Chapter 1 - Misfits

125K 1.3K 109
                                    

SarDee

-------- 2 YEARS AGO ---------

Excited niyang tinungo ang elevator ng building dahil unang araw niya sa trabaho at kailangan din niyang magpakitang gilas. Sinadya niyang maagang dumating upang magkaroon pa siya ng oras na kabisadohin ang mga bagay-bagay tungkol sa bago niyang trabaho. Iba kasi ito kaysa sa nauna niyang trabaho.

'Tagal naman,' lihim niyang reklamo, 'ito na talaga ang pinakamabagal na elevator sa buong buhay ko!' inis niyang inisip.

Bilang dating forensic photographer, sanay siya sa laging on-the-go na trabaho. Dahil mahalaga ang bawat minuto, wala siyang dapat sayangin na oras. Mahal niya ang trabaho niya pero dahil lagi siyang nalilink sa nakakatanda niyang kapatid na pulis, naisip niyang sumubok ng ibang trabaho. Pakiramdam niya kasi nagiging kilala lang siya dahil sikat na sarhento ang kanyang kapatid at hindi dahil sa sarili niyang sikap. Gusto niyang gumawa ng sariling pangalan. Gusto niyang makilala dahil magaling siya hindi dahil magaling ang kuya niya.

Naghalo ang kaligayahan at kaba nang bumukas na ang elevator. Agad siyang pumasok dito at pinindot ang rooftop. Dito kasi sa rooftop magaganap ang photoshoot ng Pinay Supermodel at siya ang isa sa mga swerteng nakuhang photographers ng mga nag-gagandahang modelo. 

Huminto ang elevator sa pangatlong palapag at pinagbuksan ang isang anghel na tila ay galing sa langit. Mestisa at mukhang modelo ang tindig kaya bahagya siyang napayuko dahil nakaramdam siya ng konting hiya. Noong una ay wala siyang pakialam sa babae pero napakunot ang noo niyang tinignan kung ano ang ginawa nito sa elevator. Pinindot ng babae ang lahat ng numero sa elevator saka sumandal sa gilid.

'Ano bang trip ng babaeng ito?' naisip niya nang umandar na elevator. Huminto ulit ang elevator sa pang-apat na palapag dahil isa ito sa pinindot ng kakapasok lang na babae. Hinintay niyang lumapit ang babae para isarado ito pero hindi gumalaw ang kasama niya sa elevator. Dahil dito, siya na lamang ang lumapit sa elevator button upang isarado ito.

'Sayang ang kagandahan. Baliw naman pala,' inis niyang naisip dahil tatlong beses na huminto ang elevator at tatlong beses din niya itong isinarado.

'Malelate ako dahil sa kabaliwan ng babaeng to,' naisip niya, 'lilipat na lang kaya ako ng elevator?'

Lalabas sana siya sa muling pagbukas ng elevator pero narinig niya ang paghikbi ang babae. Pasimpleng nilingon niya ito at nakitang nagpupunas ito ng luha. Hindi man niya alam ang dahilan ng pag-iyak nito, alam niyang kailangan nito ng kasama sa elevator kaya nagdesisyon siyang manatili na lamang.

Lumipas ang dalawang palapag, siya pa rin ang tagasarado ng elevator habang umiiyak pa rin ang babae. Pumasok ang dalawang matanda sa elevator at una nilang nakita ang babaeng umiiyak sa gilid saka siya nilingon.

"Iba na talaga ang mga kabataan ngayon," saad ng isang matanda, "pinapaiyak na nga ang girlfriend, hindi man lang inalo."

Napansin niya ang pag-irap ng mga ito sa kanya kaya napatikhim siya. Ano ba ang pakialam niya sa babaeng umiiyak? Maliban sa maganda, seksi at maamo ang mukha na parang anghel, wala na siyang ibang alam tungkol dito.

'Mga matatanda talaga,' umiiling siya habang napaisip, 'hindi lang pakialamera, nanghuhusga pa.'

Ilang beses muling nagbukas ang elevator at ganun din karami niyang isinarado ito hanggang sa lumabas na rin ang mga matatanda pero bago pa tuluyang nagsarado ang elevator ay narinig pa niyang sumigaw ang isang babae, "Hoy magpakalalaki ka naman!"

Bumilog ang mga mata niya sa narinig kaya inis niyang hinarap ang babae upang pagsabihan sana ito ngunit natigilan siya nang makita ang mga luha nito na lumalandas sa namumulang pisngi ng babaeng umiiyak. Nawalan siya ng lakas ng loob na kausapin ito at agad namang natunaw ang inis na naramdaman niya kanina lang. Huminga na lamang siya ng malalim saka hinarap muli ang mga elevator buttons. Ilang palapag na lamang at mararating na rin niya ang rooftop kaya naisip niyang hindi na lamang magreklamo.

FlirtationshipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon