20 Years Ago

1K 27 10
                                    

HER POV



Siguro nga, isa lang siyang bata.

Simpleng batang lalaki na na-curious lang sa mundo at ako ay isang babaeng mapagpatol sa kababawan sa paligid. Sa ganoon lang talaga kaming dalawa nag-umpisa.

"Bakit ka po maganda?"

Paano ko nga ba makakalimutan ang tanong niya na 'yon na halos ilang dekada na no'ng huli kong narinig.

"Kasi hindi ako pangit?" nakangiti kong tugon.

Naalala ko lang ang biro noon na kapag tinawag kang pangit ng babae, malamang na insecure sila. Kapag lalaki naman, nang-aasar lang. Pero kapag tinawag kang pangit ng bata, malamang sa malamang ay pangit ka talaga.

"Nakakuha po ako ng stars!" masaya niyang sinabi habang ipinakikita sa 'kin ang likod ng palad niyang may tatlong Excellent na tatak.

"Wow, matalinong bata ka pala. Apir."

Ganyan lang kabilis magsimula ng isang kuwento, 'di ba?

Kuwento na gaya sa mga libro . . . ang pagtatagpo ng dalawang taong pag-iikutan ng istorya.

Kuwento na gaya ng pagbabasa ng libro . . . ang ugali ko ay sa umpisa lang masipag, at hindi magtatagal ay katatamaran na kapag hindi natuwa. Isasara ang libro at maghahanap ng ibang mapagkakaabalahan.

Isa lang siyang parte ng kuwento ko na minsan kong isinara noon, at binuksan ko ulit sa panahong hindi ko alam kung bakit ko nga ba biglang binuksan.


HIS POV


Siguro nga bata lang ako noong panahong 'yon. Limang taong gulang na naghahanap ng atensiyon, papansin at gustong laging napupuna ang lahat ng ginagawa. Nilapitan ko ang isang babaeng alam kong estudyante sa mataas na paraalan dahil sa suot nitong uniporme at base na rin sa kung ano ang natatandaan ko sa kanya noong mga oras na 'yon.

"Bakit ka po maganda?"

Siguro nga, normal lang sa bata ang ganoong mga tanong dahil totoo naman ang nakikita ko. Mahirap pa namang pigilan ang bibig ko noon at hindi ko pa alam ang magsinungaling, hahaha!

"Kasi hindi ako pangit?"

Paano ko nga ba makakalimutan ang sagot niyang iyon na patanong pa ang pagkakasabi.

At sinamahan pa niya ng ngiting napakahirap iwaglit sa isipan kahit matagal na panahon na ang nakararaan.

"Nakakuha po ako ng stars!"

Ang yabang ko pa noon nang ipakita ko ang mga nakuha ko sa Day Care na achievements, nagbabakasakaling mapabilib ko siya ng mga Excellent ko na kung iisipin ko ngayo'y hindi pala big deal dahil obligasyon pala ng mga bata ang umani ng maraming stars sa eskuwelahan.

"Wow, matalinong bata ka pala. Apir."

Nang maglapat ang mga palad namin, may kung ano sa loob ko na nagsabing pakakasalan ko siya pagdating ng araw.

Normal lang na pangarapin iyon ng mga inosenteng bata pero hindi normal na nadadala ang ganoong pangarap hanggang sa pagtanda. Lalo pa, pagkatapos ng araw na iyon, bihira ko na lang siyang makita.


♥♥♥

The Absolute ValueTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon