buhay sa kung anu-ano'ng mapanganib na sports at adventure na pinapasukan niya!

Kung tutuusin, mas nalalagay pa nga sa panganib ang buhay niya sa mga kinahihiligan niyang mga gawain kaysa sa buhay ng kapatid niyang si Ethan na isang undercover FBI agent. Para sa isang security specialist na dapat ang inaalala lang ay kung paano hindi mapapasok ng masasamang loob ang isang gusaling pag-aari ng kliyente nila, nakapagtatakang kadalasan ay injured siya. Bagay na hindi naman mangyayari kung titigilan na niya ang pagkahilig niya sa mga extreme sports niya!

Kung tutuusin, mas dumami pa nga ang mga pagkakataong nalagay sa panganib ang buhay niya ngayong sibilyan na lamang siya at hindi na miyembro ng Los Angeles Police Department. Sa loob ng apat na taon mula nang umalis siya sa serbisyo ay lampas na sa dalawampung mga daliri ko ang mga pagkakataong kamuntik-muntikan na siyang namatay.

Hindi ko gustong isiping may lihim siyang death wish

kaya madalas nangyayari ang mga bagay na iyon. Wala naman kasing dahilan para doon. Dahil sa pagkaka-alam ko ay hindi naman niya nobya si Kelly, ang kapatid ng dating partner niya na namatay apat na taon na ang nakakaraan.

Batid kong ang sarili niya ang sinisisi niya sa nangyari. Hindi lang kasi namatay si Kelly, nabaldado din ang partner niyang si Tyrell sa ginawang pagpapasabog sa kotse ng dalaga ng suspek na minsang inaresto niya at naghangad na maghiganti sa kanya. Sa isip niya siguro, tulad din iyon noong nangyari sa ina niya labing-dalawang taon na ang nakakaraan.

Hindi niya rin nailigtas ang magkapatid gaya nang hindi niya nailigtas ang kanyang ina mula sa holdupper na bumaril dito.

Kaya naman ngayon, palagay ko ay wala na siyang pag-iingat pang ginagawa para sa sariling buhay niya. I have a very bad feeling that it was his way of atoning for failing those people he loved.

Wala naman siyang pamilyang maiiwan. Iyon ang laging katwiran naman niya sa akin sa tuwing sinesermunan, este, sinasabihan ko siya at pinapaalalahanan na bawas-bawasan niya ang mga mapanganib na adbenturang pinapasukan niya.

Kung kaya naman kahit ang orihinal na plano ko sana ay si Joleen ang ihanap ng mapapangasawa, uunahin ko na muna siya. Dahil nangangamba akong maunahan pa nga niya akong makitang muli ang yumao niyang lola kung hindi ko siya bibigyan ng pamilyang aalagaan at magbibigay rason sa kanya para pag-ingatan ang buhay niya.

ASERON LOVERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon