Kabanata 11: Simula ng Pagsasanay

3.7K 228 1
                                    


Agad na nagtungo si Jem pabalik sa kanyang kwarto. Mataas pa ang araw nang makabalik siya kaya uusisain niya muna ang kanyang nakuha. Unang-una na ang 'Thousand Rhythmic Steps'.

Isa itong uri ng Movement Technique na itinuturing na isang Martial Technique. Sa totoo lang ay madali pag-aralan at intindihin ang abilidad na ito kaya lang, lahat ay nahihirapan sa tuwing magbabago ang ritmo kada tatlong hakbang.

Ang unang tatlong hakbang ng abilidad na ito ay itinuturing na paghahanda pa lamang, kaya ang hindi nila pagwawagi na magawa ang ikaapat na hakbang ay itinuturing na rin na hindi nila kayang sanayin ang abilidad na 'Thousand Rhythmic Steps'.

Binuksan ni Jem ang aklat at agad na lumabas doon ang isang kumpol ng ispiritwal na enerhiya. Hindi tulad ng sa Paraan na kanyang nakuha sa lihim na silid na naging isang aparisyon ng dragon ang enerhiya, nanatili lang itong hugis na bilog bago tuluyang pumasok sa noo ng bata.

Pumikit siya at tinitigan ang bilog na enerhiyang naglalaman ng kaalaman ukol sa abilidad na Thousand Rhytmic Steps. Hindi na ito kumalat sa kanyang katawan tulad ng Puso ng Bughaw na Dragon, pinalibutan lang nito ang kanyang utak at pagkatapos ay unti-unting pumasok sa loob noon.

Nang mangyari iyon ay may isang imahe uling lumabas sa kanyang isipan.

Isang lalaking may hawak na isang espadang manipis. Nakasuot siya ng damit kung saan madaling makagalaw ang tao. Nasa isa siyang malawak na espasyo at ang tanging nasa harapan niya ay isang nakatayong troso na ginagamit bilang sanayan. Dalawampung metro ang layo nito sa kanya.

Ilang saglit lang ay gumalaw ang lalaki kasabay ng tunog.

Ting... ting... ting..

Sa bawat tunog ay humahakbang siya at nang matapos ang tatlong tunog kasabay ng tatlong hakbang, isang metro na lamang ang layo niya dito.

Tingtingting!

Muling tumunog at ngayon ay iba na ang ritmo, tatlong mabilis na paghakbang ang ginawa niya at kasabay na noon ang pagwasiwas niya sa kanyang espada. Nang matapos ang huling hakbang, nahati sa tatlo ang kahoy at ang katawan niya ay malayo na doon. Sampung metro sa likod ng kahoy.

Muling nagmulat ang mga mata ni Jem matapos ang eksenang iyon. Ngayon ay kumikinang na ang mga ito dahil sa nakita, kung kanina ay gusto niya lamang tignan at subukan ang abilidad, ngayon ay nasasabik na siyang pag-aralan at sanayin ito.

'Thousand Rhythmic Steps! Iyon ang dahilan kung bakit nabibilang ito sa mga Martial Technique. Hindi na siguro ako natamaan ni Mike kung natutunan ko iyon bago ang naging duwelo namin.'

'Idagdag pa ang Dragon's Agility ko. Maaari ko kaya silang pagsamahin?'

Kung ang Dragon's Agility ay nagpapabilis ng reaksyon at nagpapagaan ng katawan niya, ang Thousand Rhytmic Steps ay kinakailangan ng mabilis na reaksyon sa tunog upang tagumpay na mapagana ang abilidad. Kung sakaling pagsabayin niya ang dalawa, doble ang kakailanganin niyang ispiritwal na enerhiya at siguradong hindi iyon madaling kontrolin.

'Hindi ko pa nga nasusubukan ito iniisip ko na agad kung maaaring pagsamahin ang dalawa, hindi dapat ako maging kampante. Mas mabuti na ang mabagal ngunit perpekto kaysa mabilis nga ngunit maraming mali. Sa loob ng isang linggo, pagtutuunan ko muna ng pansin ang Thousand Rhythmic Steps!'

Nang makapagdesisyon siya ay muli na niyang isinara ang aklat. Pagkatapos niyang ibalik ito sa kanyang Spatial Bag, kasunod na inilabas niya ang espada.

'Dragon Marrow? Hindi ko alam kung nagagandahan ako sa pangalan na ibinigay sa sandatang ito. Ayon sa tagapamahala ng Bahay ng mga Sandata, ang ninuno ang nagpangalan dito.'

Immortal AscensionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon