Dahil sa pag-ibig ako ay makata
sa kilos, ugali at pananalita,
o, munting ligaya na hatid ng pluma
iyong iparinig matamis na diwa
Dahil sa pag-ibig puso'y nabubuhay
ng tuwid at tapat na buong dalisay,
nakilala ko rin sa bawat tagumpay
na yaong pagsinta'y siyang gumagabay
Dahil sa pag-ibig puso ko'y nalupig
ng buong pagtaksil na ubod ng lupit,
kaya't sa sarili'y huwag magpipilit
nakawin ang bitwin na kandong ang langit
Dahil sa pag-ibig ngalan ko ay tao
may hiwagang diwa't busilak na puso,
dahil sa pag-ibig ang liyab ng sulo'y
handa na tigmakin palit man ay dugo
Dahil sa pag-ibig, tao'y umiibig
sayang nabubuhay, awit ay pasakit,
ngunit ang dakila'y yaong pagtitiis
ng Bugtong na Anak na punong pag-ibig