Reunion by: Shenna

2.5K 25 1
                                    

Sinuot ko ang pinakamahal kung damit sapagkat ang araw na ito ay mahalaga para sa atin. Sa aking paghihintay, nilibot ko ang aking mata dahil siguro sa ito yung unang araw na magtatagpo ulit tayo. Marami ng dumalo na mga pamilyar na mukha na naging parte ng masayang nakaraan natin. Hinagilap ko kayo ngunit wala ni isa sa inyo ang kasalukuyang nandito, hanggang sa napako ang aking mga mata sa tatlong bagong dating.
Hindi ko lubos maitago ang aking kagalakan sa inyong pagdating. Alam kong sa nakalipas na taon ay hindi madaling pagsamahin ang mga mahal ko sa buhay. Sa paglapit niyo, unti-unting bumalik ang alaalang binuo natin. Ang pagkakaibigang sinubok ng mga problema. Sa paghinto niyo sa aking tapat biglang sumilay ang ngiti sa aking labi. Suot niyo lang naman ang paborito kong kulay, ang itim.
Ninais kong hagkan at yakapin kayo. Unti-unting nagbagsakan ang mga luhang pilit niyong pinigilang umagos. Ninais kong pawiin ang sakit at lumbay na inyong nadarama. Nilapag niyo na ang pabaon niyong bulaklak para sa akin. Ngumiti ako ng pilit kahit alam kong hindi niyo ako naririnig at ni hindi niyo ako nakikita. Sa aking pamamaalam, nais ko lang ipadama sa inyo ang pagpapasalamat sa pagpunta sa espesyal na okasyong ito para sa akin, ang aking libing.

DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon