May tamang pagkakataon para sa lahat ng bagay. Kahit doon sa mga pangarap na akala ng tao ay nasa mga kamay na niya pero biglang nawawala dahil hindi pa pala siya handa. Parang araw at gabi. May nakatakdang oras kung kailan lulubog at sisikat. Kung kailan mahahawi para sa liwanag.
Oxford College of the Philippines.
Inayos ko ang suot na correctional eyeglass na black framed at pinunasan sa likod ng aking kamay ang pawis sa aking ilong. Binilisan ko ang pagmo-mop sa sulok na bahagi ng girls' comfort room. Dalawang linggo na akong nakadistino rito sa sa unang palapag ng College of Criminal Justice. Buwan-buwan kasi ang balasahan ng working students dito sa pamantasan.
Narinig ko ang tawanan ng mga estudyanteng pumapasok. Mga babae at naka-uniporme ng puti. Grupo ni Cendirella mula sa nursing department. Halos araw-araw pumupunta ang mga ito rito kahit nasa kabilang gusali ang classroom ng mga ito.
Napabuntong-híninga ako nang matanaw kong nagmamapa ang sapatos ng mga ito sa bahaging tapos ko nang linisin. Basa pa kasi iyon. May parte namang tuyo na ngunit hindi ko maintindihan kung bakit sinasadya nilang doon dumaan sa basang sahig. Nasisira tuloy ang araw ko tuwing umaga. Halata kasing ang baba ng tingin ng mga ito sa akin dahil working student ako.
Tatlo sa mga ito ang pumasok sa bakanteng cubicles. Sina Cendirella at ang isa pa ay nasa harap ng malaking wall mirror at nagpapahid ng lip tint sa labi.
Lumapit ako sa kanila. "Excuse me."
Nakaangat ang kilay na tumingin sa akin si Cendirella. "Yes?" istrikta ang tono nitong tanong.
"Tuyo na ang side na iyon, pwedeng doon na kayo dumaan palabas?" Itinuro ko ang bahaging nasa kaliwang dako. "Baka kasi ma-late na ako sa first subject ko kung magmo-mop na naman ako."
"Trabaho mo iyan, 'di ba? Bakit kami ang kailangang mag-adjust?" maldita nitong sagot habang ang kaibigan nito ay umiirap sa akin at binalikan ang pagre-retouch.
"Working student ako, hindi utility rito." Mababa pa rin ang timbre ko kahit naiinis na rin ako.
"Duh, what's the difference? Tagalinis ka pa rin." Tumirik ang mga mata ni Cendirella.
Napailing ako. Naturingang may mabuting puso ang pangalan pero bulok naman ang kalooban.
"At dahil sa tingin mo tagalinis lang ako may karapatan ka nang magkalat?" palaban kong pakli.
Nakuha ko ang buong atensiyon niya pati ng kaibigan niya.
"Oo, dahil nagbabayad ako sa pag-aaral ko. Ikaw? Working student ka, libre?" Kung magsalita ito'y parang krimen ang pagiging working student.
"Nagbabayad din ako, sa pamamagitan ng utak ko."
"Bakit? Nagiging pera na ba ngayon ang utak at pwede nang pambayad ng tuition?"
Pakantiyaw silang nagtawanan.
Hindi ko na lang pinatulan kahit gigil ako. Lalo akong mahuhuli sa klase. Naglabasan ang mga kaibigan nito at magulong nagsisipag-ayos ng sarili. Pinunasan ko na lang ulit ang bakas ng mga sapatos sa sahig gamit ang mop. Pero binantayan ko na silang huwag nang dumaan pa sa basang sahig. Natakot din naman nang akmang ibubuhos ko sa kanila ang timba kung saan ko ibinabad ang pang-mop.
Kinse minutos na lang bago ang bell para sa una kong subject. Nagmamadaling lumabas ako ng comfort room at napatda nang bumungad sa akin si Ryner. Sumikdo agad ang kaba sa dibdib ko.
Boyfriend ko siya. Magdadalawang buwan na. Wala pang nakakaalam dito sa campus dahil gusto kong sekreto na lang muna. Alam ko kasing kukuyugin ako ng mga mapanghusgang tipaklong. Baka hindi ko matantiya at matiris ko, malagay pa sa alanganin ang pag-aaral ko. Nangako pa naman ako kay Tatay na magtatapos akong may latin honors at walang kaaway.
YOU ARE READING
HALIK NG KONTRABIDA
RomancePinili siya para gawing katuwaan. Pinansin dahil mapapakinabangan. Matalinong salat sa ganda. Anak sa labas na itinakwil ng kaniyang ina. Siya 'yong manggugulo sa perpektong relasyon ng kaniyang ex at ipaglalaban ang prinsipyong hindi nirerespeto sa...
