[Prologue] Surrender My Heart

12.4K 244 1
                                    

PROLOGUE

HINDI MAPIGILAN ni Lyra ang mapangiwi kasabay ng pagbahin nang tumambad sa kaniya ang madilim na dating Winona's restaurant. Napakadilim sa lugar na iyon at nang i-on ng Daddy Leon niya ang ilaw ay sinalubong sila ng mga alikabok at sapot ng gagamba.

"Sure ba talaga kayong sasamahan niyo ako, Dad? Baka hikain pa kayo rito," alalang sabi niya rito.

Ang restaurant na ito na matagal nang nalugi ang siyang nakuha niyang pamana sa namayapa niyang Lolo Poldo matapos basahin ng abugado ang last will nito hindi katulad ng sa mga kapatid at pinsan niya na kung hindi rest house ay mamahaling mansiyon at hotel sa labas ng bansa. Imbes na sumama ang loob ay natuwa pa nga siya. Malapit siya sa kaniyang lolo at alam niyang sa kaniya nito ito ipinamana ay dahil sa naniniwala itong makakaya niyang muling buksan ang restaurant at paunlarin. He had always believed in her. Tandang-tanda pa niya kung paano siya nito tinanggap nang buong-buo kahit na nga ba anak lamang siya sa labas. She was fourteen when her mother died because of bone cancer.

Bago mamatay ang kaniyang Nanay Aira ay ipinakilala nito sa kaniya ang kaniyang dad na matagal din niyang pinangarap makasama. Naghiwalay ang mga magulang niya noong ipinagbubuntis pa lamang siya ng nanay niya. Ikakasal na sa ibang babae ang dad niya kaya hindi na pwedeng magsama ang mga ito at maging ang pagdadalang-tao nito sa kanya ay inilihim din nito sa dad niya. Sa tingin ng nanay niya ay iyon ang pinakamagandang desisyon. Ang nababagay sa dad niya ay ang kanyang madrasta na galing sa mayamang pamilya, hindi katulad ng nanay niya na isang simpleng guro.

Inihabilin siya ng kaniyang ina rito at ibinigay ni Leon sa kaniya ang apelyido nito. Hindi lang iyon, dinala pa siya nito at pinatira sa mansiyon kagaya ng pangako nito sa nanay niya. Hindi nga lang kasing init ng pagtanggap ni Lolo Poldo ang pagtanggap sa kaniya ng pamilya ng kaniyang ama.

"Don't mind me, hija. Maliit na bagay lang ito kumpara sa hamon na ibinigay sa iyo ng Papa," sagot naman ni Leon habang nakatakip ang panyo nito sa ilong at bibig.

"Mahalaga kay Lolo ang restaurant na 'to kaya naman hindi ko siya bibiguin. Hindi ko sasayangin ang pagtitiwala niya sa akin all these years."

"At nandito lang ako para sa'yo, anak."

Tinungo naman nila ang kusina.

"Magagamit ko na rin ang pinag-aralan ko, Dad. Alam kong ito talaga ang matagal na gustong mangyari ni Lolo," positibong sabi niya.

Nang maka-graduate kasi siya ng HRM ay hindi siya nagtrabaho sa alinmang hotel o restaurant na pagmamay-ari ng pamilya nila dahil nagsilbi muna siyang executive assistant kay Lolo Poldo dahil siya ang pinagkakatiwalaan nito. Kaya nga ba lalong uminit ang dugo sa kaniya ng Tiya Lucinda niya at pinsan niyang si Wendell dahil hindi agad makahingi-hingi ang mga ito ng pondo sa kompanya dahil gusto ng lolo nila na kilatisin kung para saan ang paggagamitan ng mga ito ng pera.

Ang kapatid ng kaniyang dad ang nagpapatakbo ng restaurant bago iyon malugi. Matagal na kasing alam ni Lolo Poldo na nalululong sa sugal ang mag-inang iyon. At nang magsara ang restaurant ay saksi siya sa pagdaramdam nito. Alam niya kung gaano kahalaga ang Winona's para rito pero hinayaan lang nito na magkaganoon para turuan ng leksiyon ang dalawa pero hindi man lang natuto ang mga ito.

Napabuntong-hininga na lang sa isiping iyon si Lyra at agad ding napaubo nang makalanghap siya ng alikabok. Kung bakit kasi nakalimutan niyang magdala ng panyo.

"Sa'yo na lang 'tong panyo, anak," alok naman ng Dad niya.

"'Wag na, Dad. Okay lang ako. Magdadala na lang ako ng panyo sa susunod na balik ko rito," sabi naman niya.

Ginamit na lang niyang pantakip sa ilong ang kwelyo ng blouse niya. Iginala niya ang paningin sa kisame. Positibo siyang makakaya niyang linisin at pagandahin ang restaurant sa loob lamang ng dalawang linggo at sa loob lamang ng hindi hihigit sa dalawang buwan ay nag-o-operate na ulit ito.

Kaya ko 'to...

PAGKAGALING nila sa restaurant ay nakapagtatakang iba ang direksiyong tinatahak ng sasakyan nila. Dapat ay uuwi na sila nang mga oras na iyon.

"Sa'n tayo pupunta, Dad?" takang tanong niya sa ama niyang katabi ng driver sa front seat.

"May dadaanan lang tayo sandali, anak. Importante lang kasi kaya hindi ko pwedeng palampasin.

"Oh, okay, Dad," napatangong aniya at saka itinutok ang paningin sa labas ng kotse.

Hindi inabot ng sampung minuto ang naging biyahe nila. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit sa isang mukhang exclusive na subdivision pumasok ang kanilang sasakyan hanggang sa huminto ito sa labas ng isang gate na may katamtamang taas.

"Ano'ng ginagawa natin dito, Dad?" tanong niya nang makababa na siya.

"Sumunod ka sa 'kin."

May kinuha itong isang kumpol ng susi at binuksan ang kandado ng gate. Hindi niya mapigilan ang paglinga sa paligid dahil sa pagkamangha sa mga nakatayong bahay sa subdivision na iyon. At itong bahay na nasa harap nila ay hindi naman pahuhuli. Katamtaman lang ang laki niyon na saktong-sakto naman sa taste niya.

"Kaninong bahay 'to, Dad?" hindi napigilang tanong niya nang nasa sala na sila. Kompleto ang mga gamit at maaliwalas tingnan ang interior niyon. Ang nakakatuwa pa ay pinaghalong puti at lavender ang mga kurtina at ang sala set. Favorite color pa naman niya iyon.

Meron ding dalawang pinto na sa hula niya ay mga kwarto. Sa tantiya niya ay pwedeng tumira sa bahay na ito ang higit sa dalawang tao.

"Nagustuhan mo ba? I bought this one for you."

Napamaang si Lyra sa mukha ng Dad niya.

"Come again, Dad?"

Kinuha nito ang kamay niya at inilagay sa palad niya ang mga susi.

"Regalo ko para sa'yo. I bought this three months ago. Alam ko kung gaano kahirap sa'yo ang pakisamahan ang mga tao sa mansiyon. Alam ko rin na kung ikaw lang ang masusunod, matagal ka nang umalis sa bahay dahil kayang-kaya mo na ang sarili mo. Pero iniisip mo kami ni Papa kaya hindi mo kami magawang iwan. Now it's time you enjoy your freedom, Lyra. You deserved it for your kindness."

"D-dad..." Hindi niya napigilan ang mapaluha.

"Hindi mo pa makukuha ang trust fund na iniwan ni Papa hangga't wala ka pang twenty-five kaya hindi ka pa makakabili ng sarili mo. Pinili kong bahay na lang imbes na condo dahil gusto kong magkaroon ka ng kapit-bahay, iyong makakausap mo talaga."

Sinugod niya ito ng yakap. Pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya sa sobrang kaligayahan. That's why she will always be thankful at ito ang naging ama niya.

"Thank you, Dad! I love you!"

Surrender My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon