Epilogue

46 0 0
                                    

Kung tatanungin ninyo ako kung nami-miss ko pa siya, ang sagot ko ay oo. Walang lumilipas na araw na hindi ko siya naaalala. Lagi ko ding tinitingnan ang photo album na sa ngayon ay halos kupas na ang mga litrato. Nakabisado ko na din ang sulat na iniwan sa akin ni Nadine dahil sa paulit-ulit kong pagbasa. Napakahirap kasing tanggapin na wala na talaga siya. Na gigising ako sa umaga at hindi ko na makikita ang kanyang mala-anghel na mukha. Totoo nga siguro ang kasabihan na sa paglipas ng panahon ay maghihilom din ang sakit. Dahil ngayon, natutunan ko nang mabuhay nang wala siya sa tabi ko. Kuntento na ako sa buhay ko ngayon sa piling ng dalawa naming anak. Kung tatanungin niyo ako kung may pinagsisisihan ako sa mga naging desisyon ko sa buhay, masasabi ko na wala, dahil kung bibigyan ako ng pagkakataon na ulitin ang lahat, wala akong babaguhin. Pipiliin ko pa rin na mahalin si Nadine at pakasalan. Si Nadine ang nagturo sa akin kung paano magmahal nang tunay at siya rin ang nagturo sa akin kung paano maging tunay na maligaya. Mabait na nga din siguro ang Diyos dahil kahit kinuha na niya sa 'kin si Nadine ay may kapalit naman ito. Si Alexander at si Nadine ang dalawang anghel na siyang nagbibigay sa'kin ng lakas para magpatuloy pa sa buhay.


KUPAS NA ALAALAWhere stories live. Discover now