APkS - Chapter 1

895 33 29
                                    

Umaga. Harap ng tindahan nila Peter.

"Paglaki ko, gusto ko ring maging superhero." Sabi nang walong taong gulang na si Andrei kay Peter habang binubuksan ang lollipop na binigay nito sa kanya.

"Tapos, ililigtas ko sina mama at papa. Pati na rin 'yung mga kapitbahay namin. Pati na rin 'yung crush ko. Si ano... Si Erika."

Tuloy sa pagsasalita si Andrei na noon ay binubuksan pa rin 'yung lollipop na ibinigay sa kanya ni Peter.

"At tsaka gusto ko ikaw ang magiging sidekick ko, parekoy." Sabay tingin kay Peter na kanina pa pala hindi nakikinig at nakatingin lang sa malayo na parang malalim ang iniisip.

Hindi na pinansin ni Andrei ang kausap at itinuon nalang ang atensyon sa lollipop na kanina pa niya binubuksan.

Ganoon parati ang eksena sa harap ng tindahan nila Peter. Parating pumupunta si Andrei sa tindahan nila. Parang pangalawang bahay na rin kasi ni Andrei doon. Tsaka parang magkapatid na rin ang turingan ng dalawa kasi mula nung ipinanganak si Andrei at lumipat ang mga magulang niya sa San Gregorio, naging malapit na sila sa pamilya nina Peter.

Si Peter naman, high school lang ang natapos. Hindi naman sa wala silang pera, mas ginusto na lang kasi niyang magbantay sa tindahan nila para at least may pinagkakakitaan siya. Criminology sana ang gusto niya kasi pangarap niyang maging pulis kaso walang ganoong kurso sa bayan nila. Ayaw din kasi niyang mag-aral sa Maynila.

Sa wakas, nagising na rin si Peter na parang nagmula sa mahimbing na pagkakatulog at napansin niya si Andrei na sa mga oras na iyon ay hirap na hirap pa rin sa pagbubukas ng lollipop na bigay nito sa kanya.

"Kanina ka pa diyan, a?" tanong ni Peter.

Biglang natigilan si Andrei na noon ay parang sumuko na sa ginagawa.

"Akin na 'yan, ako na'ng magbubukas. Ano nga pala 'yong sinasabi mo kanina?"

"Wala. 'Di ka naman nakikinig, e." Sagot ni Andrei na medyo naluluha at umaagos ang sipon na gumuguhit ng number 11 mula sa mga butas ng kanyang ilong.

"Sabihin mo na, parekoy." Sabay abot ng lollipop sa kausap.

"Gusto ko maging superhero. 'Yong katulad ni Batman o kaya ni Superman. O kaya si Kapitan Sino. 'Yong bida sa libro ni Bob Ong na nabasa ko."

Ngiti nalang ang naging sagot ni Peter.

Sumunod na araw.

Sumilip sa maliit na butas ng tindahan nina Peter si Claire. "Pagbilhan nga."

"Ikaw pala, Claire. Ano bang bibilhin mo?" tanong ni Peter.

"Isang kilong bigas."

"Isang kilo?"

"Ay, hindi. Isang sako. Tapos pakisupot mo, ha? Para kakainin naming lahat 'yun ngayong araw." Inis na sagot ni Claire.

"Ikaw naman. Hindi ka na mabiro. Nagtatanong lang, e."

"O, sige na nga. Dalawang kilo nalang para buwena mano sa'yo." Sabay abot ng bayad kay Peter. Iniabot na rin ni Peter 'yung bigas.

"Siya nga pala..." pahabol ni Claire. "...pinapasabi ni Niko, pumunta ka raw sa bahay nila mamaya. Birthday kasi ng anak niya bukas kaso ngayon daw maghahanda kasi anniversary din nilang mag-asawa ngayon. Para isang handaan nalang daw. Para tipid."

"O, sige. Pumunta ka rin ha?"

Hindi na siya narinig ng kausap dahil nagmamadaling umalis. Sinundan nalang niya ito ng tingin.

Gabi. Bahay nila Claire.

Tahimik at madilim ang paligid. Liwanag lang ng buwan ang tanging ilaw ni Claire. Wala siyang ibang naaaninag kundi anino. Aninong unti-unting lumalaki. Palapit nang palapit sa kanya. Unti-unti na niyang naaaninag ang may-ari ng anino. Nanlilisik ang mga kulay pulang mata nito. Mahahaba ang kuko. Gusto niyang sumigaw pero walang lumalabas na kahit ano mang boses sa bibig niya. Tumakbo siya pero siya'y nadapa. Lumaki nang lumaki ang anino. Hindi na niya alam ang gagawin. Napapikit nalang siya. Pagdilat niya, umaga na. Nakita niya sa tabi niya ang lamesa kung saan nakapatong ang lampshade at ang cell phone niya. Tumingin siya sa orasan na nakasabit malapit sa bintana, 6:15 AM.

Ang Pare kong Superhero!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon