Kabanata 2: Green Dragon Sect

4.9K 277 8
                                    


Maliwanag na nang buksan ng bata ang kanyang mga mata. Talagang magdamag siyang nagsanay ngunit nang maramdaman niyang lalagpas na ulit siya sa ikaapat na baitang ay itinigil na muna niya ang pagsasanay at nanatili sa pinakatuktok ng ikatlong baitang ang kanyang ispiritwal na enerhiya.

Ang dahilan kaya niya itinigil ay dahil nararamdaman niyang kapag itinuloy niya at sinubukang lumagpas sa hangganan ng ikatlong baitang ay hindi na ito kakayanin ng kanyang katawan.

Ang kasalukuyang lakas ng kanyang katawang mortal ay kaya lang dalhin ang ispiritwal na enerhiya na hanggang sa hangganan ng ikatlong baitang. Natural na pagsasanay lang kasi ng katawan ang ginawa niya sa loob ng dalawang buwan.
Pagdating ng ikaapat na baitang ay kakailanganin na niya ng ilang Paraan upang palakasin ang kanyang katawan o ang tinatawag na Strengthening Method, at matatagpuan lamang ang mga Paraan na iyon sa Silid-Aklatan ng Akademya o sa mga Silid-Aklatan ng ilan sa mga may-kayang tao.

Ang mga tulad niya ay walang kakayahang bumili at mangolekta ng libro ng iba't-ibang Paraan at Sining ng Pakikipaglaban kaya aasa nalang siya sa Silid Aklatan ng Akademya na tanging mga mag-aaral lamang ang maaaring makapasok.

Tumayo na siya mula sa kama at nagsimulang mag-inat ng katawan. Kailangan niya pa ulit ikondisyon ang kanyang katawan upang maging mas maayos ang magagawa niya mamaya sa oras ng Tanggapan.

Binilang niya ang natirang Spirit Stones, 5 ang nabawas sa ginawa niyang pagsasanay kagabi. Hindi niya alam kung matutuwa siya o manghihinayang sa naging resulta. Napakahalaga kasi talaga ng mga batong 'yon ngunit dahil nangyari na ang nangyari ay tinanggap niya nalang ang katotohanan.

Kung mabilis naman bang aangat ang kanyang lakas dahil sa paggamit noon ay magiging mas malaki ang epekto nito sa hinaharap.

Naglinis muna siya ng katawan dahil sa pawis at dumi na nakuha niya sa ginawang pagsasanay kagabi.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nakahanda na siyang lumakad at lumahok sa Buwanang Tanggapan ng Akademya.

Suot ang ibang pares ng kulay tsokolate na damit kasabay ng pagbulsa sa Spatial Bag, napansin niya rin kagabi na may ilang medisina na maaaring makatulong sa kanya kung saka-sakali sa loob nito, ay lumabas na siya ng kanyang silid.

Masigla ang paligid na kanyang nabungaran. Maraming naglalakarang mga mag-aaral at guro. Kahit sila ay nasasabik sa kung anong kalalabasan ng Buwanang Tanggapan ng Akademya.

Kahit na ilang beses ng naganap ito ay hindi mapigilan ng iba na masabik dahil bawat buwan ay may isa o dalawang bagong mag-aaral na sumusurpresa sa kanila.

Tulad na lamang noong nakaraang Buwanang Tanggapan ay may isang mag-aaral na nasa ikaapat na baitang na sa Spirit Absorbing Stage at ang kanyang edad ay labing apat na taong gulang pa lamang.
Galing siya sa isang may-kayang pamilya at may kasaysayan sila ng mahuhusay na eksperto sa paglilining kaya may sarili silang Paraan na ipinapasa nila sa nakababatang henerasyon ng pamilya. Ngunit hindi maitatanggi na isa talaga siyang talentadong bata. Pero siyempre ang ganyang mga talentadong kabataan ay tila natural na ang pagka-arogante at pangmamaliit sa ibang mas mababa sa kanila.
Mangilan-ngilan nalang ang mga talentadong may likas na pakikipagkapwa-tao.

Dahil nasa loob siya ng Akademya ay kailangan niya pang lumabas dahil nasa tarangkahan ang lugar kung saan gaganapin ang tanggapan.

Ang Akademya ng Bughaw na Dragon ay matatagpuan sa isa sa tatlong bundok na naghihiwalay sa kapatagan kung saan naninirahan ang karamihan sa mga tao at sa kagubatang pinamumugaran ng iba't-ibang klase ng mababangis na mahiwagang hayop o mythical beasts.

Immortal AscensionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon