Kapitulo IV - Panaginip?

991 35 4
                                    

"Bessie Rain, okay ka lang ba talaga?"
Kanina pa napapansin ni Crysca ang pananahimik ni Rain habang lulan sila ng jeep papunta sa Baesa, Quezon City. Ilang malalim na buntung-hininga lang isinagot ng matalik niyang kaibigan habang matamang nakatitig sa cellphone nito.
'Yun na namang Luke na 'yun ang laman ng utak nito. Napailing na lang siya nang maisip niya kung ano ang pinaghuhugutan ng matinding kalungkutan ni Rain.
"'Di ba sinabi ko na sa 'yong tigilan mo na ang pag-i-stalk sa lalaking 'yun?" giit niya.
Binalingan siya ng tingin ni Rain dahil sa kanyang mga sinabi. "Kainis naman kasi eh, simpleng private message ng fan niya 'di niya masagot," giit nito na halatang maiiyak na.
Ilang araw na rin kasing nangungulit si Rain sa public Facebook account ni Luke Montecristo pero wala pa rin siyang napapala. Hindi pa rin niya nakakausap ng personal ang kanyang hinahangang manunulat.
Kaya nang malaman niya mula sa isa ring fan ang pangalan ng school na pinapasukan ni Luke ay agad siyang pumunta roon. Gusto kasi niyang ibigay ang photo mosaic na ginawa niya mula pa nang maging fan siya nito sa Wattpad. Ibibigay dapat niya ito noong fans day pero nagkasakit siya kaya hindi siya pinayagang umalis ng kanyang mga magulang.
"Baka niloloko ka lang ng naka-chat mo," giit sa kanya ni Crysca.
"Sabi ng mga guard at mga estudyante do'n daw talaga nag-aaral si Luke eh," katwiran niya.
"Eh ba't sa tagal mong naghintay sa gate, 'di man lang siya nakita?"
"Sikat na siya 'di ba, kaya no show ang peg."
Alam niyang may punto si Crysca pero pilit pa rin niyang kinukumbinsi ang kanyang sarili na masyado lang abala si Luke kaya hindi man lang siya nabibigyan ng kahit kaunting panahon. Isa pa ayaw niya ring tuluyang sumama ang kanyang loob sa lalaking hindi lang niyang iniidolo kundi lihim din niyang iniibig.
"Tara na nga." Parang hindi na pinakinggan pa ni Crysca ang kanyang mga sinabi dahil pinara na nito ang jeep. Kaya agad na rin siyang bumaba bago pa siya maiwan ng kanyang kaibigan.
Bahagya pa siyang hinila ni Crysca habang papasok sila sa Eternal Garden Memorial Park. Habang naglalakad sila ay si Luke Montecristo pa rin ang laman ng kanyang isipan. Kaya hindi na niya napapansin pa na nakasimangot na si Crysca habang ilang ulit siyang nililingon.
Hanggang sa natigilan na rin siya sa paglalakad nang huminto si Crysca sa tapat ng isang puntod.
"Bessie Rain, sana maging okay ka na...Pero sana rin pagbigyan mo ang pagmo-moment ko ngayon," malumanay nitong pakiusap bago ito naupo sa harap ng puntod para ilagay ang dala nitong bulaklak at magtirik ng isang kandila.
"Sorry na. Sige..." Alam niyang higit nitong kailangan ng kanyang pagdamay pero inuna pa niya ang kanyang sarili. Naupo na lang din siya sa ibabaw ng isang puntod at nanahimik habang matamang nakatingin kay Crysca.

PATULOY pa ring nangungulila si Crysca sa kanyang pinakamamahal. Hindi pa rin niya magawang kalimutan ang mga araw na magkasama silang dalawa. Kaya ngayong sumapit ang kaarawan nito ay nagpasama siya kay Rain upang dalawin ito.
Marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata habang hinahaplos niya ang mga pangalang nakaukit sa lapida. Paulit-ulit din niyang binabanggit sa kanyang isipan ang pangalan ng kanyang pinakamamahal habang unti-unti niyang sinasariwa ang mga alaala ng kanilang pagmamahalan.
"Ang daya-daya mo eh..." Hanggang sa tuluyan ng tumulo ang kanyang masaganang mga luha sa sobrang pangungulila, "---sabi mo 'di mo 'ko iiwan...Miss na miss na kita loveyko..."

Crysca 'wag ka ng umiyak...

Bigla siyang napamulat nang maulinigan niya ang malamig at malambing na boses ng kanyang pinakamamahal. Luminga-linga pa siya sa paligid sa pagbabakasakaling nagpapakita o nagpaparamdam ito sa kanya ngayon. Kung sakali mang mangyari iyon ay hinding-hindi siya matatakot. Mahigpit pa niyang yayakapin ang katawan nito kahit alam niyang hindi nila mararamdaman ang init ng yakap ng isa't isa.
"Crysca, bakit?"
Hindi na niya pinansin pa ang tanong ni Rain dahil napakayap siya sa kanyang sarili nang biglang umihip ang malamig na hangin. Muli rin siyang napapikit nang tumama iyon sa kanyang mukha.
"Alam kong namimiss mo na rin ako loveyko..." pabulong niyang sabi.
"Ate Crysca..."
Muli na naman siyang napamulat nang marinig niya ang pagtawag ng isang pamilyar na boses sa kanyang pangalan. Nang lumingon siya ay nasilayan niya ang nakakabatang kapatid ng kanyang pinakamamahal.
"Greg..."

Plagiarist I (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now