Babaeng Mental-1: Sindak sa dilim

13.7K 490 94
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


Babaeng Mental-1: Sindak sa dilim



Hatinggabi..., nasa kasagsagan ang malakas na pagbuhos ng ulan. Nagpapaligsahan ang kidlat sa paglikha ng nakakatakot at nakakarinding tunog. Animo hinihiwa ang mga ulap ng kanyang kumikinang na talim at talas.

Anim na kalalakihan ang bumaba mula sa isang malaki at kulay itim na van. Heavily tinted ang mga salamin nito at maging ang rim ng mga gulong ay itim na itim rin. Tila sinadya ng mga umibis mula sa loob ang maikubli ito sa dilim ng gabi.

Matatangkad at mabubulto ang pangangatawan ng mga lalaking nakasuot ng itim ring kapote. Sa mga kamay na may gwantes ay tangan ang mga de-kalibreng mga baril. Magkakasabay ang mga itong naglakad sa iisang direksyon..., sa isang magara at malaking bahay sa loob ng exclusive subdivision na iyon.

Hindi alintana ng mga kalalakihan ang mga CCTV cameras sa mga posteng ang mga ilaw ay bahagya na lamang ang liwanag. Balewala rin ang isa pa na nakatutok sa labas ng gate na sandali nilang tinambayan. Tiningala pa nga ng dalawa sa kanila at saka nag-sign ng dirty finger. Tila tinutudyo ang makakakita at makakapanood.

Kumatok ang isa. Nang hindi napansin ng naroon sa loob, lumapit ang isa pang lalaki at muling kinatok ang stainless na dahon ng pintuan, gamit ang puluhan ng hunting knife na hawak.

Nagsingisi ang mga ito nang may sumilip mula sa bilog-bilog na butas ng maliit at parihabang hugis sa pintuan.

Isinuot ng isa pa ang tila straw ng softdrink sa butas at hinipan. Sa isang iglap ay nawala sa paningin nila ang nakasilip at nagtatanong na guardiya. Gamit ang pinagsalikop na mga palad ng kasama, tumuntong ang isa at walang kahirap-hirap na sinampahan ang may kataasang gate. Hindi nagtagal at nabuksan na ang isang bahagi nito at walang ano mang nagpasukan ang lahat ng mga kasamang naiwan sa labas. Pagkaraan ay muling ipininid ang pintuan at inilagay ang harang.

Mabilis na nilapitan ng isa ang guardiya at paupong isinandal sa isang gilid. Hinayaang maulanan. At saka nagtatawanang nagtuloy sa loob ng bakuran. Ang malaking aso na tumahol ay hindi na nakaulit pa. Isang ihip lang ng lalaking may hawak na straw ay mabilis na rin itong nanahimik at humandusay sa malamig na sementadong sahig. Habang naglalakad ay nagsuot ng stocking sa ulo hanggang mukha ang mga ito.

Dumiretso sa likuran ang dalawa, patungo sa silid ng mag-asawang labandera at driver. Habang ang naiwan ay sa main door ng malaking bahay nagtuloy. Gamit ang isang aparato na kasing laki lamang ng kaha ng posporo, agad nahanap ang combination at nabuksan ang nakapinid na pintuan.

Tila sa kanila ang buong bahay, tiyak ang kilos at pupuntahan ng mga ito. Naglawa ang sahig sa tubig na tumutulo mula sa mga kapoteng basa sa ulan.

Nagtuloy sa dining area ang dalawa pa kung saan ang silid ng kusinera at tagalinis ay nasa bandang dulo. Habang nananatiling nakatayo at lumilinga ang dalawang naiwanan sa receiving area ng bahay.

Habang naghihintay sa pagbabalik ng apat na kasama, naupo ang lalaking may hawak na patalim. Habang ang kasama ay nakatayo pa rin. Nilalaro nito ang mala-Rambong kutsilyo, ibinaba ang hood ng kapote, inalis ang stocking na nakasuot sa mukha at saka ipinitik ang daliri. Mabilis ang naging pagkilos ng kasama niya. Isang stick ng sigarilyo ang kinuha nito mula sa kaha at inilagay sa bibig ng animo hari, kasunod ang pagtapat ng lighter na may sindi. Hinitit ng nakaupo ang sigarilyo at saka ipinatong ang magkabilang paa sa ibabaw ng mesang narra na napapatungan ng nangingintab na salamin. Hindi pa nauubos ang sinindihan ay nakangisi nang nagbalikan ang apat.

Babaeng MentalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon