Kabanata Walo

25 3 0
                                        



Limang taon... limang mahabang taon na hinayaan ko ang sarili kong malunod sa pagod sa pag-aaral at pagtatrabaho para makalimot sa sakit na dinulot sa'kin nang mga nangyari noon. Pagkatapos sa isang gabi lang babalik lahat nang sakit? Pinaniwala ko lang ba talaga ang sarili ko na ayos na ako? Na wala na sa'kin ang mga naganap noon. Ang pagbitaw sa'kin nang isang taong akala ko hanggang sa huli ay sasamahan ako.

Wala na 'di ba? Naging malamig at bato ako sa iba. Nagtayo ako nang pader na harang para sa sarili ko, para hindi na ako masaktan pang muli at kahit na sino walang nakabuwag ng pader na ginawa iyon. Pero bakit ganito? Bakit isang gabing pagkikita, parang nasayang lahat nang napagdaanan kong sakit? Nagkakalamat ang aking harang. Bakit unti-unting nakakaramdam ako ng sakit ulit? Bakit ang sikip-sikip ng dibdib ko dahil sa umuusbong na galit? Bakit kayang-kaya niyang wasakin ang puso ko nang ganon na lang? Kahit sa simpleng tawag niya sa pangalan ko nabubuwag ako agad.


Ang dami-daming bakit. Hindi ko naman malaman ang dahilan. Ganoon ba talaga kapag nasaktan ka ng sobra ng taong mahal mo? Dadating ang araw na kapag nag-krus muli ang landas niyo at kahit sabihin mo pang handa ka na sa kahit anong mangyari, malalaman mong sa huli ay hindi pa din pala. Hindi pa din pala ako lubusang ayos.


Noong naghiwalay kami ni Arth, sa mga una, pangalawa, tatlo at ilang sumunod na buwan pa halos gabi-gabi dinadalaw ako nang sobrang lungkot, pagkamuhi, panghihinayang at pagkawasak na dinadaan ko na lang sa iyak para kahit papaano ay maibsan ang nag-uumapaw kong dalamhati. Hindi ko pa magawang magkwento kay lola dahil alam kong mag-aalala siya ng sobra. Pero para naman akong temang dahil sa ginagawa at kinikilos ko, alam ko namang pinag-aalala ko pa din siya kahit wala akong sabihin.


Para akong namatay nang dahil sa sobrang pagkawasak ko. Nang mga unang linggo, hindi ko magawang kumausap ng iba. Kahit si Liz na malimit akong puntahan sa bahay ay hindi ko pinapansin. Ang sama kong kaibigan, pero nagpapasalamat ako na hanggang sa huli hindi niya ako binitawan at iniwan sa ere kahit na nga parang binalewala ko na siya halos. Napakaswerte ko pa din nang dahil sa kanya at kay lola.


May mga pagkakataong kahit nakakatawa ang pinapanood ko, umiiyak naman ako. Minsan pilit ang tawa ko at peke ang pinapakita kong kasiyahan pero hinahayaan lang ako ni lola na alam ko na may ideya na sa nangyari pero kahit kailan hindi nila ako pinilit. Hinayaan nila ako sa disesyon kong mag-isang damhin ang sakit hanggang sa oras na kaya ko nang ilabas ang nasa kalooban ko.


Pagkatapos kong mag-iiyak gabi-gabi. Nagawa ko din namang magkwento kay lola nung handa na akong sabihin ang lahat. "Lola bakit po ba ganon? Bakit ang sakit-sakit po?"


Hindi ko makakalimutan ang sagot ni lola sa'kin. "Kapag nagmahal tayo kasama na dyan ang pagkakataong masaktan tayo. Kapag ang mahal natin ang bumigo sa'tin, masakit talaga apo, kasi nga nag-expect tayo nang mga bagay na sana o gusto nating gawin nila para sa'tin pero hindi ganon ang nangyari. May mga pagkakataon din na maaaring may dahilan ang mga mahal natin kung bakit nagawa nila ang isang bagay kahit na nga alam nilang masasaktan tayo. Pero tatandaan mo Veron, kahit masaktan ka nang ilang beses huwag kang mapapagod magmahal." Payo ni lola na hindi ko nasunod. Dahil nang masaktan ako ni Arth hindi ko na binuksan ang possibility na may mahalin ako at magmahal sa'kin. Sinarado ko ang puso ko.


Pinilit kong ayusin nang unti-unti ang buhay ko at ang pag-aaral ko. Pinilit kong iwasan siya at hayaan na lang din ang mga naririnig na balita. After all wala na din naman siyang pakialam sa'kin. Nagtapos ako nang highschool sa School na pag-aari ng lolo niya. Pero hanggang doon na lang 'yon. Kahit balak ko noon na doon na din mag-college ay nabago, sa dami nang nangyari. Sa mga dinanas kong pangungutya at pangmamata ng mga estudyante doon nang dahil sa isang isyung hindi naman nila inalam man lang kung totoo, hindi ko na para pa i-explain at ipilit ang sarili ko dahil walang makikinig, walang maniniwala. Kahit nga siya na inasahan ko ay isa sa nagduda sa'kin.

The One I'd Let GoWhere stories live. Discover now