At dito ka pa talaga magtatapat, ha?

“So, bakit mo ako dinala rito?” tanong ko agad hindi pa man umiinit ang mga puwet namin sa mga silya. Hindi ako masyadong excited, promise.

Na-sense ko iyong biglang pagkailang niya sa tanong ko. “Well, alam mo kasi… um, matagal na rin naman tayong magkaibigan, 'di ba?”

Tumango ako. “Eleven years,” nakakasigurong sagot ko. Alam ko rin iyong bilang ng mga araw at eksaktong oras. “Bakit?”

Bahagya siyang ngumiti. “Ang tagal na pala talaga, ano?”

Sunud-sunod na tumango ako. Kaya nga kailangan na nating i-level up ‘to, bebeh ko.

“May gusto sana akong—”

“Sir, Ma’am, heto na po 'yong orders n’yo,” biglang singit ng server na hindi marunong bumasa ng atmosphere. Inilapag niya sa mesa ang mga orders namin. Si Kuya Jay na ang hinayaan kong umorder kanina dahil sumaglit ako sa ladies’ room para lalo pang magpaganda. Isa pa ay kabisado naman niya ang mga gusto ko, madalas nga ay pareho pa kami ng mga gusto. Dalawang iced vanilla latte, isang Americano, dalawang slice ng black forrest cake at isang baked ensaymada ang nakita kong inilapag ng server sa mesa namin.

Americano? Ensaymada? Ba’t may gan’on?

Hindi ko na lang pinansin dahil baka gutom lang siya. Pero kailan pa siya nagkainteres sa ensaymada? Pero alam kong mahilig talaga siya sa mga cakes, muffins, tart… basta matatamis na pagkain. Oo, baka nga gutom lang talaga siya.

“So, Kuya, ano na nga uli 'yong sasabihin mo?” Sinimulan ko nang sipsipin iyong inumin ko mula sa straw. Pero curious pa rin ako kung kanino iyong order na Americano gayong gaya ko, iced vanilla latte rin ang inabot at sinimulang inumin ni Kuya.

“Ah, so… 'yon nga, may gusto sana akong sabihin sa’yo,” patuloy niya, bahagya pang tumikhim matapos muling ibalik sa mesa iyong iniinom niya.

Na ano? Na mahal mo ako? Bigla akong kinilig sa isiping iyon. “Ano nga? Sabihin mo na.” Sa totoo lang ay kahit kilig na kilig ako sa kanya ay inip na inip na rin ako!

Ngumiti siya. “Gusto ko sanang ipakilala sa’yo ang girlfriend ko—”

Hindi na niya nagawang tapusin iyon nang bigla na lamang akong mahirinan sa iniinom ko. Inihit ako ng masakit, at sunud-sunod na ubo pagkatapos.

Syet! Ano raw?!

“Miya, are you okay?” Nagmamadaling tumayo siya at pumunta sa tabi ko. “Hay, dahan-dahan lang kasi sa pag-inom at hindi ka naman mauubusan…” puno ng concern na sermon pa niya, saka humingi ng isang basong tubig sa napadaang server malapit sa mesa namin.

“H-hindi… A-ano 'yong sinabi mo, Kuya?” Nang sandaling iyon ay bigla akong nakaramdam ng matinding kirot sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag.

“Tinatanong kita kung okay ka lang.” Hinaplos-haplos niya ang likod ko, alalang-alala.

“Hindi 'yon!” Bahagyang tumaas ang boses ko na halatang ipinagtaka niya. Napatingin din tuloy sa mesa namin iyong ilang mga kumakaing customers—na deadma lang din naman sa huli. “S-sorry. Pero ano ba kasi 'yong…” Lumunok ako. “May… may girlfriend ka na...?” Please lang, itanggi mo… please!

Nang tumango siya para kompirmahing totoo iyon, daig ko pa ang nakakita ng horror sa harapan ko.

“Inumin mo ‘to para guminhawa ang pakiramdam mo.” Inabot niya sa akin iyong isang baso ng tubig na isinilbi sa kanya ng server.

Ciel LobregatWhere stories live. Discover now