When Time Stops
"Do you, Michael Evan Santiago, take Justin Cara Domingo as your lawfully wedded wife?"
Napabuntong-hininga ako at ipinikit ko ang aking mga mata ng sandali. Eto lang ang isa sa mga oras na kung saan ang mga tao ay tahimik.
Titig na titig sila sa mga ikakasal at nakita ko, yung iba ay umiiyak pa.
Nasa kasal ako ngayon ng aking pinakamatalik na kaibigan simula pagkabata—si Mike.
Magkakilala na kami simula ng kami'y mga maliliit pa. Naging magkaibigan muna kami bago naming nalamang ang mga magulang namin ay magkaklase dati.
Oo, mahal ko si Mike. Siya ang laging kumakatok sa puso ko kahit hindi niya alam. At siya lang lagi ang pinapapasok ko simula nang makilala ko siya. Pero wala akong magagawa. Sa iba siya nahulog. At hinding-hindi ko ipagkakait sa kanya ang kaligayahang gusto niyang makamit.
Iminulat ko ulit ang mga mata ko at tumingin ulit sa ikinakasal. Nagkatinginan kami ni Mike at parang kumunot ang noo niya. Alam ko na ang ibig sabihin niyan.
Nagtatanong siya kung ayos lang ang pakiramdam ko. Pero pang may mali sa mata niya. Parang may iba pa siyang tinatanong. Or baka nai-imagine ko lang.
Tumango lang ako na ikinangiti niya ng maliit bago tumingin sa magiging asawa niya; sa babaeng makakahawak ang kamay niya habang buhay, sa babaeng makakatabi niya sa pagtulog—sa babaeng may karapatang ipakita ang pagmamahal niya sa kanya ng lubos.
Pinanood ko ang pag-ngiti ng matipid ni Mike habang nakatingin kay Justin.
"I do, Father."
Nagtanong nanaman si Father, at ngayon, si Justin naman yung tinanong niya. Pinipilit kunin ni Mike ang tingin ko kaya napaiwas ako ng tingin. Nakita ko ang batang babaeng umiiyak habang yakap siya ng isa ding batang lalaki. Nakatingin silang parehas kina Mike, at alam ko nang kaya siya umiiyak ay dahil yun ang gusto niyang kasalan paglaki niya. Napatingin ako sa aking mga sapatos at napangiti ng bahagya.
Flashback: (27 years earlier; 4 years old lang sila)
"Ba't ka naiyak?"
Tumingala ako at nakita ko ang isang bata na halos kasing tanda ko lang. Itim na buhok, itim na mata, pero may iba rin sa kanya. Meron din siyang salamin. Para siyang taong nais pang matulog sa bahay kaysa makisama sa iba.
Pinunasan ko ang luha ko at umiling.
"Di ako naiyak," tanggi ko.
"Paano sa tingin mo umiyak kung ang pagpatak ng luha mo ay hindi parin pag-iyak?" Tanong niya sakin na para bang mas may alam siya sakin. Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko.
Tinikom ko ang mga tuhod ko sa aking dibdib at nagsimulang magbunot ng mga damo sa lupa.
"Walang may gustong makipaglaro sakin. Lagi daw akong seryoso. Nakakatakot daw itsura ko," sabi ko habang pinapatatag ko ang boses ko.
Tumingin ako sa kanya. "Nakakatakot ba ako?"
Tiningnan niya ako at umiling. Isang maliit ng ngiti ang naglalaro sa kanyang mga mapupulang labi.
"Wag kang maniwala sa mga sinasabi nila. Kailangan mong matutong iwasan ang mga taong madaling manghusga. Hayaan mong dumating ang mga taong tunay na magtatagal sa tabi mo," sagot niya.
"At isa pa, mas maganda ka kumpara sa kanila." Sabay tawa niya ng bahagya.
Hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi niya. Ang lalim nito. Pero ang tanging nainitindihan ko lang na mga salita ay noong sinabi niyang maganda ako.
