"Alam mo, mas dapat mong sisihin ang sarili mo dahil nagpakalango ka sa kalungkutan. Naging miserable ka dahil na rin sa kagustuhan mo at sa pag-iwas mo sa mga taong puwedeng makatulong sa 'yo. Hindi mo ba naisip na sa pag-iwas mo sa mga tao, inilalayo mo rin ang sarili mo sa posibilidad na makakapag-move on ka agad sa mga hindi magandang nangyari sa buhay mo?"

"Don't act as if you know everything. Wala kang alam. Hindi mo ako kilala."

"Maybe we don't know each other yet, but believe me, I can read you, I can feel you."

"It's none of your business. You're totally out of it. None of your concern. Gets?"

"Chill." Tumawa siya. Hindi ko alam kung mapipikon ba ako sa tawa niyang iyon o ano.

"Hindi tayo parehas ng pinagdaanan. Kahit ang lebel ng sakit na nararamdaman, hindi tayo parehas. Life is different for different people. Kaya wala kang karapatang sabihin na alam mo ang nararamdaman ko." Pumunta ako sa gawi kung saan naroon ang malaking bato. Buhay na bato raw iyon sabi ni Brandon noon. "Lahat nang narito ay naging piping saksi sa lahat ng pangako niya sa akin. Kung mayroon mang puwedeng manghusga sa akin ngayon, ang mga ito iyon."

"Gaano katagal na kayong hiwalay?" tanong niya.

"Apat...lima..." Napakibit-balikat ako. "Hindi ko na alam."

"At gano'n pa rin kalakas ang impact niyon sa 'yo?" Napabuntong-hininga siya.

Hinarap ko siya. Sinalubong ko rin ang mga titig niya. Pinakiramdaman. At nang masigurado kong puwede ko siyang pagkatiwalaan, saka ko ikinuwento ang tungkol sa amin ni Brandon. Kung paano kami nagsimula. "Kung ano man ang nararamdaman ko ngayon, hindi 'yon sakit...kundi galit. Dalawang beses na niya akong pinatay."

"Hmm, sabi nga ni Alejandro David, isang papasikat pa lang na writer na kilala ko; Hangga't may luha ka pang iiiyak, umiyak ka. Umiyak ka ng malakas, nang paulit-ulit, kahit nagmumukha ka ng tanga. Basta sisiguraduhin mo lang na pagkatapos mong ilabas lahat, hindi ka na iiyak sa parehong dahilan. Bukod kasi sa nakakatanga, nakakalaki pa ng eyebags."

Tiningnan ko siya. Malaki rin naman ang eyebags niya, ah. "So, umiyak ka na rin nang paulit-ulit? Nang malakas? Ang laki rin kaya ng eyebags mo."

Lumapit siya sa akin. Halos ilang pulgada rin ang layo namin sa isa't isa. Nakangiti siya. At sa isang iglap lang, naramdaman ko na lang ang pagdampi ng palad niya sa pisngi ko. "Nagmahal din ako. Umasa. Nasaktan. Umiyak. Alam ko ang nararamdaman mo. At alam kong malalampasan mo 'yan."

Napapikit ako. Napalunok. Alam kong any moment bibigay na ako, pero ayaw kong ipakita rito ang kahinaan ko. "Bakit ba napakadali sa inyong sabihin 'yan? Ako nga, hindi ko alam kung kaya ko o kailan ko sisimulan."

"Madali lang naman kung gugustuhin at kailangan mong simulan sa sarili mo. Simulan mo na rin ngayon." Pinisil pa niya ang ilong ko kaya naman napalayo ako sa kanya ng kaunti. "Nabanggit mo kanina na dalawang beses ka niyang pinatay. Anong nangyari noong pangalawa?"

Huminga muna ako ng malalim. "Nakunan ako." Parang may biglang bumara sa lalamunan ko. Napansin ko rin ang biglang pag-iba ng ekspresyon ng mukha ng lalakeng kasama ko. "Nawala...n-nawala sa akin ang magiging anak k-ko," sabi ko sa pagitan ng mga hikbing pilit kong itinatago. "Pinaniwala niya akong magsasama kami, na papakasalan niya ako, pero..." Natigilan ako't pinunasan ang kumawalang luha sa mga mata ko. "Niloko niya kasi ako, eh. Matagal na pala niya akong niloloko. M-may iba siyang babae at nahuli ko mismo sila na magkasama sa kuwarto ng ex ko." Pinilit kong maging kalmado sa harap nito. Ayaw kong kaawaan niya ako, ayaw kong makita niya akong ganito.

Inilahad ko ang buong pangyayari sa kanya. Wala akong itinira. Nang mga oras na iyon, nakakita ako ng taong handang makinig sa lahat ng sakit na nararamdaman ko. Kahit paano, nabawasan ang bigat sa dibdib ko na naipon ng matagal na panahon.

"Nawalan ka ng minamahal, nawalan ka rin ng anak, kasabay n'on, nawala ka rin. Para kang ligaw na kaluluwa. Gaya ko, nawala rin sa akin ang buhay ko. Iniwan rin ako dahil sabi niya, wala raw akong kuwenta, walang direksiyon ang buhay ko, wala raw akong mapapala sa trabaho ko. Nawalan din ako ng mga magulang, namatayan rin ng kaibigan. Gaya mo, kinalimutan ko rin ang mundo. Pero hanggang kailan tayo magkakaganito?"

Patuloy lang ako sa pakikinig sa kanya. Ramdam ko naman na may mabigat din siyang pinagdaraanan pero nakukuha pa niyang ngumiti sa kabila ng lahat.

"Sabi nga ni Alejandro David; 'Ang problema ay tulad ng paglalaro ng baseball; ibabato sa 'yo ang bola at kailangan mong tirahin iyon. Pero hangga't hindi mo natitira, babatuhin ka nang babatuhin.'"

"Alam mo, parang gusto ko nang makilala 'yang Alejandro David na 'yan," sabi ko.

Nangiti siya at nangiti na rin ako. Sabay naming sinamantala ang tahimik na lugar na iyon. Sabay kaming sumigaw at hinayaan ang mga sarili naming makaramdam ng kalayaan—kalayaan na yakapin ang mga pagbabago at kalayaang maging masaya ulit. Naging kampante kami sa isa't isa. Alam kong hindi pa rin nawawala ang sakit na dulot nang mga nangyari noon pero hangga't hinahayaang kong lukubin ako ng lungkot, walang mangyayari.

HALOS isang linggo na rin nang manggaling ako sa Pangasinan. Mas naging positibo ako mula nang makausap ko ang lalakeng iyon. Nakakalungkot nga lang at hindi ko naitanong ang pangalan niya. Pero kahit ganoon, malaki pa rin ang pasasalamat ko at may isang taong tumulong sa akin ipaunawa ang positivity sa likod ng hindi magandang nangyari sa akin.

Dumaan ako sa isang bookstore para bumili ng mga gagamitin ko sa pagsusulat. Yes, I am a writer. At sa mga panahon na ito, handa na akong magbalik para ituloy ang naudlot kong pangarap.

Nang magawi sa fiction books ang tingin ko, nakuha ng isang libro ang atensiyon ko. May titulo iyong, HUSH: Lost Soul in Paradise by ALEJANDRO DAVID. Nakailang ulit kong binasa ang pangalan. Iyon ang pangalan na binanggit ng lalake sa akin. Kumuha ako ng isa dahil curious ako kung ano pa ang ibang nakasulat doon.

Nang magbabayad na ako, napansin kong may ilang nagkukumahog sa pagpasok sa bookstore. Ang ilan ay may mga dala nang libro na gaya ng hawak ko. Narinig ko pa ang dalawang babae na may book signing daw ang author kaya naman sinundan ko sila, sayang nga naman ang pagkakataon kung 'di ko pa papapirmahan ang librong iyon.

Hindi pa man ako nakakalapit, sinalubong na ako ng isang pamilyar na postura ng lalake. Wearing the same smile na nakita ko noon. At ako naman, natulala na lang. Coincidence ba 'to?

"Hi," halos sabay na bati namin sa isa't isa.

Pakiramdam ko, pinamulahan ako ng mukha. At hindi ito magandang senyales para sa akin.

"Hindi ko nakuha ang pangalan mo noon," sabi niya.

"Ah, o-oo. Moira nga pala," tugon ko, inilahad ko pa ang kamay ko at hindi naman ako napahiya nang makipagkamay siya sa akin. "Eh, ikaw?"

Naramdaman ko pa ang bahagyang pagpisil niya sa palad ko. "Alejandro."

"Ale...Alejandro?" takang-tanong ko.

Tumango siya. Hindi pa rin nawawala ang ngiting nakaguhit sa kanyang mga labi. "Alejandro David."



K U W A D E R N O Where stories live. Discover now